Patuloy ang paglamig ng panahon dahil sa pagsapit ng Pasko. Halatang nasasabik ang grupo ng mga bata sa labas dahil ito ang paksa ng kanilang usapan. Kasalukuyan akong nakatanaw sa bintana habang pinapanood silang nakaupo sa ilalim ng puno sa harap ng kampo."Manonood tayo," puna ng isang batang babae habang nakaturo sa mga sundalo na nag-aayos ng munting entablado na nakapatong sa mesa. Mabilis silang nagsipagtakbuhan palapit sa mga sundalo para maki-usisa.
"May ipapagawa ako sa'yo." Humarap ako sa pinanggalingan ng tinig. Nakatayo si Seiji sa pintuan at may hawak na maliit na bayong na may lamang ilang rolyo ng pera. "Pumunta ka sa bayan para kunin ang ipinatabi kong pagkain para sa mga bata." Iniabot niya sa akin ang bayong at ang listahan kung saan nakasulat ang pangalan ng tindahan at mga pinatabi niya. Bago ako nakalabas ng silid, tinapik niya ako sa balikat. "Siguraduhin mo lang na alam mo ang daan pabalik."
Sa tingin ko ay nang-iinsulto si Seiji. Limang minuto lang ang layo ng kampo sa pamilihan. Napangiti ako nang matanaw ang tindahan. Maayos na nakahanay ang iba't-ibang klase ng miryenda katulad ng kakanin, nilagang mani, nilagang saging at kamote.
"Anong sadya mo?" tanong ng ale sa matinis niyang tinig.
"Kukunin ko lang po sana 'yong pinamili ni Seiji, " sagot ko at nilahad ang bayong.
Nag-alangan siyang kumuha nito. "Si Kapitan Saitou ba ang tinutukoy mo iha? " tanong niya.
"Opo, " sagot ko habang tinatanya ang kanyang timpla kay Seiji. Sa dating bayan kung saan ako nagtagal, makikita ang takot sa mga mata ng mga residente. Ngunit hindi ko ito nakita sa ale bagkus ngumiti pa siya.
"Hay naku," sambit niya. "Mabait ang kapitang iyon. Swerte nga ng bayan namin at siya ang napunta rito," dagdag niya habang binabalot ang mga kakanin sa dahon ng saging. Magiliw niya binalik ang bayong ang ipinabot pa ang pangungumusta kay Seiji.
Napagtanto kong malaki ang ipinagkaiba nito kumpara sa ibang bayan na nakita ko. Hindi ito balot ng pangamba at pagkatakot. Para silang namumuhay bago pa nagsimula ang digmaan. Naririnig ang malakas na kumustahan ng mga tindera at mamimili, ang pag-iyak ng batang inagawan ng nilagang kamote, ang pagdaan ng magsasakang nakasakay sa kalabaw para ibenta ang mga dalang gulay, at ang kwentuhan ng mga dalaga tungkol sa mga lalaking natitipuhan nila.
Bigla kong naramdaman ang pagdao ng kamay sa balikat ko. Lilingon sana ako sa kanya pero pinigilan niya ako. "H'wag kang lilingon, " usal niya. Naaninang ko sa dulo ng aking mga mata ang sumbrerong gawa sa banig. Marahil...
"H'wag kang magkakamaling humingi ng tulong." Putol niya sa pag-iisip ko. Pasimple niyang inangat ang kanyang damit para ipakita ang nakasukbit na baril sa kanyang tagiliran. Bumilis ang daloy ng aking dugo kasabay ng paglamig ng buo kong katawan. "Walang mangyayaring masama kung susunod ka." Nanuyo ang aking lalamunan at parang nagkaroon ng mga paru-paro sa aking tiyan.
Umayos ang kanyang tindig nang may madaanan kaming sundalo na nakikipag-usap sa isang matandang magsasaka. "Kumilos ka na parang walang nangyayari, " bulong niya na hindi ko masyadong marinig dahil mas malakas pa ang pagtibok ng puso ko.
Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang nakalayo kami sa pamilihan. Dinala niya ako sa bukirin. "Doon tayo, " tinuro niya ang maliit na kubong kung saan iniimbak ang mga palay. Sinenyasan niya akong pumasok at sumunod naman siya.
Nakaupo sa loob ang isang lalaking nakasuot ng salakot. Napako ang tingin ko sa rosaryong suot-suot niya. Hindi nga ako nangkakamali.
"George, " paninita ng kasama niya nang alisin niya ang suot niyang salakot.
BINABASA MO ANG
Watashi no Ai (My Love)
Historical FictionFamine, war, and death. These were the things Rita saw during the Japanese occupation in the Philippines. The country was under the shade of Imperial Japan. Loyalty, patriotism, honor and duty above all. These were the values that Imperial Japan...