1. Sea Nymph

12.7K 195 40
                                    


Kampanteng naupo si Salvador sa pasamano ng terrace na nakaharap sa beach. Napakapayapa ng dagat. Mabagal ang hampas ng mga alon sa dalampasigan. Sana nga, makita niya sa islang iyon ang katiwasayan at pahinga na kailangan niya.

Kaiinom pa lang sa hawak na beer in can nang mapansin niya ang pag-ahon sa dagat ng isang babae. Nakasuot lang ito ng spandex midriff at cutoff shorts, nasa noo ang suot na snorkel mask. May hawak itong pana at mesh bag na may lamang isda. 

She was definitely the most beautiful sea nymph he had ever seen. Matangkad ito, alon-alon ang basang buhok na nakakapit ang mga dulo sa malapad na mga balikat nito. Wala ni bahagyang bilbil sa makurbang baywang ng babae samantalang ang dibdib ay tayung-tayo at mauumbok.

Umiba ng puwesto si Salvador nang makubli ang babae sa matataas na cactus plant sa harap ng beach house. Habang lumalapit ito lalo pang nagiging maganda sa paningin niya. Makikinis din ang hita at binti nito na mahahaba ang biyas.

Napalunok si Salvador kahit wala nang beer sa kanyang bibig. May kung anong init na gumapang sa katawan niya na sumesentro sa kanyang puson.

Ipinilig niya ang ulo. Matagal na panahon na nang huling naramdaman niya ang katulad na sensasyon habang nakatingin sa isang babae. Hindi na niya inaasahan pa na  makakaramdam uli niyon.

Nawala na sa paningin niya ang babae. Nagtuloy ito sa beach house sa kaliwa. Kapitbahay lang pala niya ito. Bumalik na siya sa dating puwesto at sunud-sunod ang ginawang pagtungga sa laman ng lata. 

PINUKAW ang atensiyon ni Robielle ng mga kahol ng aso sa labas ng kanyang beach house. Nahinto siya sa ginagawang preliminary sketches ng isang bagong disenyo.

Nagtaka siya. Wala naman siyang alam na may aso sa paligid ng islang iyon. Kung mayroon ma, baka sa malayong parte ng isla. Kaya nga napakatahimik doon. Tanging mga seagulls at ang mga kalapati ni Mrs. Legaspi ang madalas niyang marinig sa umaga.

Umalis na siya sa harap ng drawing table at lumabas sa balkonahe kung saan niya naririnig ang kahol. Isang chocolate brown na Labrador ang nakita niyang nasa harap ng bahay.

Patapak na siya sa landing ng tatlong baitang na hagdan nang mapatda siya. May napakalaking ahas na nakaharap sa aso, nakataas ang ulo at ang leeg niyon ay lumalapad na. Berde at kulay-tsokolate ang ahas at ang haba ay hindi kukulangin sa dalawang dipa. Ang buntot niyon ay nakapatong pa sa huling baitang ng hagdan. Philippine cobra!

Nataranta siya. Hindi niya alam kung ano ang dapat gawin. Wala siyang gaanong alam tungkol sa behavior ng mga ahas. Ang sabi noon ng lola niya dapat daw na maging maingay ang paa niya kapag naglalakad sa mga lugar na posibleng may ahas para daw lumayo ang mga ito. Ngunit alam  niya na delikado rin na gawin iyon kapag ang ahas ay may iniingatang mga itlog.

Nasa ganoong ayos siya nang may isang lalaking lumapit doon. Mabilis na itinudla nito sa ahas ang hawak na hunting knife.

Napasinghap siya sa pagkagulat at kaagad na umatras. Nagkikisay ang ahas habang patuloy pa rin sa pagkahol ang aso.

“Jagger, stop!” Tumigil sa pagkahol ang aso at susukut-sukot na lumapit  sa lalaki.

Sumulyap sa kanya ang lalaki. Wala naman itong sinabing kahit na ano. Pagkatapos ay lumapit ito sa ahas na kumikisay pa rin at kinuha ang patalim na tumusok doon. Hinawakan nito ang cobra sa leeg at walang anumang binitbit palayo.

Napaupo na lang siya sa wooden swing na nasa gitna ng balkonahe. Medyo nanginginig pa siya sa nangyari. Paano na lang kung hindi dumating ang lalaking iyon? Paano kung wala ang aso at nakapasok sa loob ng beach house ang ahas at natuklaw siya?

Braveheart 19 Salvador Ibarra (Savior's Quest) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon