Two

5 0 0
                                    



Isang masamang bangungot ang lahat.

Isang napakasamang bangungot lamang.

Sana.

Sana nga bangungot lamang ang lahat.

Sana'y magising na sya kung bangungot lamang ito.

"Kamahalan, dito!" -sigaw ng paslit sa dalaga habang habol ng mga kawal ng kastilyong misan na naging kanyang tahanan. 

Napaigik ang dalaga ng humampas sa kanyang balat ang sanga ng isang kahoy ngunit parang walang pakialam ang dalaga sa sakit, isa lang ang laman ng kanyang isipan. Ang makawala sa landas ng mga humahabol sa kanila. Para sa buhay nila. Para sa buhay nya.

"Kamahalan, bilisan nyo po."

Ang kaninang nakangiting mga labi at mga matang puno ng pag-asa ngayo'y hilam sa luha. Mga luhang humahalo sa patak ng marahas na ulan. 

Paano nga ba ito napunta sa sitwasyon na ito? Paano nga ba nauwi ang masayang pagkukwento nito sa musmos na buhay nito ang kinasasadlakan nila ngayon?

" Kamahalan, konting tiis na lang po." 

Nakakatawang isipin, sya ang mas nakakatanda subalit ang paslit ang nagpapagaan ng loob imbes na sya dito. 

Biglang lumkiko ang paslit kaya sinundan nya ito. Kung saan ito patungo ay hindi nya alam. Kung magiging ligtas silang dalawa ay hindi rin nya alam.

Wala syang alam.

Biglang nataranta ang kalooban ng dalaga ng mawala sa kanyang paningin ang paslit na tila ba ito'y nilamon ng kagubatan.

"Nasaan ka?! Nasaan ka! Huwag mo akong iwanan!"- hilam sa luha na tawag ng dalaga sa kanyang tagapag-ligtas. "Paki-usap, nasaan ka?"

Unti-unti na syang nawawalan ng pag-asa sa makailang ulit nyang takbo sa kagubatan.

Dumaing  ang dalaga ng tumilapon sya sa maputik na sahig ng kagubatan ng mapatid sya ng naka-usling ugat ng puno. HIndi. Hindi sya dapat mawalan ng pag-asa ngayon. Hindi sya ngayon susuko.

"Kamahalan! Tumigil ka!" - rinig nyang sigaw sa likod nya.

Nanlaki ang kanyang mga mata ng makita nya ang mga kawal palapit sa kanya. Mabilis syang tumayo at tumakbo palayo sa papalit na kawal. Pinahid nya ang luhaang mukha at kahit sumasakit ang katawan ay pilit syang tumakbo ng mabilis sa kagustuhang makalayo sa mga mga humahabol. Pepeng hiling sa maykapal na sana'y makaligtas sa husga at hagupit ng kapalaran sa kanya.

'Hindi maaari. Kailangan kong lumaban para sa mga taong pinaglaban ako at nagsakripisyo. Hindi maaaring hindi man lang suklian ang ginawa nila sa akin. Mabubuhay ako.'

Hindi nya alam kung ilang oras na syang tumatakbo. Hindi nya pansin ang pagod at sakit ng katawan. Hindi nya alam kung saang direksyon sya papunta ang nasa isip nya lang ay kailangan nyang makalayo.

"Hindi!"- sigaw ng dalaga nga wala na syang matakbuhan. Nasa gilid sya ng bangin habang pinapalibutan ng maraming kawal ng palasyo!

"Mag-ingat kayo! May kapangyarihan sya!"

"Hindi! Maawa kayo! Wala akong ginawang masama. Maawa kayo!" -hilam sa luhang sambit nya.

Nakatutok ang mga mata nya sa isang kawal na humakbang. Nakikita nya ang kakaibang galit sa mga mata nito habang nakatitig sa luhaan nyang mukha habang nakatutuk sa kanya ang baril na dala nito. 

"Dahil sayo namatay ang kapatid ko! Dahil sa ginawa mo. Dahil sa ginawa mo naghihinagpis ng labis ang aking ina! Halimaw! Isa kang halimaw! Mamatay ka na! Isa kang salot! Mamatay ka na!"- namumula sa galit ang mukha nitong sigaw sa kanya.

"Hindi ko sinasadya.... h-hindi ko sinasadya maniwala k-ka. Maawa ka.. Maniwala k-ka... h-hindi ko sinasadya..." - hagulhol ng dalaga pero tila bingi sa galit itong nakatitig sa kanya.

"Mamatay ka na.. mamatay ka na.. Papatayin kita!!"

Tunog ng baril ang umalingawngaw sa buong kagubatan. Nagsiliparan ang daang-daang ibon , nagsitakbuhan ang daang-daang hayop upang makahanap ng matataguan sa takot na isa sa kanila ang masawi. Takot na isa sa kanila ang naging biktima ng buhay.

Ngunit isang nilalang ang hindi sapat na pinalad. Sapo ang dumudugong tiyan na malalaki ang mga matang napahakbang paatras hindi pansin ang dulo ng bangin.

"Ahh.. tulong.. pakiusap.. ayaw ko pang mawala.. t-tulong..."- luhaang pagmamakaawa nya sa mga kalalakihang tila bingi at bulag habang nakatingin sa kanya at sabay sabay na itinutok sa kanya ang mga dalang sandata. Pikit-matang napahagulhol ang dalaga at piping humihiling tulong kahit na tila'y pakiramdam nya'y ito na ang huling araw ng kanyang buhay.

Lingid sa kaalaman ng dalaga na habang pepeng humihiling siya ng tulong mula pa kanina, ang tubig sa ilalim ng talampas ay dahan-dahang umaakyat ang agos hanggang sa ito ay tila kanyang sariling mga kawal na nagbabantay sa kanyang likuran.

At habang siya ay umiiyak sa pinaghalong pagod at sakit  at pagka-awa sa sarili, ang dumadaloy na tubig sa likod ay kisap-matang nagbago ang hugis. Mula sa simpleng tubig ito ay naging daang-daang tila matatalim na sandatang nakatutok sa bawat kawal na nakapalibot sa kanya. At tila may sariling buhay na pinagsasaksak ang lahat ng kawal na may posibilidad na makapanakit pa sa prinsesa. 

Eksenang walang kaalam-alam ang dalaga sa pag-aakalang ang ingay at putok ng mga baril sa paligid ay para sa kanya.

Isang hakbang.

Isang hakbang paatras ang ginagawa nya lingid sa kaalamang iyon na ang dulo ng bangin kaya isang sigaw ang namutawi sa kanyang bibig habang mabilis na nahuhulog. Luhaang tila inaabot ang kung ano man ang pwede nyang maabot hindi lang ito ang maging kanyang wakas. 

Ngunit hindi nakikiayon sa kanya ang kapalaran dahil unti- unti na rin syang nawawalan ng malay. Mga matang pilit na ibinubuka. Buhay na pilit pinalalaban na wala rin namang kahahantungan. Hindi matanggap na bale-wala ang sakripisyo ng iilan sya'y mabuhay lamang. 

Huling nakita nya ay ang pagtalukbong ng tubig sa kanya, tubig na kumitil ng iilan bago tuluyang pumikit ang kanyang mga mata.

Ano ba ang kanyang kasalanan? Sya'y biktima lamang ng mapait na kapalaran.

'Patawad, Papa, Amaya... makakasama ko na kayo....'

Water BearerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon