"Ano ba yang gabing-gabi na, naka-makeup ka pa?" narinig kong sabi ni Mr. Verde. "Bakit hindi ka gumaya sa mga ate mo at pag-aaral ang atupagin mo?"
"Nag-record lang po ako ng video. Maghihilamos na po ako," sagot ni Julia.
Dapat umalis na ako sa tapat ng pinto nila, pero parang may mabigat na nakakakabit sa mga paa ko. Hindi ko maigalaw ang mga iyon.
Sa loob ng bahay, patuloy ang sermunan at dinig ko lahat iyon.
"Kaya hanggang Top 2 ka lang eh. Hindi mo matalu-talo 'yung si Gomez kasi puro kakirihan ang inaatupag mo."
Naramdaman kong nag-init ang mga pisngi ko dahil sa terminong ginamit ng ginoo. Di ba parang sobra naman iyon?
Isa pa, di ba dapat matuwa ang tatay ni Julia na Top 2 siya sa klase na may halos cuarenta na estudyante? Ako nga, sumabit lang sa top 10, pero halos ipagpa-tarpauline na ng mga tiyuhin ko kada ipapakita ko ang report card ko.
"Kakasimula pa lang naman ng sem, Pa. Sisiguruhin kong magta-Top 1 ako ngayon." Mahinang-mahina na ang boses ni Julia.
"Di ba mas makakatulong sa 'yo kung mag-a-advance reading ka na ngayon pa lang, imbis na iyang pag-arte-arte sa camera ang ginagawa mo?" asik ng tatay niya. "Wala kang inatupag kundi makeup-makeup na 'yan. Alam mo ba kung ano ang iniisip ng iba tungkol sa 'yo? At kung ano ang iniisip nila sa akin na magulang mo? Para akong kunsintidor sa mga kalandian mo. Malamang may boyfriend ka na din, di mo lang inaamin! Malaman ko lang, kakalbuhin talaga kita."
Kumabog ang dibdib ko sa kaba para sa schoolmate ko.
"Pa, wala naman po akong boyfriend." Kung paanong nakakapagsinungaling siya nang ganoon kaderecho at walang alinlangan, ewan na lang.
"Umayos ka nga! Sa inyong magkakapatid, ikaw lang ang bobo. Kailan mo ba titigilan ang pagbibigay sa akin ng kahihiyan? Umakyat ka dun sa taas at magbasa ka para magkalaman yang utak mo!"
Wala akong narinig na sagot. Gusto ko nang umuwi. Ayoko na talaga nitong mga naririnig ko. Pilit kong itinaas ang isang paa at tumalikod na.
Pero di pa ako nakakatatlong hakbang nang bumukas ang front door at lumabas si Julia bitbit ang makakapal na libro.
"Ay putek ng ina!" bigla niyang nasabi pagkakita sa akin. Hininaan niya ang boses at lumapit sa akin. "Ano'ng ginagawa mo dito? Kanina ka pa?" Nakatitig siya sa akin, parang secretly tinatanong kung may narinig ba ako.
Tumango lang ako para kumpirmahin ang hinala niya. Hindi ko alam kung bakit pero mabigat ang dibdib ko kahit hindi naman ako iyong inalipusta ng tatay niya.
"Kakahiya naman sa 'yo." Nagpalabas siya ng nanginginig na hininga. Tapos hinila ako papunta sa isang panig ng bakuran. May lumang swing doon na dalawahan.
"Panira ka naman ng moment, magi-emo mode na sana ako dito eh!" sabi niya.
Hindi ako sumagot. Wala naman akong maisasagot na makakabawas sa sama ng loob niya. Kahit ang tono niya ay parang masaya at di-iniintindi iyong nangyari, halata pa rin na iba ang totoo niyang nararamdaman.
"Okay ka lang ba?" tanong ko mayamaya nang nakapuwesto na kami sa magkahilerang swing.
She let out another sigh. "Wala iyon. Araw-gabi naman ganyan more or less ang sermon niya. Buti nga, hindi siya nakainom. Kung sakali may kasama pang sumbat ang narinig mo. Baka nalaman mo pa ang dark secret ko." Pabiro ang tono ng huli niyang sinabi, pero may hinala akong half-truth iyon.
Alam ko ring kahit pa parati niyang naririnig ang mga iyon, masakit pa rin ang tama ng mga salitang iyon sa kanya.
"Mahirap mangatwiran sa isang frustrated lawyer na kagaya ni Ryan Verde. Masisisentensyahan ka nang wala sa oras." Tumawa siya pero bahaw ang tunog niyon. Nanginginig na hinamig niya ang emosyon at nagpakawala nang sunud-sunod na malalalim na hininga.
BINABASA MO ANG
The Planets Between Us
Fiksi RemajaThey were worlds apart. Si Uno---na kung minsan ay parang 90-year-old kung mag-isip---ay tila singularity sa daigdig ng mga average na 16-year-olds. Si Julia, sikat man sa makeup tutorials niya sa YouTube, ay may mga sikretong hindi kakayaning itago...