Ericson’s POV
Nakakapang-init talaga ng ulo ang babaeng iyon.
“Sira ba ang aircon natin?”
Tiningnan ko si Jimmy, ang kasamahan kong leadman sa kabilang section ng production.
“Bakit?” Malamig naman ang buong kuwarto kaya hindi ko maintindihan kung paano niya naisip na sira ang aircon.
“Ang init eh. Ramdam ko ang init ng ulo mo pagpasok ko pa lang ng kuwarto.”
Tumawa siya. Binato ko siya ng hard hat na mabilis naman niyang nasalo.
“Bakit ang init ng ulo mo? Nag-away kayo ng girlfriend mo?”
Hindi ko siya sinagot. Imposibleng mag-away kami ni Aldea. Napakabait na tao no’n at laging kalmado. Maintindihin pa at lagi akong inaalala. Ni wala nga rin akong matandaan na pag-aaway naming dalawa.
“Kung hindi si Aldea...” Medyo lumapit siya sa akin. “Baka naman si Danica.”
Napansin ko ang malisyosong ngiti niya. Kumunot ang noo ko.
“Anong kinalaman ni Danica rito?” naaalarma kong tanong.
Lumapad pang lalo ang ngiti niya.
“Nakita ko lang kayo noong nakaraan sa waiting shed.”
Hindi ako nakapagsalita. Hanggang sa waiting shed lang ba ang nakita niya? Dinala ko si Dana sa resort dahil sobrang lasing niya at hindi ko alam kung saan siya nakatira.
Pero wala naman kaming ginawa.
“Don’t you worry. Magkasangga tayo rito. Kahit naman tao ko ang ex-boyfriend niya na si Aaron, nirerespeto ko pa rin ang pagiging leadmen nating dalawa. Ligtas sa akin ang sikreto mo.”
“Ano’ng sikreto ba? Wala akong sikreto.”
“Kaibigan mo ‘ko Eric kaya sinasabi ko ‘to sa’yo. Kung si Aldea, dapat si Aldea. Kung si Danica, si Danica lang.”
Mas lalong kumunot ang noo ko. Hindi ko maintindihan ang sinasabi niya.
“Alam kong nagkikita pa rin kayo ni Danica. Hindi lang isa o dalawang beses ko kayong nakita. Noong nandito pa siya, napapansin ko nang malapit kayo sa isa’t isa.”
Umiling ako para sana tumanggi pero mukhang hindi pa siya tapos magsalita.
“Ako pa nga ang nagpakilala sa inyo sa isa’t isa ‘di ba? Willing ako no’n na ireto ka sa kanya dahil mukhang mabait ka naman. Wala pa siyang boyfriend ng mga panahong iyon.”
“M-Magkaibigan lang kaming dalawa.” Naramdaman ko ang pagkati ng kamao ko. Hindi ko inaashang binibigyan na pala niya ng ibang kahulugan ang ginagawa kong pag-aalala kay Dana.
“Sabi mo lang, pero iba ang nakikita ko sa mga mata mo kapag tinitingnan mo siya. Nag-aalala ka nang higit pa sa pagkakaibigan.”
“May girlfriend na ako.”
“Alam ko. Kaya nga sinasabihan kita ngayon. Layuan mo na lang si Danica kung wala ka namang maipapangako sa kanya. Nakita ko siya kung paanong nagsimula rito noong fresh graduate pa lang siya. Pinagsabihan ko rin si Aaron noong nanligaw siya kay Danica pero nauwi lang din sila sa hiwalayan.”
“Pre...” Tinapik niya ang isang balikat ko. “Payong kaibigan, bago ka pa tuluyang malugmok sa nararamdaman mo, itigil mo na. Hindi lang isa ang masasaktan kapag ganyan. Tatlo kayo. Ikaw, si Aldea at si Danica.”
Tinapik niya ulit ang balikat ko bago ako tuluyang iniwang mag-isa sa malamig na kuwarto. Naririnig ko ang ingay ng mga makina sa labas ng opisina pero mas malakas ang kabog ng dibdib ko.
Hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan. Concern lang naman ako kay Dana kaya lagi ko siyang inaalala.
“Sino ‘yon, pre?” Interesadong tanong ko nang dumaan sa harap namin ang isang nakasimangot na babae. Mahaba ang buhok nito na kulay itim.
Nakapantalon siya at hapit sa katawan ang suot na polo shirt. Umiindayog din ang balakang niya sa bawat hakbang na ginagawa.
“Ah ‘yan? Si Danica. Production Analyst siya ng Production Department. Bakit? Type mo?”
Hindi ako sumagot at sinundan na lang siya ng tingin hanggang sa pumasok siya sa office ng production department. Mukhang taga-roon nga siya.
Mabilis akong umiling nang maalala ko na naman ang una naming pagkikita. Malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko bago ako tumayo para mag-ikot sa production area.
Gumagawa ng mga styro products ang industrial company na napasukan ko. Dalawang taon na ako rito bilang lead man, kasabay ng dating nobyo ni Dana na si Aaron.
“Boss.”
Tinanguan ko lang ang isang operator na bumati sa akin at nagpatuloy sa pag-iikot. Napunta ako sa pagawaan ng mga food packaging area na siyang hawak dati ni Dana.
“Gaano katagal bago maayos ang makina?” tanong ni Dana sa akin pero sa makina naman nakatingin.
“Hindi ko masasabi.” Itinuloy ko na ang pagbabaklas ng chain mula sa conveyor ng makina.
“Papalitan lang naman ng piyesa yan ‘di ba? Chain lang naman ang nasira.”
Nilingon ko siya at naabutan na nakasilip sa conveyor area ng malaking makina. Hindi ko alam kung mechanical engineer din siya o office staff lang. Napakarami niyang alam sa pagdating sa makina.
“Depende kung may spare parts tayo na sasakto sa chain nito.” Inangat ko sa harap niya ang malaking bakal.
“Imposible namang wala. Sigurado akong meron ‘yan sa stock room. Puwede mo namang i-check ‘yon do’n.” Nag-angat na siya ng tingin sa akin.
Doon lang niya ako nagawang tingnan.
“Maintenance lang ako at hindi toolkeeper. Hindi ko namo-monitor ang mga gamit sa loob ng stockroom.”
Umirap lang siya sa pasaring ko kaya napangiti ako. Kung hindi lang talaga siya maganda, baka naihampas ko na sa kanya ang kadena na hawak ko.
“Boss Eric.”
“Panggabi ka pala ngayon?” tanong ko sa toolkeeper na si Cris. Siya ang baklang kasama ni Dana na nag-inuman noong nakaraang dalawang linggo.
“Balik na ‘ko sa stockroom. Baka may nagre-request na ng mga gamit do’n.”
Tinanguan ko siya. Dahil sa sinabi ni Jimmy kanina, nag-alangan akong bigla na magtanong kay Cris ng tungkol kay Dana. Mahirap na, baka pati siya kung ano pa ang isipin tungkol sa aming dalawa.
Mailap sa tao si Dana. Mabait siya pero kaunti lang ang kaibigan. Hindi naman kami madalas mag-usap, lagi kasi siyang nagsusungit pero interesante ang pagkatao niya.
Nagsimula lang kaming maging malapit sa isa’t isa nang minsang maabutan ko siyang umiiyak sa pagitan ng mga compressor sa likod ng building. Nag-iikot ako noon para mag-check dahil sa preventive schedule namin.
Nabigla ako nang makita ko siya roon. Mukhang masama talaga ang loob niya dahil ilang beses niyang pinagmumura at halos isumpa na ang buong angkan ng boss niya, ang supervisor ng Production Department kung saan siya nabibilang.
Sayang. Ang gandang babae pero ang lutong naman magmura. Natatawa na lang ako habang pinapakinggan ang mga hinanakit niya.
Dahil doon, inaya ko siyang mag-ice cream kinahapunan nang madaanan ko siyang naghihintay ng sasakyan pauwi. Alanganin pa siyang pumayag kaya sinabi kong kahit magsama siya ay ayos lang naman.
Sumama nga siya at humantong kami sa BarKo. Isang music lounge na may live band at puwedeng uminom. Wala siyang ibang ginawa kung hindi ang maglabas ng sama ng loob at kahit paano ay nakilala ko na rin siya ng husto.
Mabait si Dana pero malungkot ang buhay niya. Pinipilit lang niyang maging matapang pero alam kong marami siyang kinatatakutan at pag-aalinlangan. Kaya simula noon, ipinangako ko sa sarili kong dadamayan ko siya. Sasamahan at aalagaan bilang isang matalik na kaibigan.
BINABASA MO ANG
Stolen [COMPLETED]
General FictionWARNING : with explicit and violent scenes / mature content. READ AT YOUR OWN RISK. Matagal ko nang gustong maranasan kung paano makulong sa malalakas na mga braso niya, sa mainit na yakap niya. Kahit ngayon lang, hahayaan ko muna ang sarili ko na m...