Ikatlong Yugto - Umpisa ng Pagkatuto

2K 20 0
                                    

Ako'y may katanungan,
Kailan ka natuto?
Sino ang iyong unang guro?
Anong una mong natutunan?

Akala ko talaga noon na ang buhay,
Umiikot sa laro, bukid, bahay, ,
Ngunit isang balita mula kay tatay,
Ang nagpabago sa aking kawalang-malay.

"Ipina-enrol na kita para sa darating na pasukan."
Iyan ang sabi ng tatay ko.
Ibig sabihin papasok pala ako.
Wala akong alam, naririnig ko lang ang paaralan.

Sumunod na araw kami'y sa bayan nagtungo.
Bumili sina Nanay at Tatay ng papel, lapis at iba pang gamit na bago.
Syempre masaya ako!
Kumain ba naman kami ng halu-halo.

Pag-uwi ng bahay, aking inisa-isa
Mga gagamitin ko raw sa eskuwela.
Inamoy ko ang krayola, papel notebook, lahat maski amoy-goma.
Bigla akong natuwa, ganito pala ang mag-aaral na.
Mukha namang masaya kahit wala pa akong ideya.

Kinagabihan, matapos ng panalangin,
Tinasahan ni Tatay ang aking lapis.
Pinagmasdan ko ito, saka hindi nakatiis.
Inalok ko ang sarili na ito'y patulisin.

Sa lamesang kahoy kami'y nagtungo.
Nagsulat siya sa papel ng napakahaba.
"Clarissa C. Manansala" malakas na sabi niya.
Pangalan ko pala ito.

Dahil hindi ko magaya,
Aking Itay ay halos sumuko na.
Mas mahirap ito sa dahon ng saging.
Puro guhit lang ang kaya kong gawin.

'Di nagtagal, ginawan ako ng bago.
Pahiga, pahilis at patayo.
Mayroon ding paikot na sa aki'y nagpahilo.
Bakit ang hirap namang gawin ito?!

Lumipas ang mga araw ng pagdurusa.
Nabawasan ang oras ng aking gala.
Pati pagbakat sa sira-sirang linya'y ginawa ko na.
Hanggang sa wakas, naisulat ko na ng tama!

Dumating ang unang araw ng eskuwela.
Hala! Ginising ako ng maaga.
Naligo ng malamig na tubig sa batya galing sa posong binumba.
Ayoko na! Ang hirap pala.

Naiiyak ako nang makarating sa paaralan.
Gamit ang de-padyak na sasakyan.
Hayan na! Nakikita ko na.
Ang laki at ang ganda.

Ang daming tao at batang bitbit ay bag.
Kami'y sa isang kwarto'y nagtungo.
Naroon ang katulad kong paslit at kanilang sundo.
Ang puso ko'y kay lakas ng kabog.

Sabi ni tatay makinig daw ako sa guro.
Sabi naman ni nanay, namamalo siya ng magulo.
Bumilis ang tibok ng aking puso.
Nanginginig ang tuhod habang nakaupo.

"Bayang Magiliw" ay kinanta,
"Panatang Makabayan" ay tinula,
Iyan ay ginawa nila.
Syempre ako ay nakatanga.

Hindi bali't 'di ako nag-iisa.
Pare-pareho kami ng mga kasama ko sa pila.
Dito ko nalaman ang pagkakaiba,
Ng babae at lalaki, matangkad at mababa.

Naranasan mo na bang magpakilala?
Sa harap pa ng mga madla?
Sabihin ko raw ang buo kong pangalan.
Iyan ang sabi ni tatay nang ako'y bulungan.

Sabihin ko raw na ako'y limang taon.
Disyembre 10, 1991 raw ang kaarawan.
Ang dami pang ibang sinasabi.
Bakit para akong nabibingi?

Ngunit nang tinawag na sa harapan,
Ng gurong ang boses ay abot hanggang labasan,
Para akong maiihi sa kabang nararamdaman.
"Nene" iyan lang ang aking tinuran.

O kay sarap na matuto.
Lalo na kapag ika'y ganado.
'Pagka't tinuro na sa'yo.
Ang pinapasulat ng guro, gaya ng pangalan mo.

Mga Karanasan Ni Nene #PrimoAwards2018Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon