Gusto kong tanungin si Seiji tungkol sa pagpapalaya niya kay Gani pero may kung ano sa loob ko nagsasabing huwag. Hindi ko gustong makadagdag pa sa mga bagay na inaalala niya.
"Ate," tawag sa akin ni Eloy pagkadating niya. Buong araw siyang nasa labas. Basang-basa ang kanyang noo ng pawis. Inalis niya ang suot niyang sumbrerong gawa sa pawid para gamiting pamaypay. "Wala talaga."
"Hindi ba talaga siya nag-paalam? " Noong isang gabi pa hindi umuuwi si Luzviminda. Hindi naman napansin ni Eloy kung anong oras umalis si Luz. Ano pa bang aasahan ko sa tulog- mantika na ito? Noong gabing iyon naman ay sa kampo ako natulog. Tinulungan ko si Yusuke sa pag-alaga ng sundalong may sakit.
"Humingi na kaya tayo ng tulong kay kapitan?" Natigilan ako sa suhestiyon ni Eloy. "Baka kung anong nangyari na sa kanya." Tumingin ako ng masama kay Eloy. "H-hindi ko naman hinihingi na may masamang mangyari sa kanya. Nag-aaway kami pero hindi ko gustong may masamang mangyari sa kanya."
Sasagot sana ako nang kaguluhan sa labas. Agad namang nagtungo si Eloy sa pinanggalingan ng ingay.
"Eloy, " tawag ko sa kanya. "Sandali."
Nadatnan ko ang kumpulan ng mga tao. Napansin ko agad ang aleng nag-antanda. Hindi kaya…
"S-si... " Hindi makapagsalita si Eloy. "H-hindi ba iyan ang ampon ni Mang Leonicio? 'Yong bata? Si Felipe."
Napatingin ako sa direksyong itinuro niya. Nakahiga ang binatilyo sa lupa. Kapansin-pansin ang mga pasa sa katawan ng binatilyo at ang sugat sa kanyang leeg.
"Kawawang bata, " sabi ng isang mama sa katabi niyang ale. "Sumunod agad sa kanyang ama-amahan. Hindi yata nakaya ang kalungkutan at siya na ang gumawa ng paraan."
Tumango ang babae. "Isang beses aking nagdala sa kanila ng pagkain. Tinulungan siya noon nila Roberto na itayo ang kubo na malapit sa palayan. Nalulungkot daw kasi ang bata kasi naalala niya si Mang Leonicio kapag nasa bahay siya."
Nalipat ang pansin ko kay Yusuke. Marahan siyang itinulak ni Hide palapit kay Felipe. Nanginginig siya habang nakaluhod at sinusuri ang mga pasa at sugat nito. Naging malapit rin kasi sa kanya ang binatilyo.
Napakunot-noo siya at may kung anong kinuha mula sa bibig ng bata. Lumingon siya kay Seiji at ibinigay ang bagay na iyon.
Nagdilim ang mukha ni Seiji nang buklatin niya ang papel na ibinigay sa kanya. Napapikit siya at huminga ng malalim. Inutusan niya ang mga sundalo na ilibing na si Felipe.
Kagagaling ko lang sa sapa para maglaba ng mga uniporme. Masakit man ang simula ng araw na ito pero kailangang ituloy ang buhay. Sana ay nasa maayos na lugar na siya.
Napansin ko si Yusuke at ang mga bata na nasa ilalim ng puno. Nakaupo siya sa may bato habang sa damuhan naman ang mga bata. Sa tingin ko ay nasa gitna siya ng pagtutupi ng papel na tagak.
"Kuya,” tawag ni Pasing kay Yusuke. “Psst, Kuya Yutuke.” Mukhang malalim ang iniisip niya. Nagsalubong ang kilay ni Pasing. Agad itong napansin ni Itoy na siyang humila sa tainga ni Yusuke at nakuha naman niya ang pansin ng binata.
“Tawag ka po ni Pasing,” wika ni Itoy.
Napakamot ng ulo si Yusuke dahil sa hiya. “Gomen ne. Isip kuya marami.” Ngumiti siya pero nay kakaiba sa ngiti niya.
May pag-aalala naman sa mga mata ng bata. “Nakakatakot po ang nangyari kay Kuya Felipe.” Nangibabaw naman ang malumanay na boses ni Itoy. Humawak siya sa laylayan ng damit ni Yusuke na parang umaasa siya na sasabihin ng kanilang kuya na magiging maayos rin ang lahat.
BINABASA MO ANG
Watashi no Ai (My Love)
Historical FictionFamine, war, and death. These were the things Rita saw during the Japanese occupation in the Philippines. The country was under the shade of Imperial Japan. Loyalty, patriotism, honor and duty above all. These were the values that Imperial Japan...