Chapter 1

216 6 0
                                    

            Pasukan na naman, at tulad ng ibang nagdaang pasukan ay ang mahabang traffic, maingay na kalsada at ang mga nagkakagulong estudyante ng St. Peter High.

            Pumarada sa tapat ng gate ang isang bagong-bagong sasakyan, agad na bumaba ang sakay nito at walang lingon na dumerecho sa kanyang bagong silid. Normal na para sa kanya ang ganitong buhay, papasok sa school, uupo sa maghapong klase at uuwi sa kanilang bahay derecho sa kanyang kwarto.

            “Miguel Anthony Reyes,” itinaas niya ang kanyang kamay ng tawagin ng teacher niya ang kanyang pangalan. Hindi niya ito tiningnan wala siyang pakiaalam kung ano mang itsura nito, kung malaki ba ang nakakatakot nitong mukha, kung mataba ba ito para sa kanyang taas o kung tinititigan ba siya nito mula ulo hanggang paa matapos tawagin ang kanyang pangalan. Ang importante lang para sa kanya ay ang umupo sa maghapong klase nito at tapusin ang natitira niyang taon sa high school.

            Nakatungo lang siya ng kuhitin siya ng kanyang katabi. Hindi niya ito tiningnan para mahalata nito na wala siyang pakialam kung sino ito.

            “Hoy mama, partner daw tayo sabi ni Ma’am,” ilang beses na siyang kinuhit-kuhit nito pero doon lang siya napalingon, hindi dahil sa sinabi nitong magpartner sila kundi dahil sa pagtawag nito sa kanya ng mama, ganon na ba siya katanda tingnan. Sino ba ‘tong babaeng to? Parang ngayon ko lang ‘to nakita.

            “Ako si Gabrielle Wolf, you can call me Gab for short. Ngayon mo lang ako nakita kasi transferee ako. At dahil dyan sa busangot mong mukha nagmumukha kang mama.”

            Pero kahit naman hindi ito transferee ay malamang na di rin niya ito kilala, dahil wala siyang kaibigan, wala siyang gustong kausapin at alam nilang kapag nagpumulit sila ay masasaktan lang sila.

            “Oooops, h’wag mo akong sasaktan, black belter ata ako, baka gusto mong masampulan,” lalong kumunot ang linya sa kanyang noo. Nababasa ba niya ang nasa isip ko?

            “Oo, nababasa ko, kaya tigilan mo na yang mga binabalak mo. Pag usapan na lang natin ang gagawin nating presentation sa music next week.”

            Muli niyang ibinaling ang atensyon niya sa kanyang libro, wala na siyang balak na kausapin pa ito. Pero paulit-ulit nitong hinila-hila ang manggas ng kanyang polo.

            “Hoy mama, anong gagawin natin,” muli nitong hinila ang manggas ng kanyang polo kaya di niya na napigil ang kanyang sarili ay marahas siyang tumayo at pinilipit niya ang braso nito bago pa ito nakaiwas.

            Lahat ng kaeskwela nila pati na rin ang kanilang guro ay napatingin sa dalawa ngunit taliwas sa inaasahan ng lahat ang naging reaksyon ng transferee. Imbes na umiyak sa sakit ay balewalang iniikot lang nito ang kanyang kamay upang makawala sa pagkakapilipit ni Migz, nakita na lang nila na si Migs na ang namimilipit sa sakit.

            Ngunit nasasaktan man ay wala pa ring naririnig na tinig mula sa binata, iniikot lang nito ang bisig upang makawala sa pagkakakapit ng dalaga. Sa isip ng lahat ay nakakuha rin ng katapat ang binata.

Mabilis ang naging pagkilos ni Migz hinawakan niya ang braso ng transferee at mabilis itong itinulak na naging dahilan ng pagbagsak ng dalaga sa sahig.

“Miguel Reyes!” napalingon ang lahat sa malakas na sigaw ng kanilang guro, mabilis itong lumapit sa binata habang ang ilan nilang kaeskwela ay tinutulungang tumayo ang babaeng transferee. “Go to the guidance office, now.”

Ayos, unang araw ng pasukan, guidance agad.  Tiningnan niya ang babaeng nagdala sa kanya ng swete para makaiwas sa maghapong klase. Nakangiti pa rin ito at masaya sa kabila ng ginawa niya.

The Dark SoulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon