Part 5: In His Eyes

6.5K 212 13
                                    

PAGOD ang humatak kay Yarra sa pagtulog. Ilang minuto lang pagkatapos makatulog ni Elle ay nakatulog na rin siya. Hindi niya alam kung ilang oras eksakto ang naging tulog niya, nagising siya sa iyak ni Elle.

Pupungas-pungas na bumangon si Yarra. "Elle?" disoriented pa siya. Ilang segundo pa bago nag-sink in sa kanya kung nasaan sila. Natampal niya ang noo nang pagbaling sa pinto ng silid ay nakita niyang bukas iyon. Nakatulog siyang hindi man lang naisara ang pinto!

Ang natatandaan ni Yarra kanina ay kinakantahan niya ang sanggol. Wala siyang balak matulog. Ang dapat niyang gagawin ay mag-aayos ng mga gamit nila, hindi niya namalayang nakatulog na siya!

Ano'ng oras na ba?

Lumakas ang iyak ni Elle. Ang diaper kaagad nito ang dinama niya—basa iyon. Kaya pala nagagalit na naman ito. Sa mahigit dalawang linggo niyang inaalagaan ang sanggol ay dalawang bagay lang ang laging dahilan ng pag-iyak nito, ang basang diaper at kapag may nararamdamang masama sa katawan o kaya ay nagugutom.

"Sorry, baby. Papalitan ko na, ha? Huwag ka nang umiyak," pinupog muna niya ito ng halik sa mukha bago siya kumuha ng pamalit na diaper. Natawa si Yarra nang parang mas nagalit ito sa ginawa niyang paghalik. Mas umiyak si Elle at panay ang sipa ng mga paa.

"Shhh, heto na po, papalitan na." pumuwesto siya sa may paanan nito at sinimulang tanggalin ang diaper. Natatandaan niyang ilang araw ang kinailangan niya bago siya natutong magkabit ng diaper—nang tama. At sa mga pagkakataong may 'pupu' ang sanggol ay mangiyak-ngiyak siya. Ilang pack ng baby wipes ang nauubos niya bago niya ito nalilinis ng husto. Gusto niyang isisi iyon kay Ate Shalani, na hindi man lang siya nito hinayaang alagaan si Elle dati. Sana ay natuto man lang siya, hindi tulad ngayon na lahat ay kailangan niyang pag-aralan. Pakiramdam niya ay grade one pupil siya na nahihirapang mag-adjust sa mga bagong lessons na hindi siya pamilyar.

Pero ngayon ay marunong na siyang magkabit ng diaper nang tama, at nasasanay na rin siyang linisin si Elle nang mabilis kaya hindi na ito laging nag-aalburuto sa tagal niyang gawin iyon.

Pinalitan rin niya ang damit nito nang makapa niyang basa ang likod. "Okay na, baby. Fresh ka na uli, hmm..." pinupog niya ito ng halik. Sa pagkakataong iyon ay humagikhik na ito. Ilang minuto niyang nilaro ang baby bago niya iniwan para maghilamos. Pasado alas tres na pala ng hapon at wala siyang matinong lunch. Kumakalam na ang sikmura niya.

Hindi siya nagtagal sa banyo dahil walang kasama si Elle. Malikot ito kaya lagi siyang alerto. Halos hindi na nga niya maasikaso ang sarili nitong nakaraang linggo sa pagbabantay niya sa sanggol. Lahat ng kilos niya ay madalian. Pakiramdam nga ni Yarra ay biglang ninakaw sa kanya ang kabataan niya. Hindi na niya magawa ang mga dating ginagawa tulad ng pakikipag-usap nang mahabang sandali sa mga kaibigan, paglabas para mag-malling or manood ng sine at iba pang mga bonding moments nila. Iglap ay dapat na niyang baguhin ang priorities niya o kaya naman ay pabayaan niyang mapahamak si Elle. Ang dalawang iyon lang ang pagpipilian niya at hindi niya maatim na piliin ang huli.

Ang kalimutan ang sarili at mag-focus kay Elle--iyon ang pinili ni Yarra.

Paglabas niya ng banyo ay abala pa rin si Elle sa iniwan niyang laruan pero pahalang na ang higa nito sa kama. Lumapit si Yarra at inayos uli ang higa nito sa gitna ng kama. "Ang likot-likot mo talaga," hinalikan niya ang baby sa buhok at sa noo na uulitin pa sana niya na naudlot nang may marinig siyang katok.

Natigilan si Yarra at napalingon sa pinto.

Si Ex na nakangiti sa anyong kumakatok ang nalingunan niya. "May pagkain ako sa 'baba, baka nagugutom ka." kaswal na sabi nito. "Alanganing oras ang dating n'yo kanina at napansin kong hindi kayo lumabas ng baby mo para mag-lunch. Nasilip kong tulog kayo pareho kaninang umakyat ako," hindi nito inaalis ang tingin sa mga mata niya, sinadyang tumigil nang tinutop niya ang bibig.

 Nakita siya nitong tulog na tulog? Ano kayang hitsura niya?

"Bukas kasi ang pinto n'yo," paliwanag ni Ex, nabasa yata sa reaksiyon niya na hindi siya komportableng may ibang tao sa paligid kapag tulog siya. "Hindi na ako basta aakyat dito kung hindi mo gustong—"

"Okay lang, Ex," putol ni Yarra. "Wala namang problema sa akin kahit mag-ikot ka sa bahay. Pareho lang naman tayong guest dito. Magla-lock na lang ako ng pinto sa susunod." aniyang nginitian rin ito.

"Dapat nga na mag-lock ka ng pinto lagi," sang-ayon nito. "Hindi pa naman trusthworthy si Dolf," dugtong nito at ngumisi.

Nagkaroon ng tunog ang tawa ni Yarra. "Isusumbong kita!"

Tumawa na rin ito. "'Baba kayo ni Elle, 'kain tayo."

"Libre ba?"

Lumapad ang ngiti nito. "Libre."

Ilang segundong nagtama ang mga mata nila, pareho silang nakangiti.

"Hindi na kita isusumbong kay Lolo Dolf." aniyang nakatawa. "Gutom na ako, eh."

Tumawa uli si Ex bago siya iniwan. Matagal nang wala ito ay nakangiti pa rin siya. Sa palagay ni Yarra ay mag-eenjoy siya sa isang buwang mananatili siya sa Corazon at sa bahay na iyon...


EX (PREVIEW ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon