“Danica...”
Nag-angat ako ng ulo pero hindi ko naman tiningnan ang tumawag sa pangalan ko. Umupo sa silya niya ang officemate ko na si Sharon. Magkatabi lang ang lamesa naming dalawa na nakadikit sa pader ng office.
“Kanina pa nag-out si Mikael pero hindi pa rin umuuwi.”
“Bakit?” tanong ko, kunwari interesado ako sa kuwento niya. Palipat-lipat ang mata ko mula sa papel na nasa lamesa at sa monitor ng computer.
Kailangan ko kasing tapusin ang pag-eencode ng laboratory results para ma-print na at mapirmahan ng Head Chemist namin.
“Ano pa nga ba? Syempre, hinihintay ka. Ang tyaga rin ng isang ‘yon eh. Akalain mong nakaya na maghintay ng dalawang oras sa’yo makasabay ka lang pag-uwi.”
Siya lang ang kinikilig at natutuwa.
Tumayo ako para i-set ang printer. Hinintay kong matapos ang twenty five pages na lab results na papapirmahan ko pa para puwede nang ilabas sa mga clients namin bukas.
“Ako na ang magdadala niyan sa office ng head natin.”
Nagdududang tiningnan ko siya. Pareho lang naman ang trabaho naming dalawa. Pareho lang kaming encoder at under ng isang supervision.
“Kawawa naman kasi si Mikael kung mas matatagalan pa sa paghihintay. Tatapusin na lang naman ang printing at ilalagay sa mesa ng head ‘di ba?”
Tumango ako. “Siguraduhin mo lang na mapipirmahan talaga ‘to mamayang gabi.”
“Oo nga sabi.”
Napailing ako. Ayoko pa sana talagang umuwi dahil nga alam kong naghihintay siya. Nilog-out ko lang ang username ko at binilin kay Sharon na siya na ang magpatay ng computer ko.
“Ako na ngang bahala sa lahat. Bilisan mo na lang.”
Hinubad ko na ang lab gown ko at isinabit iyon sa hanger . Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa naming magsuot ng lab gown kung hindi naman kami lumalabas.
Nasa office lang kami at tumatanggap ng mga test results ng chemists namin. Hindi kami humahawak ng chemicals at nag-tetest ng mga substance pero parte ng uniform namin ang lab gown.
Eksaktong paglabas ko ng laboratory office namin ay nadatnan ko ngang naghihintay sa lobby si Mikael. Agad siyang tumayo nang matanaw akong lumapit sa finger scanner para mag-clock out.
“Bakit nandito ka pa?” tanong ko nang makalapit siya.
Mas matangkad siya sa akin. Parang halos magkasingtangkad lang sila ni Ericson.
“Hinihintay kita. Ihatid na kita pauwi. Sana makarating na ako sa bahay mo, hindi lang sa kanto.”
Hindi ko siya pinansin. Dumiretso na ako sa labas patungo sa kung saan naka-park ang motor niya. Hinintay na rin naman niya ako, susulitin ko na ang paghatid niya. Kahit paano ay makakatipid din naman ako sa pamasahe.
Bago niya ako ihatid sa lugar namin, nag-aya muna siyang kumain sa isang lugawan. Gutom na rin naman na ako kaya pinayagan ko na.
Wala akong masabi sa ginagawang pagsisilbi sa akin ni Mikael. Siya na ang nagkusang kumuha ng kutsara na gagamitin ko. Pati ang nilagang itlog na partner ko sa lugaw ay siya na ang nagbalat at naglagay ng suka.
Kung tutuusin ay mabait naman siya at may hitsura rin talaga. Botong-boto nga sa kanya ang mga ka-department ko at madalas akong sinusulsulan na sagutin ko na raw. Pero... parang may kulang kasi. Wala akong maramdamang kakaiba sa kanya.
Ni hindi nga ako kinikilig sa mga ginagawa niya. Una pa lang sinabihan ko na siyang huwag nang umasa pero ang kulit pa rin.
Pagkatapos naming kumain, nagpahatid na ako sa kanya hanggang sa kanto.
BINABASA MO ANG
Stolen [COMPLETED]
General FictionWARNING : with explicit and violent scenes / mature content. READ AT YOUR OWN RISK. Matagal ko nang gustong maranasan kung paano makulong sa malalakas na mga braso niya, sa mainit na yakap niya. Kahit ngayon lang, hahayaan ko muna ang sarili ko na m...