"KUMUSTA NA ba ang soon-to-be Mrs. Pederico?" bungad sa kanya ni Allie pagpasok nito sa loob ng bahay ni Ken.
Napailing siya. "Shhh! Huwag kang maingay diyan. Baka may makarinig sa'yo kung ano ang isipin." Saway niya dito.
Natawa lang ito.
"Joke lang, ito naman. Eh kumusta na nga ang pag-stay mo dito?" tanong ulit nito.
"Okay naman."
Iyon na ang pangalawang araw niya doon sa bahay ni Ken. Doon siya nito diniretso simula nang makalabas siya sa ospital. Pinilit niya itong sa bahay na lang ni Chacha siya magpapahinga. Ngunit hindi ito pumayag, mas mapapanatag lang daw ito kung ito mismo ang mag-aalaga sa kanya. Sa ngayon ay unti-unti nang bumubuti ang pakiramdam niya. Sa tantiya niya, baka sa loob lang ng dalawa pang araw ay makakabalik na siya sa trabaho. Medyo naiinip na rin siya ng walang ginagawa. Kumuha kasi si Ken ng taga-linis ng bahay. Hindi na rin siya nagluluto dahil automatic na may nagdi-deliver na ng pagkain sa kanya simula umaga hanggang gabi galing sa Rio's.
"Eh ikaw? Kumusta ka na?"
"Eto, getting better. Sa awa ng Diyos. In two days baka bumalik na ako sa boutique." Anito.
"That's good. Pero kung hindi mo pa kaya, huwag mong pilitin ang sarili mo." Payo sa kanya ni Allie.
"Naiinip na nga ako eh. Gusto ko nang lumabas."
"Ay, ayan ang huwag mong gagawin kung wala rin lang consent ni Doc. Magagalit 'yun sa'yo."
Nagkibit-balikat lang siya.
"Bumabalik na rin ang kulay mo. Hindi gaya noong nasa ospital ka, sobrang putla mo. Magdamag ngang nakabantay sa'yo si Ken. Ayaw niyang umalis sa tabi mo." Kuwento pa ni Allie.
"Talaga?"
May kung anong mainit na pakiramdam ang humaplos sa puso niya. Alam niyang binantayan siya nito. Pero hindi niya akalain na halos ayaw na nitong umalis sa tabi niya.
"Hay naku, kung alam mo lang." sabi pa Allie.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Sobrang pag-aalala niya sa'yo lalo noong kritikal ang lagay mo. Maya't maya niya tiningnan ang temperature mo. Halos hindi niya bitawan ang mga kamay mo. And he even talked to you when you were sleeping."
Agad na lumipad ang tingin niya sa larawan ni Ken na nasa ibabaw ng isang maliit na mesa na gawa sa salamin.
"He loves you so much, Myca. You have no idea. Kitang-kita namin 'yun nung may sakit ka." dagdag ni Allie.
"Darating din naman kami sa level na 'yun. Naghihintay lang ako ng tamang pagkakataon." Sagot niya.
"Tamang pagkakataon? Ay sus! Baka mamaya n'yan kakahintay mo, mawala ang pagkakataon mo. Sige ka, ikaw rin ang magsisisi."
"Alangan naman ako ang unang magsasabi sa kanya."
"Eh ano, bakit naman si Panyang?"
Bumuntong-hininga siya. "Allie, hindi ako kasing tapang ni Panyang. She's one tough girl. Samantalang ako, eto lang. Kung anong nakikita mo sa akin. Mahina ang loob ko."
Ginagap ni Allie ang kamay niya. "Look, you have to be tough. Kahit hindi kagaya ni Panyang. Ang importante, kaya mong lumaban. Kaya mong panindigan ang alam mong tama. Hindi habang buhay, puwede kang apakan at apihin."
BINABASA MO ANG
The Tanangco Boys Series 6: Ken Charles Pederico
Romance"The moment I laid my eyes on you. Alam ko nang ikaw ang babae para sa akin." Teaser: Dahil sa matinding problema sa pamilya, pinili ni Myca na lumayo pansamantala. At sa kanyang pag-alis, tinulungan siya ng kaibigan niyang si Abby. Doon sa Tanang...