2018. All fiction.
"Mahal mo?"
Mabilis ang tibok ng aking puso habang hinihintay ko ang kaniyang isasagot. Oo, alam ko na. Siguro alam ko na ang mga salitang nananatili sa bingit ng kaniyang dilang di niya masabi-sabi. Kailangan ko lang na maging malinaw ang lahat.
"Shar-"
"Mahal mo?" Hindi ko inaasahang mas napalakas ang aking boses sa ikalawa kong tanong, na para bang balisa nang makuha ang kaniyang sagot. Ayaw ko nang maghintay pa sa mga paliko-likong mga pangungusap lalo na't alam kong matatapos lang naman lahat ng iyon sa tuldok.
Siguro dahil nasanay ako na siya ang naghihintay.
Hindi siya umimik.
Kaunti lang ang tao ngayon sa Café. Nakaupo kami sa paborito naming lugar. Tagpuan namin ang lugar na ito. Imbakan ng mga ala-ala. Mga ala-alang alam ng lahat - iyong niyaya niya akong maging kapareha niya sa Star Magic Ball, na maligaya naming ibinahagi sa lahat ng aming social media accounts - dito iyon. At siyempre, mga ala-alang kami lang din ang nakakaalam, gaya ng nangyayari ngayon.
Ang pagbalik sa lahat ng nangyari sa mga nakaraang taon at ang tuluyang pagkakatanto sa katotohanang hindi na iyon mauulit pa ay parang isang malupit na saksak sa puso.
Bumigat ang aking paghinga. At naramdaman kong ganoon din ang sa kaniya nang umiwas siya ng tingin.
"Jairus, tinatanong kit-"
"Oo."
Bumalik ang kaniyang tingin sa aking mga mata.
Iyan. Ganiyan. Ang mga mata na iyan. Mga mata na para bang nilulunod ako bawat segundong nakatitig ako. Mga matang hindi nagsisinungaling, dahilan kung bakit ko nasabi na totoo nga ang nasabi niya ngayon lang.
"Mahal na mahal ko siya, Shar." Nagniningning ang kaniyang mga mata gaya ng pagningning nito noong unang beses niyang sinabi ang mga katagang ito sa akin. Noong unang beses ko siyang nasakatan at sinabihang hindi pwede.
"Mahal ka?"
Sana hindi niya mabatid na hindi na ako kumukurap.
"Sobra."
Humugot ako ng isang napakalalim na hininga.
"May plano ka bang sabihin 'to sa publiko?"
"Soon."
"Paano iyong, ano... yung loveteam natin?"
"Maiintindihan naman iyon ng fans, diba?"
Napakaswerte namin sa JaiLene Minions, walang duda. Sa bawat tagumpay at sakit, nandoon sila. Sila ang kalasag namin sa bawat hampas ng mapanghusgang mundo. Hindi ko kaya na kami, kaming pinoproprotektahan nila, ang mismong makakasakit sa kanila.
"Siguro. Sila pa."
Kasi alam ko, na kahit anong subok pa naming patatagin ang aming love team, kung may nahanap nang iba ang isa, mawawasak at mawawasak rin ang itinadhanang mawasak.
"Sabi mo nga naman noon sa akin, hanggang love team lang din naman tayo." Napatawa siya bigla, na para bang pinagagaan ang atmospera.
Tanang buhay ko ay di ko inaakala na ang mga katagang galing mismo sa aking bibig ay babalik sa akin nang mas mapanakit.
"Oo nga eh. Sorry if I cannot reciprocate... you know, your feelings..." Noon.
"It's okay, Shar! I was young, we were young. We were bound to meet new people. You know, di rin naman kitang gusto piliting mapalapit sa akin kaya good thing I found her. Di mo na kailangang tiisin ang mga ka-cornyhan ko sa'yo araw-araw."
We both let out laughs but he had the only genuine one.
Di ko naman tinitiis ang mga iyon eh. Kasi in the first place, hindi naman ako naiinis sa kaniyang walang tigil na panunuyo noon.
Sobrang tanga ko. I never had the chance to say it to him. I chose not to. And perhaps, never will I ever have the chance again. Never will he know.
Natahimik kami ng iilang mga segundo.
Hinawakan ko ang aking mug at dahan-dahan iyong iniangat hanggang sa aking bibig na kunwari bang kaswal na umiinom ng kape, pero ang totoo'y ni isang sipsip ay di ko nagawa dahil sa panginginig ng aking mga kamay.
Biglang tumunog ang kaniyang cellphone dahil may tumatawag. Lumiwanag ang kaniyang lockscreen - larawan ng babaeng nakahalik sa kaniyang pisngi.
Ako ang nandiyan noon. Iyon nga lang, hindi pa ako nakakahalik sa kaniyang pisngi.
"Hello? Love? Ah nandito kami sa... ano..."
At kailanma'y hindi niya ako tinawag na love. O babe. O honey. O mahal.
Sharlene. Selene. Shirley. Lili. Sisay. Hannah. Heart.
Iyan lang. At hanggang doon lang.
Aktres ako. Aktor siya. Hindi ko siya binigyan ng pagkakataong sumobra kami sa mga limitasyong ibinigay ng iskrip dahil akala ko na sa harap lang ng kamera ang nararamdaman ko para sa kaniya.
Pero huli na ang lahat at tapos na ang taping ng aming estorya. Sa wakas ko lang nalaman, na sarili ko pala ang kontrabida.
Ka-love team lang ako. Siya ang mahal. Sino ang talo? Ako.
"Sige pupunta na ako diyan, love. See you. Love you."
"Oh, ano daw?"
"Uh, Shar, kailangan ko na yatang umalis. Manonood pa kami ng pelikula eh."
Ako ang kasama niyang umacting sa isang pelikula; iba ang kasama niyang manood ng pelikula.
Nginitian ko siya sa kaniyang pagtayo. Bago siya tuluyang umalis ay tinawag ko ang kaniyang pangalan:
"Jairus!"
"O, Sharlene?"
Mahal kita.
"I'm happy for you."
Pero may mahal ka nang iba.
"Thanks, Shar."
Nginitian niya ako ng mismong ngiti na nagpahulog sa akin.
Kaunti na lamang ang tao sa café at tila mas nabawasan pa ito. Pinagmasdan ko ang kaniyang pag-alis. Habang paliit ng paliit ang kaniyang pigura ay lumalabo ang aking mata sa nabubuong mga luha. Nasa bingit sila ng pagkahulog ngunit parang walang may gustong lumabas.
Kung sinabi ko noon pa, maiiba kaya ang direksyon ng aming kuwento? Tuluyan ko na ba sanang maibalik ang saya sa mga walang-sawang nagmamahal sa amin?
Napabuntong-hininga ako nang bigla akong nakatanggap ng text.
From: Donny
Hey Shar, let's rehearse our lines for MYX tonight.
Pinikit ko ang aking mga mata.
Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Apat.
Lima.
Sisimulan ko na ang buhay na wala siya.
