Liwanag mula sa Haring Araw na siyang lumulusot sa bintana ng silid ni Lucia ang dahilan kung bakit naalimpungatan ang dalaga.
"Lucia, anak. Mabuti at gising ka na," mga salitang binitiwan ni Doña Luciana na unti-unting nagpamulat ng kaniyang mga mata.
"I-ina?"
Nang naging malinaw na ang kaniyang paningin ay nakita niya ang kaniyang ina na bakas sa mukha nito ang sobrang pagkaalala habang katabi naman nito ay si Antonia. Agad na bumangon si Lucia pero bigla itong nakaramdam nang pagbigat ng kaniyang ulo dahilan upang bigla itong mahilo.
"Dahan-dahan anak. Mahiga ka na lang muna. Hindi pa maayos ang iyong pakiramdam. Dito ka na lang muna. Kukuha lang ako ng iyong makakain," saad ng kaniyang ina.
Napatango naman si Lucia hindi niya malaman ang dahilan kung bakit napakabigat pa rin ng kaniyang pakiramdam.
Nang nakalabas na sa kaniyang silid si Doña Luciana ay umupo sa tabi ni Lucia si Antonia. Hinihipo-hipo nito ang leeg ng kapatid at hinawi ang buhok at inilagay sa likod ng tenga nito.
"A-ate..." panimula ni Lucia.
"Bakit bunso?" tanong naman ni Antonia.
"Anong nangyari sa akin?" tanong nito sa kaniyang ate.
"Hay nako. Siguro sobrang pagod mo lang kasi buong araw kang tumulong dito sa bahay," sagot naman nito.
Napatango naman si Lucia.
"Ah ate. Pwede mo ba akong kwentuhan kung ano ang mga nangyari sa salo-salo natin sa mga Rodriguez kagabi? Nakalimutan ko na kasi. Ang naalala ko lang eh yung nagbatian tayo sa kanila tapos pumunta ako sa hardin at doon nakita ko si Ginoong Rafael," wika niya sa kaniyang ate Antonia.
Napakunot naman ang noo ni Antonia at napatawa ito dahil sa kaniyang narinig.
"Anong tinatawa mo ate?"
"Hay nako! Anong pinagsasabi mo? Napakalakas naman ng pagkabagok ng ulo mo. Hindi na natuloy ang salo-salo kagabi. Pagkatapos kong lumabas sa iyong silid ay bigla akong nakarinig ng malakas na pagbagsak. Agad kong binuksan ang iyong pintuan at nakita kong nakahilata ka na sa sahig dahil nahimatay ka. Tumawag naman ako ng tulong tapos ayun, dumating sina ina at ama pati na rin sina Kuya Manuelito, Ate Emilia at ang pamilya Rodriguez. Sobrang nag-alala sina ama at ina dahil nang binuhat ka namin ay napakainit ng iyong katawan," kwento ni Antonia.
"Ha? Ano? Nahimatay ako?" gulat na tanong niya sa kaniyang ate.
"Oo. Tatawagin na sana ni ama ang ating personal na doktor na si Doktor Hidalgo kaso sinabihan ni Don Sebastian si ama na malayo-layo pa ang bahay nito. Mas mainam daw na si Ginoong Rafael na lang ang titingin sa'yo dahil doktor naman siya. Mabuti na lang at rumesponde kaagad si Ginoong Rafael. Agad ka niyang tiningnan at binigyan niya ako ng isang listahan ng mga gamot. Kaya ngayon, medyo bumaba na ang iyong temperatura," pagpapatuloy nito.
Napatango naman si Lucia.
"Kaya kapag gumaling ka na ay magpasalamat ka kay Ginoong Rafael. Kung hindi dahil sa kaniya marahil ay inaapoy ka pa rin ng lagnat," dagdag ni Antonia sabay hawi sa buhok ng bunsong kapatid.
"Opo," ang tanging naisagot ni Lucia sa kaniyang Ate Antonia. Hindi pa rin siya makapaniwala na isang panaginip lang ang mga pangyayari kagabi.
Tatlong katok naman ang kanilang narinig mula sa pintuan at nakita nilang napasilip si Manuelito sa dalawang kapatid nito. Napangiti naman ang binata nang makitang medyo maayos na ang kondisyon nito.
"Pwede bang pumasok?" tanong nito sa dalawang dalaga.
Tango at ngiti naman ang isinagot ni Lucia sa kaniyang Kuya.
BINABASA MO ANG
Nagmamahal, Lucia
Historical FictionLucia Alvarez, ang pangalan ng isa sa mga anak ng isang gobernador, isang dalaga na mayroong ginintuang puso ngunit ubod naman ng kakulitan at kapilyahan. Maliban sa kaniyang mga katangian ay madalas din nitong makalimutan ang mga bagay-bagay. Siya...