Ako ba'y nakapagpakilala na?
Clarissa C. Manansala nga pala.
"Nene" ang tawag nila.
Kung bakit? Ewan ko sa kanila.Limang taong gulang at wala pang muwang.
Maglaro ang tanging alam.
At dahil umaga na,
Agad ininom kapeng si nanay ay tinimpla.Mayroon din kaming ensaymada,
Binili sa kuyang nakabisikleta.
Pinalakpakan ni tatay kanina.
Ang tulin kasi ng sasakyan niya.Matapos magpaalam ay sasabak na.
Hindi sa giyera, manghuhuli ng tutubi at gagamba.
Nakita ko si Ana, nasa tagpuan na naming dalawa.
Ito ay ang gilid ng kalsada.Tutubi ay marami rito.
Huwag kayong mag-alala.
Kalsada'y makipot, kaonti ang motorsiklo.
Hindi ito sementado gaya ng sa iba.Dito kami sa walang mga bahay.
Solong-solo at pwedeng mag-ingay.
Sinabi ko bang kami lang dalawa?
Pasensya na, ako'y nagkamali pala.Hayan na ang mga kapatid ni Ana!
Tatlong babae, dalawang lalaki ang nang-abala
Wala pa nga iyong iba.
Siyam silang magkakapatid sa pamilya.Tahimik na tahimik ako,
Bawat galaw ay tantyado.
Nakahanda na ang daliri ko
Kaonti na lang aabot na sa buntot ng insekto.Subalit bago maipit ng aking daliri,
Lumipad ang tutubi.
Nagtawanan ang aking mga katabi,
Habang ako'y nanggagalaiti.Padamihan kami ng huli.
Ang aki'y bilang ng daliri.
Samatalang itong kuya ni Ana'ng lalaki,
Tinali sa tabi ang huling marami.Sumunod kami'y sa manggahan nagtungo.
Maghahanap ng gagamba sa puno.
Nang kami'y manawa,
Sa sanga kami'y nagpahinga.Naglambitin kami na parang sira.
Maya-maya'y may nag-aya.
Habulan daw kami, mahulog awtomatikong taya.
Kaya heto todo kapit sa bawat sanga.Nang magutom, umuwi kami kina Ana.
Tinanaw ang aming magiging miryenda.
Aratires, kamatsile, santol, bayabas, duhat o suha?
Kailangan lang panungkit na mahaba.Maaari ring bumili kung tamad ka.
Gumawa si Ana ng palamig at nagmasa ng tinapay.
Dalawa nga lang ang rekadong nilagay...
Lupa at tubig, habang kanyang kinakamay.Lutu-lutoan, bahay-bahayan, tinda-tindahan ang aming ginawa.
Kinuha ang sako sa kamarin ni Aleng Lita
Saka tinali na parang tolda.
Hayan may bahay na!Mayroon kaming pera, dahon ng bayabas at akasya para sa barya.
Bao ng niyog para sa plato at kahoy ang kutsara.
Si titser nandyan na!
Kailangan naming magsulat sa dahon saging na mahaba.Aking tinanaw kahabaan ng kabukiran sa likod bahay nila Ana.
Naroon ang ama niya, si Mang Ambo.
Patapos na siya sa pag-aararo
Namalayan ko na lang kami'y dito tumakbo.Gumawa ako ng bundok gamit ang buo-buong lupa.
Nang makontento sa aking obra,
Kalaban ay umatakeng bigla
Binato ang aking gawa.Hindi ako pwedeng magpatalo!
Dumampot ako ng tipak ng lupa,
Saka binato ang bundok ng kalaban ko.
Nagbato-han kami hanggang sa ginawa nami'y gumuho.Magtatanghali na naman,
Uunahan ko na si nanay
Sa pagtawag sa aking ngalan
Ang dungis ko, tiyak ako'y patay.
BINABASA MO ANG
Mga Karanasan Ni Nene #PrimoAwards2018
PoetryAnong henerasyon ang inabot mo? Millenial? batang 90's? Makarelate ka kaya rito sa mga yugto ng buhay ni Nene?