Tatlo

482 19 0
                                        

Apat na taon na akong naninirahan dito sa Australia. Limang taon mula ng lisanin ko ang Pilipinas. Mahigit anim na taon mula ng iwan mo ako Jade.

Kasama mong nawala ang direksyon ko sa buhay. Halos isang taon akong naging anino ng normal na ako. Napadalas ako ng inom, at lakwatsang walang patutunguhan.

Naging hilig ko ang magpunta sa tabing-dagat. Ang mga alon lang ata kasi ang kayang makipagsabayan sa walang tigil na sigaw ng puso ko.

Sa La Union ko nakilala si Batchi. Natagpuan niya akong nakahandusay sa buhangin, nakatitig sa mga bituin. Nilapitan niya ako sa pagaakalang wala akong malay sa kalasingan.

Nauwi sa simpleng kwentuhan at konting inuman ang gabing iyon. Nabanggit niya na empleyado pala siya ng isang tourism company na based sa Australia, at naroroon lamang sa resort na yun bilang parte ng trabaho. Naikwento ko naman ang mga lakwatsa ko at kapalit noon ay mga kwento ng paglalakbay niya.

Kinabukasan, ipinakilala niya ako sa mga katrabaho niya at nasabayan na rin ng almusal at mas mahabang kwentuhan. Bago kami magkahiwalay ng landas, sila pabalik ng Manila at ako papuntang Vigan, nagpalitan kami ng contact details at ipinaalam sakin ni Batchi na baka mangailangan sila ng bagong empleyado sa Pilipinas upang maging representative ng kompanya nila. Sinabi niyang pag-isipan ko kung gugustuhin ko ba ang ganoong trabaho.

Wala pa sa Vigan ang bus na sinasakyan ko, nagpadala na agad ako ng mensahe kay Batchi:

Sige. Bakit hindi.

Mula sa puntong iyon, naging mabilis ang mga pangyayari at nagkaroon na konting direksyon ang buhay ko. Isang taon din ako paroo't parito sa Singapore, Malaysia, Indonesia, Taiwan, Australia, at Pilipinas. Hindi nagtagal, ako na ang naging Area Manager for Southeast Asia. Nawaglit sa isip ko ang paginom at pagmumuni-muni. Napalitan ito ng pagsusumikap at paglalakbay.

Halos dalawang taon mula ng makilala ko si Batchi, nagkaroon ng bakanteng pusisyon sa HQ ng kompanya sa Australia at mapalad akong napili bilang bagong Assistant Area Manager for Queensland. Akalain mo nga naman, tabing dagat na naman.

Malaki ang pasasalamat ko kay Batchi na ngayon ay boss ko, bilang siya ang Area Manager for Queensland. Siya ang tulong na hindi ko hiningi, hindi ko hinanap, pero dumating kung kelan ko pinaka kailangan. Naikwento ko sa kanya ang tungkol sa nakalipas, nakinig siya ng walang panghuhusga. Tinulungan niya akong gumising sa katotohanang hawak ko ang kaligayahan ko. Dahil sa tulong niya, nahanap ko ang bagong ako. Wala na akong hahanapin pang iba sa isang kaibigan.

Mahigit anim na taon mula ng iwan mo ako Jade. Seventy-eight months to be exact.

Masaya ba ako?

Oo.

Nahanap ko na ba ang sarili ko?

Nahanap ko ang bagong ako.

Kuntento na ba ako?

Marahil.

May galit o sama ng loob pa ba ako sa iyo?

Wala na.

Mahal pa ba kita?

.....
.....
.....


Sakaling MatagpuanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon