Ikalimang Yugto - Pagtatapos at Pagbabago

1K 18 1
                                    

Ano ba ang dapat maramdaman sa pagtatapos?
Ang alam ko, ako'y nakaayos.
Binilhan ni Nanay ng blusa't palda.
'Pagkat ako'y magmamartsa.

Sa munting entablado ng paaralan,
Nagtipon-tipon ang madlang lubos ang kagalakan.
Mag-aaral ay magsisitapusan.
Diploma kami'y bibigyan.

Umakyat nang nakangiti,
Ribbon at medalya'y binigay dili.
Inyong lingkod ay napili,
Bilang panglimang nag-aral mabuti.

Si Tatay, naka-pantalon
Si Nanay, sa bahay ay naiwan.
Lubos ang galak nang bigyan
Nirolyong papel na kinasabikan.

Ang totoo'y di malaman,
Ano nga ba iyong pagdiriwang?
Para saan ang karangalan?
Pati ang papel na walang laman?

Ako'y anim na taon pa lamang.
Hindi inintindi ang kaganapan.
Galak ko'y dulot ng mga nilalang
Na sa pagtatapos ay nasisiyahan.

Basta ang aking alam,
Ice cream ay nagsiliparan.
Tindaha'y kaliwa't kanan.
Ngunit si Tatay 'di ako binibilhan.

Nasubukan mo rin ba?
Larawa'y magpakuha?
Tumayo sa tabi ng pekeng halaman
'Wag gagalaw habang kinukunan.

Pag-uwi'y nariyan ang kainan
Pansit na akala ko'y pangkaarawan
Pwede rin pala sa gantong pagdiriwang
Sa wakas! Ako'y mag-iisang baitang.

Ngunit bago iyan,
Bakasyon ay nariyan.
Itago na ang gamit sa paaralan
Kami'y maglalaro na naman.

Si nanay, malaki na ang tiyan.
Ate Nene ako'y binansagan
Hindi sukat maintindihan
Kapatid ko ay nasaan?

Mais na pananim ay naibenta na,
Nakita ko, marami kaming pera.
Gumising isang umaga,
Kami'y may kuryente na!

Lampara'y amin nang tinago
Napalitan ng ilaw na bago.
Habang nakikinig sa de-bateryang radyo.
Dramang umaaliw sa aming tatlo.

Tumatawid sa kabilang ibayo,
Makapanood lang sa telebisyon ni lolo.
Pukpok doon, pihit dito,
Nang mahanap palabas na nais niyo.

Tag-init ay tapos na
Tag-ula'y papasok na.
Laking galak namin ni Ana
Sa ulan kami'y magbabasa.

Habulan sa ilalim ng ulan
Alunod ay tinatapatan.
Pag-uwi sa tahanan
Umuulan galing sa butas na bubong.

Dumating ang gabi
Aking kinatatakutang sandali.
Kulog at kidlat ay napakatindi
Saan susuot ay 'di mawari.

Dahil bagyo'y paparating,
Pinalitan ni tatay ang bubong.
Ng yerong matibay
Sa tulo ay 'di sasablay.

Sa pag-usad ng mga araw,
Pagbabago ay natatanaw.
Upang hirap ng pamumuhay,
Guminhawa kahit pautay-utay.

Sipag at tiyaga ang kailangan
Mag-abono man ng maisan.
Iba't ibang hayop ay alagaan,
O kaya'y magtanim ng gulay sa bakuran.

Nang salapi ay makalikom
Para sa munting pagbabago
At kaonting ginhawang inaasam
Kahirapan kahit kaonti'y maibsan

Sa murang edad ko,
Naramdaman kong totoo
Pagsusumikap ng magulang ko
Para sa buhay naming ito.

-ITUTULOY-


Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 01, 2018 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Mga Karanasan Ni Nene #PrimoAwards2018Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon