Chapter 3

90 21 0
                                        

Ginamit ko ang pedicab para pumunta kina Maine bago matapos ang araw.

Hindi pa muling nagpapakita si Chen.

Marahil ay dahil wala pa akong kahilingan?

Paano naman kung may katanungan ako? Kahit ano ba ay maaari kong hilingin?

Kung sabagay, naibalik nga niya ang oras e.

Pinindot ko ang doorbell. Lumabas naman kaagad si Adrienn.

Lumampas ang tingin niya, saka tumaas ang kanang kilay. "Hindi mo kasama si Miss Maine?"

"Wala siya rito?"

Ano ka ba naman, Juliet? Itatanong ba niya iyon kung nandito?

"Maaari kang pumasok, pero wala rito si Miss Maine. Pwede rin namang bumalik ka na lang. Pagbalik ni Miss, sasabihin kong nanggaling ka rito."

Hindi ko alam pero biglang bumigat ang pakiramdam ko. Para bang may kung anong bumabagabag sa akin.

Gayon pa man, tumango ako.

Hindi ko na sinakyan ang pedicab paglabas ng subdivision. Hinila ko na lang ito nang tumagal bago ako makauwi.

Kailangan kong mag-isip. Masyadong marami ang nangyari nitong nakaraang araw. Mali, bukas pa pala iyon mangyayari.

"Mukhang malalim ang iniisip mo."

Halos mapatalon ako nang magsalita si Chen, na nasa tabi ko na pala.

"Pwede sa susunod balaan mo 'ko kapag magpapakita ka?" singhal ko nang nakahawak sa dibdib.

"Maaari mo 'kong tawagin ano mang oras mo naisin. Kailangan mo lamang haplusin ang palayok."

Sinilip ko ang palayok na nasa sidecar ng pedicab. Hindi ko naman ito hinaplos, nangangahulugang pinili ni Chen na magpakita.

"Intsik ka ba? Pero parang pang-Amerikano mata mo," random kong tanong. "Base lang sa tunog ng wika mo. Parang Chinese e. Tapos singkit ka pa."

Nang tingnan ko siya sa gilid ko ay nakita kong nakangiti siya. Kung hindi ko lang alam na isa siyang genie ay marahil inisip ko na isa siyang anghel.

"Iyong Chinese na sinasabi mong winika ko ay Mandarin kaya oo, isa akong intsik," paliwanag niya.

Hindi katulad ng una naming pagkikita, mukhang kumalag ang kaniyang depensa ngayon. Hindi siya ganoon ka-sungit.

"Doon naman sa sinasabi mong mata ko, nagmula ako sa mga tinatawag n'yo ngayong Uyghur. Pero hindi ako nandito para pag-usapan ako. Bakit kailangan pang pag-isipan ng mga kahilingan mo? Halata namang kailangan mo ng pera."

Napatigil ako sa paglalakad. May punto siya.

Pero sa katanuyan, marami akong nais sa buhay. Hindi natatapos ang paglalakbay sa pagkakaroon lamang ng salapi.

Sa katunayan, ang isa sa aking mga pangarap sa buhay—ang sundan ang yapak ni Papa— ay tila imposibleng makamit kung hindi ko lamang nakuha ang palayok na ito.

At wala rin namang kasiguruhang gagaling si Mama sa pagkakaroon lamang ng maraming pera.

"Bakit ba kasi tatlo lang ang pwede?"

Nagpakawala siya ng hangin sa ilong na tila nayayamot. "Walang hangganan ang pasensya't pagbibigay ko noon sa unang mga may-ari ng palayok. Hindi niyon na-resolba ang aking problema. Higit sa lahat, natuklasan ko kung gaano ka-ganid maaaring maging ang isang tao kapag wala siyang limitasyon."

Sa dinami-dami ng sinabi niya, isa ang tumatak sa akin. "Anong problema?" usisa ko.

Hindi ako makapaniwala na isang kagaya niya—makapangyarihan at walang kasing guwapo—ay may problemang hindi kayang lutasin.

Nagsalubong ang perpekto niyang mga kilay. Nawawala ang pisikal niyang kaanyuan. Nagbabadya na naman ang kaniyang pagtakas.

Sa panic ay nagmamadali akong lumapit sa kaniya. Hindi na 'ko nakapag-isip gaano.

Pinulupot ko siya ng aking mga payat na braso; ang mukha ko'y nasa matigas niyang dibdib.

Naramdaman ko ang paninigas niya—ang tensyon sa bawat kalamnan niya.

Putik! Ano bang ginagawa mo, JD?

Nag-init ang mga pisngi ko. Tiyak akong namumula ako sa ka-gaga-han ko.

Mabilis kong binawi ang pagkakayakap at tumayo nang maayos.

Iniiwasan ko ang sidhi ng kaniyang pagtitig pero nararamdaman kong nakatuon ito sa akin.

"Anong pangalan mo, mortal?" tanong ng malalim niyang boses.

Iyong totoo, ngayon niya lang tinatanong sa 'kin iyan?

"JD..." mahina kong sabi.

Nagiging babae ako dahil sa lalaking 'to! Napaiisip tuloy ako na bagay naman pala talaga sa akin ang Juliet.

Kaagad akong umiling sa naisip. Para akong nawawala sa wisyo!

"Piàoliang," aniya na hindi ko naman naintindihan. "Mukhang matutuwa ako sa maikli nating pagsasama, mortal," halos pabulong niyang komento.

Ibinaba niya ang kaniyang mukha sa lebel ng akin. Magkalapit ang aming mga mukha na nararamdaman ko ang marahan niyang paghinga.

May nabara yatang kung ano sa aking lalamunan.

"Sinabi ko na ang pangalan ko, hindi ba?" pabalang kong tugon. Nilayo ko ang sarili ko sa kaniya nang sa gayon ay hindi kung anu-ano ang naiisip ko.

Narinig ko ang mahina niyang pag-alik-ik. Nakaliliyo ang boses niyang lalaking-lalaki.

"Kapag binigyan mo na 'ko ng dahilan para tandaan ang pangalan mo, marahil ay itawag ko sa 'yo iyon."

"Aba't ang yabang—"

Tuluyan na siyang nawala.

Ayos din ang lalaking 'yon a!

Dahil na rin sa inis ko sa kaniya at sa sarili ko, ipinarada ko sa gilid ang pedicab at kinuha ang palayok.

Hinaplos ko ito.

"Boo."

Napatalon ako sa gulat nang ibulong niya iyon mula sa likod ko. Ramdam na ramdam ko ang mainit niyang hininga sa batok ko.

Tatawa-tawa siya sa akin. Nakakagigil!

"Hayop!" Hahampasin ko sana siya nang mawala na naman siya kaya naman muntik akong dumausdos sa lupa.

Mabuti na lang at na-balanse ko ang sarili ko.

Pagtayo ko nang maayos, natagpuan ko siya sa gilid na prenteng nakatingin sa akin habang nakangisi. "Ano na ang 'yong kahilingan?" untag niya.

Inismiran ko siya at ibinalik sa sidecar ang palayok.

"Wala. Sinubukan ko lang kung gumagana talaga."

Tumaas ang kanan niyang kilay. "Pinaglalaruan mo ba 'ko, mortal?"

Ngumisi ako, upang ipahiwatig na tama siya.

Nagpakawala siya ng hangin sa ilong. Naiinis yata.

Pagkakataon ko naman para tawanan siya. "Paano ka ba kasi nagkakasya sa maliit na lalagyang 'yan?" tanong ko nang mahimasmasan.

Naalala ko nang saluhin niya ito noong unang beses siyang magpakita sa akin.

"Hindi naman ako sa palayok nakatira. Iyon lang ang nagsisilbing lagusan sa pagitan ng mundong ito, at ng dimensyong kinalalagyan ko."

Nagtaas siya ng kanang kamay. Nakakuyom ang kamao niya.

Nang dahan-dahan niya itong buksan ay tila huminto sa pagpintig ang puso ko.

Tumalon sa direksyon ko ang dagang hawak niya. Napatili ako nang ubod ng lakas at tumalon para maiwasan ito.

Tumakas ang daga papunta sa drainage. Wala nang muli si Chen.

Bwisit na Genie 'yan.

Genie and ITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon