Part 10: Deep Talk

6.2K 178 5
                                    

MAG-ISA na lang si Yarra sa kama nang magising kinabukasan. Sa ibang pagkakataon ay nag-panic na naman siya na wala sina Ex at Elle sa tabi niya, pero hindi nang umagang iyon na pabalik-balik sa isip ang eksena nang nagdaang gabi.

Napangiti siya. Hindi man niya gusto ay madaling nakuha ni Ex ang tiwala niya. Hindi alam ni Yarra kung bakit ganoon kagaan ang loob niya rito. Panatag rin siyang kasama ito sa silid—sobrang panatag na nahimbing pa ang tulog niya. Ni hindi nga niya namalayan na bumangon na si Ex kasama ang pamangkin niya.

Nasaan kaya ang dalawa?

Sinuklay ni Yarra ang buhok gamit ang mga daliri habang palabas siya ng silid. Wala siyang narinig na ingay sa direksiyon ng kusina, baka nasa labas ang dalawa at nagpapaaraw. Handa na siyang lumabas nang marinig niya ang maliit na tawa ni Elle sa itaas. Nasa silid niya ang dalawa?

Nagmamadaling umakyat si Yarra. Nakabukas ang pinto kaya deretso siyang pumasok. Bumagal ang paghakbang niya nang makita ang view sa kama—namumuo ang pawis ni Ex sa noo at sentido, bumabakat na rin sa sando ang dibdib nito dahil sa pawis, at abalang-abala ito sa paglilinis ng pupu ni Elle!

Ilang segundong napatitig lang si Yarra sa mga ito. Hindi niya maipaliwanag ang naramdamang warmth sa dibdib. Ang suwerte ng babaeng mamahalin ni Ex. Hindi lang pala pisikal na anyo ang maganda rito, sigurado siyang magiging mabuti rin itong ama at asawa.

Hindi niya naisip na maganda palang pagmasdan ang malaking taong tulad nito na nagpapalit ng diaper. Tutok ang atensiyon nito kay Elle, pinagpapawisan man ay wala sa anyong nandidiri sa ginagawa. Panay naman ang sipa ni Elle at naglilikot ang mga kamay, kaya yata natagalan si Ex sa paglilinis rito.

"Ang kulit mo baby," sabi ni Ex nang inaayos na ang bagong diaper ni Elle. "Pinahirapan mo ako kaya humanda ka sa akin, hmn..." Pinupog nito ng halik si Elle nang sa wakas ay natapos na ito. "Magluluto pa tayo ng breakfast. Mag-behave ka o paiiyakin kita sa kiss?" binuhat na nito si Elle at kinarga. "Bango!" pinupog uli nito ng halik ang sanggol. Humagikhik si Elle. Lumapad naman ang ngiti ni Yarra. Mukhang gustong-gusto si Ex ng pamangkin niya.

"'Baba na tayo, baby—" hindi nito naituloy ang pangungusap nang makita siya. "Gising ka na pala. Pinakialaman ko na ang mga gamit ni Elle."

"Kanina pa," mahinang sagot ni Yarra kasunod ang ngiti. "Nakita ko nga. Nag-enjoy siyang ikaw ang bago niyang taga-palit ng diaper."

Tumawa si Ex nang magaan. "Pinawisan nga ako, o."

"Oo nga, eh. Dapat ginising mo ako. Nakakahiya sa 'yo—"

"Walang kaso 'yon, Yarra. Sige na, gawin mo na ang mga gagawin mo habang gusto pa akong kasama ni Elle. Siguradong hahanapin ka nito mamaya."

Nakangiting tumango siya. Sinundan niya ng tingin ang paglabas nito habang nakikipaglaro kay Elle.

HININTAY nina Yarra at Ex ang pagbaba ng araw bago nila itinuloy ang napagkasunduang paglilibot sa Corazon nang araw na iyon. Tatlong lugar lang muna ang plano nilang puntahan nang hapong iyon—ang pinakamalaking farm sa lugar, ang simbahan at ang maalamat na bundok raw. Si Lolo Dolf ang nagbigay sa kanila ng direksiyon. Hindi nakasama ang matanda dahil may importanteng lakad raw ito.

Kotse ni Ex ang gamit nila. Ito ang driver at nasa passenger seat naman siya kalong si Elle.

"Ano'ng oras kaya tayo makakauwi?" pagbubukas ni Yarra sa usapan.

"Depende sa tagal natin sa bawat lugar. Gusto mong umuwi nang maaga?"

"Okay lang kahit late na," sagot niya. "Puwede ka naman naming tulugan ni Elle sa biyahe, eh."

Ngumiti lang ito. Nanahimik na pero paminsan-minsan siyang sinusulyapan. Mayamaya ay dinagdagan nito ang speed ng kotse. Halos twenty minutes na matulin ang takbo nila pero ilang minuto pa ang lumipas ay bumagal ang takbo ng sasakyan. Pagtingin niya sa labas ay nasa mataas na bahagi na pala sila ng Corazon, matarik ang daan. Para silang umaakyat sa Baguio.

EX (PREVIEW ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon