1

10 1 0
                                    

HINDI siya manhid.

Alam naman niya na unti-unti nang nawawala ang lahat. Hindi niya alam kung kailan nagsimula, kung paano nangyari, kung sino ba ang dahilan, kung bakit kailangan—

"—mo akong iwan?" bulong niya.

Malalim na ang gabi at ang tanging nagbibigay liwanag sa kalsada ay ang kahel na mga ilaw mula sa poste. Wala siyang nakakasalubong na tao, at kung meron man, ay malamang sa malamang ay hindi niya ito mapapansin. Marami siyang iniisip para bigyang halaga ang nasa kanyang paligid.

Tuloy lang siya sa paglakad, tinutulak ang talampakan mula sa lupa, kasi ang madapa at mahiga sa kalsada ang hindi importanteng gawin ngayon. Kahit na tinatawag na siya nito upang magpahinga, kasi pagod na pagod na siya.

Marami pa siyang kailangang gawin. Ang nauuna sa listahan, e, umiyak. Kailangan niya umiyak. Alam niya na kailangan niyang ibuhos ang natitirang alak mula sa kanyang katawan.

Isang linggo na rin kasi siyang nainom. Nilulunod ang sarili sa alak habang sinusunog ang pera sa bulsa, pero, pucha, wala siyang pakialam. Lulunurin niya ang sarili niya, mapatay lang sila. Mapatay lang itong mga paru-paro na ginawang tirahan ang kanyang tiyan at ang espasyo sa kanyang tadyang ng lagpas pitong taon.

"Pitong taon, Mindy! Ayaw mo na sa pitong taon?" bulong na naman niya.

Hindi naman niya iyon naitanong kay Mindy, e. Hindi naman niya nagawang kumontra sa pakikipaghiwalay ng babaeng minamahal niya. Nang sinambit ni Mindy na, Hindi na ako masaya, ang tanging naisagot na lang niya, Desidido ka na riyan? Oo, sorry, hindi ko na talaga kaya magsinungaling. Pero kailan— Alam kong alam mo, Sid.

Alam naman niya kasi talaga.

Nakaraang taon pa.

Ito'y nang hindi dumalo si Mindy sa birthday party niya. Sa birthday party niya na wala siyang ibang hinahanap kundi si Mindy, kasi lahat din ng mga tao, e, ang hanap si Mindy. Puro Mindy, Mindy, Mindy.

Simula no'n, naramdaman niya na parang may iba. Parang hindi nilagyan ng hotdog ang spaghetti. Parang hindi nilagyan ng gatas ang fruit salad. Parang hindi na siya mahalaga.

At hindi na nga.

Ata.

Kasi simula no'n, mas malamig pa sa cold beer si Mindy.

Gusto ni Sid ng cold beer pero hindi katulad ng gano'n. Hindi katulad ng hindi man lang naibabalik ang kanyang bati, hindi man lang matanong kung okay pa ba siya, hindi man lang masabi na may pupuntahan ako, kasama ko ibang friends ko, may boys, walang malisya.

Okay naman sa kanya, e. Walang kaso. Hindi naman siya isip-bata. Alam niya na hindi siya kayang lokohin ni Mindy. At iyang text message na lahat kailangan i-update siya kada minuto, e, pucha, hindi niya kailangan.

O baka kailangan niya, pero pinilit na lang niya na hindi kailanganin dahil hindi naman na ibinibigay ni Mindy kahit "I love you too".

Pero tiniis niya. Isang taon. Isang taon na siya na lang ang nagtatanim sa kanilang palayan. Siya na lang ang nagsasagwan. Siya na lang ang nagmamahal.

Nakaraang linggo, nasabi ni Sid na, Heto na talaga. Heto na talaga, malapit na ang huli.

E, kasi, sa pangalawang pagkakataon, hindi pumunta si Mindy sa kanyang birthday party. Na naman.

Parang sirang plaka ang lahat kasi puro Mindy ang hanap. Nasaan si Mindy? Parating na ba si Mindy? Kumusta si Mindy? Mindy, Mindy, Mindy. O, kay galing ni Mindy.

Iyon na iyon, e. Iyon na talaga ang neon sign na sumampal kay Sid. Nakasaad sa malalaking letra ang "PAKSHET, TOL. HINDI KA NA NIYA MAHAL" at hindi na nga. Kasi buong gabi niya inantay ang text message mula kay Mindy at buong loob niyang tinanggap na, Papatayin ko na kayo, mga paru-paro.

Maybe ElsewhereTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon