Kagaya nga ng sinabi ko nung nakaraan, nasa isa kaming lugar na parang restaurant pero may pagka... Uhh... Cute? Ganun na nga siguro.
Paano ba naman kasi, sa bawat makita kong tao, parang naka-cosplay. Yung mga waiter nila, mga naka-costume. Karamihan sa mga kumakain, naka-costume din. May isang sulok pa sa restaurant na ‘to na may kumakanta at nagpeperform para sa amin.
“Uhh... Nasaan tayo?” I was confused, seriously. Ang dami ba naman kasing taong nagsisigalawan sa paligid. Lahat may ginagawa.
“Isa ‘tong, coffee shop!” sabi niya’t bigla siyang ngumiti ng buo. Umupo siya sa may sulok ng shop na kita ang labas. “Taraaa!”
“Coffee... shop? Ito?” nung nagtanong ako, halata naman sa kanyang hindi siya nagbibiro, pero kakaiba talaga ‘tong shop na ‘to.
Amoy na amoy ang simoy ng hangin na dala-dala ng kapeng barako at kapeng manamis-namis. Ang sarap.
“Hintayin mo ko ah? Wag ka munang aalis diyan!” Tumayo siya sa kinauupuan namin matapos niyang kumuha ng gamit sa bag niya.
“Wait, saan ka pupunta?” tanong ko, pero dumiretso na siya sa parang counter. Nakakahiya naman kung siya pa bibili para samin, kinuha ko bag ko’t humabol sa kanya.
Hindi ganun kahaba ‘yung pila dito, buti na nga lang. Medyo pakiramdam kong naa-out-of-place ako sa ganitong klaseng lugar. Lahat sila may anime-ish clothing tas kami nito ni Venice, casual clothes lang.
“Ano bang bibilhin natin?” tanong ko’t nabigla si Venice ng makita ako sa likod niya, pero biglang nagtaka ‘yung mukha niya sa tanong ko. “Okay, alam kong kape, pero anong klaseng kape?”
“Sabi ko kasi sa’yo hintayin mo na ko dun eh!” Bigla siyang nagtampo pagkatapos. “Hindi ka man lang marunong sumunod sa girlfriend mo!” Ang cute pala niya magtampo?
Tinapik ko siya sa balikat nang tumalikod siya sakin. “Uy...” pagsuyo ko sa kanya, “Nagtatampo ka na agad?”
Hindi man lang siya umimik at umunsad na ulit ang pila.
Sinubukan ko ulit siyang tapikin at suyuin ulit, “Venice? Hindi ko naman alam na...” Ni hindi ko nga matapos-tapos ‘yung sasabihin ko dahil sa sobrang tahimik niya at tanging pila lang namin ang may progress sa oras na ‘to. Hirap.
Naka-abot kami sa counter at binanggit niya na ‘yung kapeng iinumin namin at nagsalita na rin siya sa wakas. “Magdagdag ka ng kahit anong gusto mo.” wika niya na tila bang walang pakielam kung may piliin man ako o hindi. Grabe naman ‘to. Bumili nalang din ako ng cookies na isasabay ko sa iinumin namin.
Tinanong kami ng kahera, “Ano pong pangalan?”
Nagmadali ako at sumingit bigla’t sinabing, “Venice at Bryan. Pakilagyan ng heart parehas sa dulo.” Pagkasabi ko nito, walang imik si Venice. Ni hindi niya siya kumibo at nakatingin lang siya sa paligid. Binayaran ko na parehas at sinabing, “Libre ko na ‘to diba?”
Umupo na kami sa pwesto namin at naghintay lang ng ilang minuto. Dumating ang isang waitress na medyo cute ang damit at sinabing, “Bryan at Venice po?” Kinuha ko na kaagad ang plate na dala niya at ibinigay ang iinumin ni Venice sa kanya.
Ilang segundo lang, napansin rin niya na sinadya kong itapat sa kanya ‘yung pangalan ng ininuman ko. Sa kanya kasi nakapangalan ‘yung kinuha ko. Binigay ko sa kanya ‘yung sakin. Pagkatapos niyang tignan, nakita kong parang pinipigilan niyang ngumiti. Takpan ba naman niya bibig niya? Kaso halata parin naman kasi sa mga mata niya.
“Venice...” Tumingin siya’t nagtaas ng kilay. “Nagba-blush ka ba?” biro kong banggit sa kanya, kaya naman ayun. Napatakip siya ng mukha.
Sumilip ‘yung isang mata niya sa butas na gawa ng magkadikit niyang kamay at hiyang-hiya na sinabing, “Namumula ba talaga ko?”
BINABASA MO ANG
Heart Note
Teen FictionMusic is meant to be understood by all. May it be singing or dancing, they need to feel what you want to express. Sa Sound & Silence Academy nagkakilala ang isang lalaking maka-OPM at ang isang babaeng maka-KPop. Maunawaan kaya nila ang nararamdama...