Malamig na ang tubig sa tub nang umahon si Robielle. Nakakadama kasi siya ng takot. Nagpa-panic siya sa sinabi ni Salvador kanina.
Nagsisimula pa lang sila pero parang umaayaw na kaagad ito.
Mabuti na lang at nagawa niyang itago ang panic na nararamdaman. Nagawa niyang daanin sa tawa ang sagot dito.
"What's with you? Nagiging madrama ka na, ah. We're just having fun, Salvador. I like your company, your kiss included. I hope you also like mine," iyon ang sabi niya bilang pagtatakip sa totoong estado ng kalooban niya.
"Pero sabi mo kagabi..."
"What?" untag niya nang hindi na nito itinuloy ang sinasabi. Saka lang niya naalala ang mga idineklara niya rito nang nagdaang gabi, habang magkatabi silang nakasandal sa puno sa beach. Mabilis siyang nag-isip ng ipantatakip doon. "Salvador, ang mga sinabi ko kagabi, nasabi ko lang dahil iyon ang eksaktong nararamdaman ko noon. It was like a different world for us. Para tayong nasa loob ng isang make-believe place at parang sa fantasy rin pati ang mga nararamdaman natin. Unfortunately, reality came and the magical feelings went puff."
Nakita niyang nabigla ito sa sinabi niya kanina. At parang nalungkot ito pagkatapos. Ngunit wala naman itong ikinomento. Naging masaya pa rin ang pananghalian nila.
Hindi pa siya natatapos magbihis nang marinig niya na tumutunog ang ringing tone ng cellphone niya. Si Kitty ang tumatawag. "Yes, Kit?"
"Puwede ka bang lumuwas dito bukas? May isang client tayo na mas marunong pa sa designer. Gusto niyang magpa-design ng line of lingerie. Pero ang gusto niya, isama ang ideas niya sa ide-design natin."
Napangiti siya. Kahit hindi niya nakikita si Kitty alam niya na magkarugtong na ang magagandang kilay nito sa tinitimping pagkayamot. At kapwa nila alam na ina-accommodate din nila ang ideya ng kanilang mga kliyente. "Ano'ng sabi mo?"
"Sabi ko, ikokonsulta ko muna sa inyo.
"Kaya mo namang desisyunan 'yan, ah. Ikaw itong magaling sa design ng lingerie at gowns."
"Ayoko kasing tanggapin 'yong project."
"Bakit naman?"
"Naiinis ako doon sa client."
Natawa siya. "Our clients are always right. Hindi ba, 'yon ang motto ng mga negosyanteng tulad natin?"
"Ang kulit kasi. Sige na, lumuwas ka na bukas para ikaw na ang makipag-usap sa isang 'yon. You'll know how to put him in his proper place."
"Him? You mean, lalaki ang kliyenteng sinasabi mo?"
"Bading yata 'yon kaya metikuloso."
Lalo siyang natawa. Gusto niyang pagbigyan ang kanyang kaibigan. Palagi kasing ito at ang dalawa pa nilang partners ang nagbibigay sa kanya. Ngunit ayaw niyang iwan si Salvador. Ilang araw na lang at matatapos na ang bakasyon nito sa isla. Gusto niyang lubus-lubusin ang pagkakataon na makasama pa ito. Dahil kapag bumalik na ito sa Maynila baka malabo nang magkita pa sila. "Sorry, Kitty, may importante akong misyon ngayon kaya hindi pa ako puwedeng lumuwas diyan."
"Misyon? Anong misyon?"
"Misyon na may kinalaman sa love life ko." Narinig niyang may kumakatok kaya tinapos na niya ang pag-uusap nila ni Kitty.
Nakapugong pa ng tuwalya ang buhok niya nang pagbuksan si Salvador. Nakabihis ito, mukhang paalis. Nakita niyang kasama rin nito si Jagger.
"May ginagawa ka yata," sabi nito. "Sorry, naabala kita."
![](https://img.wattpad.com/cover/157221125-288-k217095.jpg)
BINABASA MO ANG
Braveheart 19 Salvador Ibarra (Savior's Quest) COMPLETED
Roman d'amourPhr Book Imprint Published In 2007 "I love you with the love that is beyond limits... beyond understanding..." Hindi pa man kilala ni Robielle si Salvador ay iniligtas na siya nito mula sa makamandag na cobra. Ilang ulit na siyang inililigtas nit...