CHAPTER TWO
*memories can't be recalled,
believing in stories they told,
yet the heart refuse to hold. *
***
Ang Iddu ay isang lalawigan na kabilang sa rehiyon ng Ilocos. Ang Kab-Laaw naman ay isang munting nayon sa Iddu, na nagsisilbi ring boundary ng Ilocos Sur at Western Mountain Province. Ngunit sa sobrang liblib, liit, at hindi masyado kaaya-aya ang nayon nila ay itinatago muna sila ng mga opisyal ng gobyerno hanggang sa mapaganda na ang lugar nila.
Pulos bundok, puno, at damo ang tanawin ni Seline mula nang magising siya mula sa kinasangkutan na aksidente—na naging dahilan din kung bakit hindi niya maalala ang anak na si Sasa at ang asawang si Niel. Isang buwan siyang walang malay at sa pagkagising ay mismong sariling pangalan ay hindi niya matandaan.
"Inay, dami kalamansi, o! Pitas ako nito, nito, nito," sabi ni Sasa habang pinipitas na ang mga kalamansi na pinatubo niya sa harap ng kubo nila.
"Anak, huwag mong pipitasin ang maliliit, ha?" mahinahong paalala ni Seline sa anak habang winawalis niya ang mga tuyong dahon sa lupa.
"Opo. Inay, ano gawin natin sa kalamansi? Bakit madami kukuha ko?"
Tiniklop niya ang mga tuhod upang magpantay ang taas niya kay Sasa. "Gagawa tayo ng kalamansi juice. Iinumin mo iyon para hindi ka na sisipunin."
Madalas na kasi ang pag-ulan sa nayon nila at sa tuwing gabi ay dumudoble ang lamig. Naaawa naman siya sa anak niya na sipunin. Baka magkasakit pa ito. Wala silang sapat na pera ni Daniel para ipagamot ito. Kaya naman bago pa lumala ay naisip niyang painumin ang anak araw-araw ng kalamansi juice.
Hindi niya alam kung magiging epektibo, ngunit parang nagawa niya na ito noon. Palagay niya ay may bisa.
"Lamig-lamig sa gabi, Inay. Sipon ako lagi. Pero nandyan ka po. Yakap mo 'ko palagi." Ngumiti si Sasa at nawala ang mga mata nito dahil sa pagsingkit. "Love mo 'ko, Inay, no? Uyy!"
"Of course, I love you," hindi na naman napigilan ni Seline ang mag-Ingles. Ngunit nakasanayan niya na rin. It comes out naturally. Hindi niya na kailangang isipin pa. At parang sanay naman na ang asawa at anak niya sa kanya.
Binitawan niya ang walis-tingting at saka niyakap si Sasa. Napakabibo nito, malambing, at laging nakangiti. Pero maliit ito para sa edad na apat na taong gulang at masyado ring payat. Kaya hanggang sa maaari ay lagi niyang dinadamihan ang pinapakain dito. Maparaan naman si Niel at nakakuha ito ng ekstra na pera mula sa trabaho para maipandagdag sa pagkain ng anak nila.
"Inay, naipit ang kalamansi!" Sasa giggled. Hawak nito ang laylayan ng damit at doon nakalagay ang mga kalamansi.
"Oh, sorry." Hinalikan niya ito sa pisngi. "Sige, pitas ka pa ng marami. Para marami tayong magawang juice mamaya."
"Magandang umaga, Seline."
Napatayo siya ng makita ang matandang babaeng kagawad ng Kab-Laaw. "Magandang umaga din po, Kapitana."
May inabot itong parihabang papel sa kanya. "Nabanggit mo kamo na gusto mong ipasok si Sasa sa paaralan? Nasa nursery pa ang anak mo kaya baka puwede siya sa palibreng turo ng nayon natin. May mga teachers mula sa ibang lugar ang nagboluntaryong magturo sa mga bata dito bago sumabak sa totoong klase."
BINABASA MO ANG
Man and Wife (Wifely Duties 2) - Published by PHR
RomanceA Sequel to Wifely Duties: The heart never forgets. But what if it does and never remembers back? Written ©️ 2018 (Published 2019 by PHR)