Chapter 4

78 20 0
                                    

Ang ending, humiram ako kay Tiyang ng pera.

Kapatid siya ng aking tatay, at hindi naman sila ganoon kalapit ni Nanay sa isa't isa kaya matinding pananalak na naman ang inabot ko.

Dose anyos pa lang ako noon nang mawala sa field si Tatay. Isa siyang pulis—marangal at magaling na pulis.

Labis ang aking paghanga sa kaniya. Mayroong punto ng aking buhay na ninais kong sundan ang yapak niya.

Hindi na 'ko nagpatumpik-tumpik pa na dalhin sa ospital si Nanay. Hindi bale nang mabaon ako sa utang, kaysa maging ulilang lubos.

Nasa rooftop ako at nagpapahinga. Sa dami nang nangyari ay hindi na ako nagkaroon ng oras para sa sarili ko.

"Kita mo ang mga bituin na iyon?"

Halos takasan na naman ako ng kaluluwa. Hindi ko namalayang nakaupo sa tabi ko si Chen.

Hindi na 'ko umaalis nang hindi dala ang palayok. Baka may kung anong mangyari, at nais kong maging handa ano pa man iyon.

"Binubuo nila ang konstelasyong Aquila," dagdag niya.

Buong atensyon niya ang nakatuon sa kalangitan. Mukhang manghang-mangha siya rito.

Ako naman ay siya ang pinagmamasdan. Hindi pa rin ako makapaniwala na may katulad niyang umiiral sa mundo, at nandito sa tabi ko.

"Kapag ba genie alam na ang mga ganyang bagay?" tudyo ko.

"Sa dati kong buhay, isa akong pirata," maikli niyang paliwanag, na animo'y nasagot niyon ang lahat.

Magtatanong pa ako nang magsalita siyang muli.

"Iyon naman ang Corona Australis."

"Ang ibig mong sabihin?" usisa ko. "Dati kang tao?"

Nakapihit ang katawan ko para makaharap siya. Kahit nasa gilid niya ako ay hindi maitatanggi ang taglay niyang kakisigan.

Nang lumapag sa akin ang mga mata niya ay tila kinapos ako ng hininga. Mas maganda pa sa mga bituin iyon.

"Mahirap man paniwalaan dahil sa taglay kong kakisigan, pero oo. Dati akong tao."

Nakangisi siya. Nakangising nang-uuyam sa akin.

Gusto ko nang bawiin ang naisip.

Hindi.

Hindi siya gwapo.

"Asa ka pa," bulong ko. Binaling ko ang tingin sa langit. Sinubukan kong hanapin ang mga tinutukoy niya.

"Ano 'yon?" tanong niya.

"Wala."

Bumuntong hininga ako, medyo naiirita na sa kaniyang presensya.

Tumayo ako at nilabas ang cellphone ko.

Tama ang alaala ko. Tuluyan na nga itong nasira.

"Kamustahin ko muna si Maine," saad ko.

Ewan ko ba kung ba't nagpapaalam pa ako sa kaniya. Tiyak namang wala siyang pake roon.

Tumayo siya, nakakunot ang noo, tila nag-iisip.

"Maaari kitang dalhin doon."

Hindi ko napigilan ang pagbungisngis. "Magic ba 'yan?" tanong ko na parang bata—nasasabik. "Teka, hindi naman 'yan mababawas sa mga hiling ko, 'di ba?"

Ngumisi siya. Lumukso ang puso ko. Ang gwapo. "Ituring mo na lang itong pabor."

Tinaas niya ang kanang braso. Lumantad ang nakakuyom niyang kamao, kung na saan ang singsing niya.

Genie and ITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon