"Mag-asawa ka na," kantyaw ni Danica. Pinaglaruan niya ang pobreng display sa dashboard ng kotse ng kaibigan. Bahagya pa siyang napangiti habang sinusundan ang taas-baba ng ulo ng aso kapag ginagalaw niya iyon.
"Mauna ka muna." Mahinang natawa ang kaibigan niya. Nakatanaw ito sa labas at pinapanuod ang mga nagdaraang sasakyan.
Nakaparada sila sa gilid ng kalsada, malapit sa gas station. Hindi niya mawari kung paanong doon sila napadpad. Gusto lang daw nitong makipagkita. Wala rin naman siyang ginagawa sa bahay kaya pumayag siya.
"Puyat ka ba?" tanong ng dalaga. Alam niya kasing night duty ang pasok nito ngayon.
"Medyo."
Hinampas niya ito sa braso na agad namang nagreklamo.
"Anong problema mo?" tanong nito habang hinihimas ang kanang braso.
"Puyat ka pala tapos nagpumilit ka pang makipagkita. Para kang tanga."
"Lumabas ka rin naman ah, so sino sa atin ang mukhang tanga?"
Natahimik si Danica. Naiinis sa sarili dahil hindi niya malaman ang dahilan kung bakit hindi niya ito magawang tanggihan. Hindi naman kasi talaga dapat sila nagkikita ng ganoon. Baka kung ano pang isipin ng ibang tao tungkol sa kanilang dalawa.
"Ten o'clock pa naman ng gabi ang pasok ko kaya puwede pa akong matulog pag-uwi ko."
Alas dos pa lang ng hapon. Napailing na lang si Danica.
"Dana..."
"Hmmm..."
"Wag mo 'kong sasagutin ng ganyan, iba ang naiisip ko."
Tiningnan niya ito nang masama. "Tang'na mo. Iyong syota mo ang pagnasaan mo, 'wag ako."
Tinawanan lang siya ng kaibigan. Matagal na ito at ang girlfriend nito. Mas matagal pa sa pagkakakilala nilang dalawa. Hindi rin maintindihan ni Danica kung bakit hindi pa nagpapakasal ang dalawa.
"Ano'ng sabi ko sa'yo tungkol sa pagmumura mo?" tanong nito. Medyo galit.
"Hahalikan mo 'ko..." mahinang sagot niya.
Kumilos ito at lumapit sa gawi niya. Umatras naman aang dalaga, halos nakadikit na sa nakasarang pinto ng kotse.
"Gusto mo talagang mahalikan?" naghahamong tanong nito.
Kumabog ang dibdib ni Danica nang pasadahan nito ng tingin ang kanyang labi ko bago siya tingnan sa mga mata. Itinulak niya ito at nagkunwaring galit para pagtakpan ang kaba.
"Kadiri ka Ericson. Hinahalikan mo ang syota mo tapos hahalikan mo rin ako?" galit na turan ni Danica.
Tumawa lang ito. Bigla tuloy siyang nagsisi kung bakit nakipagkita pa siya. Mas lalo lang tuloy siyang naiinis sa sarili. Isang taon na silang magkakilala. Akala niya ay interesado ito sa kanya. Kasi hindi naman niya ako lalapitan kung hindi 'di ba? Nabasa ko 'yon sa mga mata niya na may interes talaga siya. Gano'n din kasi ako noong una ko siyang makita, anang isip niya.
Malaking bulas si Ericson. Clean cut ang gupit ng buhok. Maganda ang mata at nakasalamin, mukhang matalino. Matangos ang ilong at manipis ang labi, iyong tipong ang sarap tingnan kapag nakangiti. Moreno, matikas ang katawan, parang ang sarap yakapin at kayang-kaya kang ipagtanggol kapag may nambastos sa'yo.
Pero diyahe! May syota na at walong taon na sila.
"Inom tayo." Pinaandar na ni Ericson ang sasakyan.
"Katanghaliang tapat!" kontra ni Danica.
"Eh ano! Wala namang batas na nagsasabing bawal maglasing sa tanghali."
Wala na siyang nagawa. Pumunta sila sa isang convenient store. Hindi na bumaba ang dalaga. Hinayaan na lang niyang bumili ng alak ang kasama.
Ilang minuto ang lumipas bago ito bumalik.
