TWO

24.3K 337 62
                                    

“Wala na ba?”

Tiningnan ko si Cris nang itaob niya ang bote ng Emperador Lights na wala nang laman. Pangalawa na iyon kaya nahihilo na ako.

“Ang bilis naman,” kumento ni Edshera na isa sa kainuman namin.

Tatlo lang kaming magkaharap. Dalawang babae at isang binabae.

“Uwi na tayo, baka hinahanap na ako ng anak ko.”

Dalagang ina si Edshera. Nakasama ko siya sa dati kong trabaho kaya kami nagkakilala. Ako ang nag-train sa kanya at siya ang pumalit sa iniwan kong puwesto. Mas maliit siya sa akin ng kaunti. Bilugan ang katawan at mataba. Pero cute ang mukha niya at baby face.

“Kaya mo ba maglakad, Danica?” tanong sa akin ni Cris. Hinawakan niya ang braso ko at inalalayan akong tumayo. Nakayukyok na kasi ako sa lamesa kanina. Dahil siguro sa kalasingan, nawawala na ang kabaklaan ng boses niya. Mas nagiging natural na iyon na malalim na boses ng lalaki.

“Oo. Sus, dalawang bote lang ba ang magpapatumba sa akin?”

Natawa si Cris dahil hindi na malinaw ang bawat salita ko. Ipinilit ko kay Cris na ihatid namin sa sakayan ng bus si Edshera. Hinintay namin hanggang sa sumakay na siya. Pagkatapos ay siya naman ang pinalayas ko.

“Sigurado kang kaya mo umuwi mag-isa, girl?”

“Gago! Don’t girl-girl me kapag ganitong wala ako sa mood,” sita ko kay Cris. Ang tagal kasi niyang umalis.

“Bakit? Hindi ka ba babae?”

“Oo. Nagpapanggap lang ako,” sagot ko habang tumatawa.

Takot sa akin si Cris dahil pinapaliguan ko siya ng mura kapag naiinis ako. Maya-maya lang ay umalis na nga siya. Naiwan akong nakayuko sa waiting shed.

Ayoko pang umuwi. Wala rin naman akong aabutan dahil siguradong wala roon ang kasama ko sa apartment. Holy Thursday na bukas kaya siguradong uuwi iyon sa kung saan man siyang lupalop nanggaling.

Ilang bus at jeep na ang huminto’t umalis sa tapat ko pero hindi pa rin ako sumasakay. Kanina lang ay tumatawa ako tapos ngayon, hungkag na ang pakiramdam ko.

Napatingala ako nang may humawak sa baba ko at iangat ang ulo ko.

“Lasinggera.”

Pinalo ko ang kamay niya kaya napayuko ulit ako nang mawalan ng suporta ang ulo ko. Naramdaman ko ang pag-upo ni Ericson sa tabi ko.

“Paano mo ‘ko nahanap?” tanong ko. Isinandal ko ang ulo ko sa balikat niya. Umiikot ang pakiramdam ko.

“Nag-post ang kaibigan mo sa facebook.”

Mahinang pinitik niya ang noo ko kaya hinimas ko iyon matapos magreklamo.

“Huling-huli ang pagtungga mo ng baso sa picture, ah. Kailan ka pa natutong maglasing?”

“Nahihilo ako, Eric.”

“Iuuwi na ba kita?” Malumanay ang boses niya pero nainis lang ako.

“Gago ka ba? Iuuwi mo ako sa inyo?”

“You and your pretty bad mouth.” Pinanggigilan niya ang labi ko kaya napasigaw ako sa inis.

Ilang beses ko siyang pinaghahampas at pinagmumura pero natatawa lang siya. Wala na akong pakialam kung pinagtitinginan kami ng ibang taong naghihintay rin ng masasakyan sa waiting shed.

“Iuuwi kita sa apartment mo, hindi sa bahay namin. Ituro mo sa akin kung saan ka eksaktong nakatira.”

“Ayoko.” Dalawang buwan pa lang akong lumipat sa apartment mula sa boarding house na pinanggalingan ko. Alam niya kung saang lugar iyon pero hindi ang eksaktong apartment.

Stolen [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon