I
*YSABEL*
3:01 am.
Ipinatong ko na ulit sa itaas ng drawer ko ang cellphone ko, tiningnan ko lang kung anong oras na. Napagalaman kong alas-tres na ng madaling araw na hindi naman nakakapagtaka dahil araw-araw ay ganitong oras lagi ang gising ko. Sa tuwing hahalikan ako ni Mikhael sa panaginip ay magigising ako ilang segundo na lang bago mag 3:01.
Nakakapagtaka man pero binabalewala ko na lang, nasanay na rin kasi ako sa takbo ng buhay ko. Sa palagay ko ay bunga lang ng madilim kong nakaraan ang mga panaginip na iyon. Iyon lang ang tanging rasyonal na explanation ang pwede kong paniwalaan.
Hindi kasi ako naniniwala sa kababalaghan. Mga demonyo, aswang, multo, o kahit anong dark entities pa ‘yan ay hindi ko kinakatakutan, gawa lang sila ng malalawak na imahinasyon ng tao na para sa akin ay isang malaking kalokohan lamang. Ang mga pinapaniwalaan ko lang ay ang mga makabuluhang bagay, ‘yung may rasyonal na paliwanag.
Kaya kung tatanungin ako kung naniniwala ba ako sa Diyos, well the answer is no. May nakapagpatunay na bang may Diyos? Nakikita ba natin siya? Hindi! So ibig sabihin walang Diyos, gawa lang din siya ng imahinasyon ng tao. Kaawa-awa lang ang mga taong naniniwala sa Diyos. Haha, ang weak nila.
Bakit nga ba ako hindi naniniwala? Siguro dahil sa dinanas ko sa buhay. Ang nanay ko ay isang hamak na puta, ang tatay ko naman ayun nabubulok na sa kulungan. Ganiyang buhay ang ipinamulat sa akin, isang magulo at puno ng paghihirap na buhay. Sa murang edad natutuo akong kumayod para mabuhay, kapag wala kasi akong nadadalang pera sa bahay bugbog sarado ang inaabot ko sa tatay kong adik. Ang nanay ko naman hindi ko maasahan dahil busy siya sa mga lalake niya.
Hiwalay ang mga magulang ko. Sa tatay ko ako nakatira dahil ayaw magpaistorbo ni nanay. Hindi malayo ang bahay ni nanay, ang totoo niyan kapitbahay lang namin siya ngunit hindi ko siya pinupuntahan, ayaw na ayaw niya daw kasing nakikita ang mukha ko. Ayaw ko rin naman siyang puntahan dahil naiirita ako sa mga lalake niyang dinadala sa bahay na kung tingnan ako para akong kakainin ng buhay.
Kinse anyos ako ng makulong ang tatay ko dahil nahuliang nagbebenta ng bawal na gamot. Ang sarap nga sabihang ‘sige tay push mo yan’. Dahil wala rin namang kwenta ang nanay ko, namuhay na lang ako mag-isa. Nagsisikap ako para makaangat sa buhay, ngayon nga’y isa akong scholar student sa isang sikat na unibersidad sa maynila.
Sa araw ay nag-aaral ako, sa gabi naman ay kung ano-anong raket ang pinapasok ko. Part-time waitress, call center agent, bartender at kahit anong trabahong pwedeng pagkakitaan ng pera sa marangal na paraan ay pinapasok ko. Hindi naman porket scholar ako ay doon ko na lang iaasa ang lahat, kulang na kulang nga iyon sa pang-araw araw ko.
Unti-unti na akong nakakabangon sa masaklap kong buhay hindi dahil sa tulong ng Diyos kundi dahil sa sikap at tiyaga ko. Ang sarili ko ang dapat kong pasalamatan, hindi ang almighty God na wala namang naitulong sa akin. If he’s real, hindi sana naging masaklap ang buhay ko.
Ngunit tila bangungot na bumabalik sa akin ang nakaraan kahit na pilit ko itong limutin. Gabi-gabi kong napapanaginipan kung paano ako bugbugin ng tatay ko, kung paano ako murahin ng nanay ko at kung paano ako muntik na halayin ng isa sa mga lalake ni nanay. Gabi-gabi ‘yang walang palya sa utak ko, parang teleserye na nga eh.
Noong una ay iniinda ko pa ang mga panaginip ko pero hindi na ngayon, natuto akong maging malakas at matapang. Katwiran ko ay wala akong ibang kakampi kundi ang sarili ko. Siguro nga ay naging manhid na ako, na nakatulong naman ng malaki sa akin dahil hindi na ako tulad ng dating iiyak lamang sa isang tabi, ngayon ay binabalewala ko na lang ang mga panaginip ko. Nakatatak sa isipan ko na hindi ako magpapa-apekto sa mga bagay na walang kinalaman sa realidad.
BINABASA MO ANG
A Nightmare's Kiss
ParanormalOur truest life is when we are in dreams awake. ~ Henry David Thoreau