"Ang tagal mo!" reklamo niya pagbalik nito sa kotse dala ang supot ng pinamili nito.
"Alak na alak ka na ba?"
Inirapan niya ang natatawang binata. Madalas siya nitong asarin dahil ugali niya raw mang-irap. Ang sabi pa nito, mas lalo siyang gumaganda kapag sinusungitan ito.
Nag-drive ulit ito at nakarating sila sa loob ng sementeryo. Pribadong sementeryo ng mga mayayaman dahil kadalasan sa mga naroon ay puro musoleyo. Mas mukha pa nga iyong golf course sa ganda ng paligid kesa sa himlayan ng mga patay.
Pumarada sila sa kalsada kung saan pinakamalapit ang puntod ng lolo ng binata. Hindi na bago sa dalaga ang lugar dahil ilang beses na rin naman siyang nakapunta roon kasama ito.
Lumabas muna sila at nagtirik ng kandila sa lapida. Matagal nang narinig ng dalaga ang kuwento ng pamilya ni Ericson. Halos kabisado na nga niya ang ilan. Matapos mag-alay ng dasal ay bumalik na sila sa loob ng kotse at nagsimulang uminom.
Flavored beer ang binili ng binata para sa kanya, beer in can naman para rito.
"Nabubusog lang ako pero hindi naman nalalasing," reklamo ni Danica matapos makaubos ng dalawang bote.
Tumawa si Ericson at tumitig sa kanya, ibinigay ang nakabukas na plastic ng cheese flavored junk food.
"Dahil hindi naman kasi tayo maglalasing."
"Bumili ka pa ng alak kung hindi ka naman pala maglalasing," busangot na sagot niya.
Umiling lang ang binata at ginulo ang buhok ni Danica. Sinungitan niya ito at hinawakan ang kamay para alisin sana pero hindi niya maintindihan, parang ayaw na niyang bitawan ang kamay nito.
Pareho silang natahimik. Nawala ang nanunuksong ngiti nito. Nakatitig na lang sila sa isa't isa.
Shit! Hindi na talaga dapat ako nakipagkita sa kanya. Naiisip ko lang na gusto ko siyang halikan ngayon.
Eksaheradong umiling ang dalaga. Pilit na inaalis ang maling isipin sa utak niya. Ibinalibag niya pabalik sa binata ang kamay nito at umayos na siya ng upo. Isinandal niya ang ulo sa headrest ng upuan at pumikit.
"Gusto mo bang matulog?" tanong ng binata sa mababang tinig.
Natigilan si Danica. Aminado siya sa sarili na gustung-gusto niya ang boses nito dahil parang laging nag-aalala.
"Hindi ako ang puyat," sagot niya habang nakapikit.
Wala nang nagsalita ulit. Nakarinig siya ng kaluskos at ilang pagkilos pero nanatili siyang nakapikit. Muling napuno ng katahimikan ang buong sasakyan. Pinapakiramdaman niya ang kasama pero ang tahimik lang talaga.
Marahang dumilat si Danica para lang mabilis na pumikit ulit.
"Subukan mo lang na ilapit pa ang mukha mo sa akin lalo, uuwi kang sabog ang nguso," nagbabantang sita niya habang nakapikit.
Ngumisi lang ang binata. Hindi na nga nito inilapit nang tuluyan ang mukha sa kanya pero ramdam pa rin niya ang presensya nito. Mainit kasi ang hangin na tumatama sa kanyang mukha at bahagya niyang naamoy ko ang beer mula sa hininga nito.
Nang tuluyang lumayo ang binata ay saka lang siya naglakas-loob na dumilat. Nagawa pa nitong masuyong haplusin ang pisngi niya at maliit na ngumiti sa kanya bago tuluyang lumayo.
Alam ko ang ibig sabihin noon. Pero ayoko nang hanapan pa ng paliwanag. Ako lang din naman ang nahihirapan.
BINABASA MO ANG
Stolen [COMPLETED]
General FictionWARNING : with explicit and violent scenes / mature content. READ AT YOUR OWN RISK. Matagal ko nang gustong maranasan kung paano makulong sa malalakas na mga braso niya, sa mainit na yakap niya. Kahit ngayon lang, hahayaan ko muna ang sarili ko na m...