Chapter 2

6.3K 221 21
                                    

"Kumusta na ang pakiramdam mo, anak?" nabungaran niya si Tiya Millie na nagluluto sa kusina.

Kahit araw ng sabado ay maagang nagising ni Shaine. Nakasanayan na niya ang pagjojoging paikot sa subdivision bago pa man sumikat ang araw. "Good morning, Tiya. Okay na po ako," sagot ni Shaine.

Matapos magtimpla ng kape ay lumapit siya sa tiyahin at sinilip ang niluluto nito. "Wow, friend rice!" natakam siya sa nakasalang sa kalan. May lahok iyong piniritong itlog, hotdog, green peas at carrots.

"Maluluto na ito, ihanda mo na ang lamesa at nang makakain na tayo, pababa na rin tiyak ang kuya mo."

"Nasaan po ang Tiyo Nestor, at bakit po maaga kayong nagluluto ngayon, Tiya?" tanong niya habang inaayos sa lamesa ang mga plato. Wala pa siyang planong kumain dahil tatakbo pa siya, kaya ang tiya at pinsan lang ang ipinaghanda niya ng plato.

"Maagang umalis ang tiyo mo. Sa mga Ate Mylene na raw siya kakain. Namimiss na raw niya ang mga pamangkin mo, at para maaga raw siyang makapunta sa Cabuyao," sagot nito habang hinahalo ang fried rice. Nasa Cabuyao ang isang branch ng water refilling station ng mga ito. "Maaga ring aalis ang Kuya Marson mo. May lakad kasama ang mga kaibigan. Nabitin yata sa pagkikita nila kahapon."

Dumulog si Shaine sa lamesa at humigop nang mainit na kape, "Bakit nga po pala maaga silang natapos kagabi?"

"Dahil baka maabala raw namin ang pagpapahinga ng Sweetheart n'ya," sagot ng pinsan, na hindi niya napansin na nakababa na pala. Dumulog na rin ito sa lamesa. Nakabihis na ito, nakacargo shorts, asul na tshirt at rubber shoes. Ipinatong ni Marson sa katabing bangko ang backpack na dala.

Naramdaman niya ang biglang pag-init ng magkabilang pisngi dahil sa sinabi ng pinsan. Hindi man nito sinabi ang pangalan ng lalaking tinutukoy, alam na kaagad ni Shaine kung sino iyon.

"Pagkatapos bumaba galing sa kwarto mo, ang sabi sa amin ay Sweerheart ka na raw niya. Loko-loko talaga," wika ni Marson. "Mag-iingat ka sa isang 'yon, Shaine. Mabilis dumiskarte sa babae 'yon," dagdag na babala nito.

Hindi siya sumagot sa pinsan. Halata namang totoong magaling mambola si Euan. Bukod doon ay may pagkapresko pa. Kahit na sinabihan na niyang 'wag siyang tawaging Sweetheart, sige pa rin ang binata. At ang isa pang napansin niya, may pagka-asumero rin ito. Sabihin bang hindi na available dahil sa kanya? As if!

That guy is a walking D-A-N-G-E-R. Isang classic example ng lalaking pa-fall.

Hindi pa niya nararanasang magmahal at pumasok sa relasyon. Ingat na ingat doon si Shaine. Ang tanging panalangin niya, sana kung magmamahal siya ay dun sa lalaking nakalaan na talaga para sa kanya. Gusto niyang maging katulad ng ina. Ang una at nag-iisang lalaking minahal nito ay ang kanyang ama.

Isa pang dahilan nang pagiging mapili ni Shaine ay ang mismong ama. Humahanap siya ng katulad nito. Alam niyang mahihirapan siyang makatagpo ng lalaking katulad ng ama, pero hindi siya nawawalan ng pag-asa. Naniniwala siyang may makikilala pa rin siyang lalaking seryoso sa buhay, responsible, mabait, masipag, mapagmahal at magalang. At base sa obserbasyon niya, presko, asumero at maloko si Euan. Wala yata ni isang katangian ang lalaki na pasok sa hinahanap niya. At kapag hindi siya nag-ingat sa preskong binata, imbes na sumaya, baka sa huli, masaktan lang siya.

"O siya, kumain na muna kayong dalawa," wika ng tiyahin matapos ilapag sa lamesa ang fried rice at fried porkchop.

"Bakit maaga ka pa ring nagising? Okay ka na ba?" tanong sa kanya ng pinsan, habang kumukuha ng pagkain.

"Oo, okay na ako Kuya,” sagot ni Shaine, muling humigop ng kape. “Kaya ko na ngang tumakbo ngayong umaga."

"Tatakbo ka pa ngayong umaga?" halata ang pagtutol sa boses ng tiyahin. Ipinatong nito sa lamesa ang tinimplang kape para sa pinsan niya. "Ay nako, ang batang ito! Kagagaling mo lang sa sakit, hindi pwede at baka mabinat ka."

My Sweet Surrender (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon