Habang nakikinig si Cheng sa mga hinaing ng kanyang mga kliyente na tinanggal ng J.E. Telecommunications Company, lalong nanggagalaiti naman siya sa may-ari nito. Ayon sa mga empleyado, simula nang magpalit ng management ang nasabing kompanya, nagsimula na ang kanilang kalbaryo. Masyado raw istrikto ang bagong presidente. Wala itong konsiderasyon. Ang ilan nga raw sa kanila ay natanggal dahil lang sa absences. Kahit na mayroon naman daw sapat na dahilan kung bakit sila lumiban sa trabaho. Tatlo sa kanila ay na-dengue ang anak. Ang dalawa naman ay namatayan ng kapamilya. Ang iba nama'y nagkasakit. Gayunpaman, hindi ito pinakinggan ng management.
"Mayroon ba kayong kopya ng performance evaluation ninyo?" tanong ni Cheng sa sampung naroroon. Karaniwan sa kanila'y mga babae.
"Opo, Ma'am," sabi ng lider-lideran ng grupo. Nilabas nito ang isang folder na naglalaman ng mga papeles. Binigay kay Cheng.
Pinasadahan ng dalaga ang evaluation sheets ng babae. Sampo lahat 'yon. Dalawang beses daw kasi nagka-conduct ng performance evaluation and J.E. Telecommunications. Dahil limang taong nagtrabaho do'n ang nasabing ginang, mayroon siyang sampo nito.
Sa unang dalawang taon, nakita ni Cheng na matataas ang marka ng kliyente. Umabot pa nga sa Very Satisfactory (VS) ang rating nito. Subalit nang nasa ikatlong taon na ay bigla na lang itong bumaba. Mula sa VS rating na halos umabot na sa Outstanding, biglang bumulusok ito at naging pasang-awa. Sakto lang sa Satisfactory rating. Sa pang-apat na taon, tuluyan na itong bumagsak. At nakita ni Cheng na isa sa mga sinabing dahilan sa qualitative feedback nito mula sa direct supervisor ay ang chronic absences daw.
"Ano pong nangyari, Misis?" tanong ni Cheng sa babae. "Nagsimula naman kayo sa magandang performance tapos bigla na lang bumulusok ang rating niyo."
"Iyon nga po, Atty. Na-dengue po ang bunso ko. Kaya po, absent ako nang absent. Pero nagpa-file naman ako ng leave of absence sa tuwing lumiliban po ako. Tsaka po, sinisikap ko namang magampanan ang aking trabaho kaso nga lang po talagang hindi po kinaya. Kasi po, apat ang mga anak ko at lahat sila'y maliliit pa," pagpapaliwanag naman nito. Medyo nahihiya dahil pinakatitigan siya ng dalaga. Inaarok kung nagsasabi ng totoo.
"Ano naman po ang trabaho ng mister, niyo?" tanong uli ni Cheng.
"Dati po siyang nagtatrabaho bilang piyon sa konstruksyon. Kaso nga po, nawalan siya ng trabaho. Kung kaya, bakante po siya ngayon," sagot naman agad ng ginang.
"Noong mga panahong na-dengue ang anak niyo, may trabaho pa po ba si mister?" si Cheng uli.
Bahagyang napayuko ang babae. "W-wala na po, Ma'am," ang sabi na halatang nahihiya. Pinipisil-pisil nito ang kamay. Halatang nahihiya at nininerbyos.
Napailing ang dalaga. At nakaramdam ng pagkainis. Hindi sa babae kung 'di sa asawa nito. Batugan? Umaasa lang sa asawa?
"Tumutulong naman po ba siya sa inyo?" tanong pa niya uli kahit na may kutob na siyang tipikal na iresponsableng asawa ang mister ng babae.
"Tumutulong naman po," ang sagot sa kanya pero hindi nakatingin sa kanya ang ginang. Nakayuko pa rin ito.
"Sigurado po kayo?" tanong uli niya sa tono na parang nag-i-interrogate ng akusado. Tinitigan niya uli ang ginang.
"Uhm – k-kasi p-po, Attorney....k-kasi po," nauutal na sabi ng babae.
Hay naku, naisip ni Cheng. Heto na naman po kami sa mala-MMK na kuwento ng buhay. Isang loving-wife-at-irresponsible-husband story na naman.
Sa paputul-putol na salita, kinuwento ng babae na nagsimula raw maging iresponsable ang asawa niya noong tinanggal sa trabaho. May nainggit daw na kasamahan dahil pinagkakatiwalaan siya ng enhinyero ng konstruksyon. Kung kaya ginawan ng isyu ng mga nainggit na kasamahan. Ni-report sa pamunuan na nagnanakaw raw ng semento at binibenta sa kanilang lugar. Simula raw noong natanggal ay wala na raw itong ginawa kundi maglasing. At napabayaan nga ang pamilya.
BINABASA MO ANG
Beyond Reasonable Doubt (SPG - COMPLETED)
ChickLitCheng is a very serious lawyer who crosses paths with an easy-going Fabio due to a case she's handling. She must win the case against the JE Telecommunications even if she is falling for Fabio, its CEO. ...
Wattpad Original
Mayroong 2 pang mga libreng parte