Classification ng Students

71 0 0
                                    

Balik aral, magiging abnormal nanaman ang buhay ng mga studyante. Yung mga naggraduate, napromote na sa ibang level o antas. Yung mga undergraduate at mga tambay, tuluy-tuloy lang ang Summer. Yung mga katulad kong nagtatrabaho, walang pagbabago satin. Hindi man tayo nagbakasyon.

Ang First Day ng klase ay para lang sa mga bata. Sila ang may bagong lapis, bolpen, padpaper, notebook na may 90 leaves, isang balot na bondpaper at artpaper, pencil case, bagong bag na de-gulong at de-uling. Question, nasubukan nyo na ba magbilang ng 90 leaves kapag bumibili ng notebook? Mahirap na kung tayo ay maloloko ng manloloko.

Masarap mag-aral, laging may pera, lagi rin may baon. Araw-araw kang bumibiyahe papunta sa school at pauwi sa bahay para mag-aral, sigawan ng teacher, makipag-away, manligaw, at mangopya ng assignment. Maraming pwedeng gawin sa skwelahan. Marami ding iba’t-ibang klase ng studyante. Igugrupo ang mga studyante depende sa kanilang characteristics.

Kikays. Ito ay grupo ng mga kababaihan na laging salamin, polbo, make-up, at suklay ang laman ng bag. Kadalasan silang late sa klase dahil nauubos ang lunch break nila sa pag-reretouch sa CR. Mas madalas silang bagsak dahil hindi sila nakakapagreview sa halip ay nagme-makeup sila.

Boybands. Ito naman ang grupo ng mga kalalakihan na walang ibang ginawa kundi magpapogi kahit na mukha silang jologs. Lagi din silang may dalang salamin at oras-oras pinagmamasdan ang mga itsura nila. Katulad ng Kikays, bumabagsak din ang mga boyband dahil walang laman ang utak.

Varsities. Ito ay grupo ng mga studyante na pumasok lang yata para maglaro ng basketball, volleyball, baseball, fishball o kahit anong sport na meron sa skwelahan. Marami sa mga Varsity ang umuulit sa second year o third year dahil namimiss nila ang mga klase. Madalas din matatanda na ang mga varsity.

Performers. Kabilang dito ang mga sumasayaw, nagdadrama, at umaawit sa tuwing may program sa school. Parang varsity, pumasok lang sila para magperform kapag Buwan ng Wika, Araw ng Kalayaan, Pasko, at Halloween. Ginagabi sila ng uwi dahil nauubos ang oras sa practice.

Matalinaws. Ito ang mga estudyanteng nag-enrol pero walang interes mag-aral. Kung may interes man, sadyang mahina lang talaga ang utak. Lahat ng ginagawa nila, kinokopya nila mapa-assignment, exam, o project kaya sigurado akong rich in Vitamin A ang pagkain nila. Lagi din silang may baon na kodigo ng mga formula at pwede ding sagot na kung talagang tamad na sila.

Lovers. Maraming studyante ang pumapasok sa school para makita ang kanilang inspirasyon. Mas daig pa ng mga 1st year ang mga 4th year sa ligawan. Kahit na bawal ang PDA (Public Display of Affection), makikita mo sila sa loob ng campus na nagliligawan. Minsan, isa sa mga lovers ay gumagawa ng project para sa kanilang dalawa. Sipag.

Geniuses. Oops, hindi ako kasali sa mga Genius. Ito madalas nilang tinuturing na Nerd dahil libro, blackboard, libro, blackboard lang ang buhay nila. Kahit yata chalk kinakain nila. Monster pagdating sa exam. Laging nasa Top Achievers. Kadalasan sila din ang mga kakaunti lang ang kaibigan.

Leaders. Uso na ang pulitika sa high school at college. May mga natural na leaders talaga pero meron mga feeling na leaders na tumatakbo kapag may eleksyon. High sila sa co-curricular at laging present sa mga school activities. Pero low sila sa grades at laging absent sa mga klase.

PGs. Mga patay gutom at parang walang baon. May mga baon naman talaga pero sadyang matakaw lang. Isusubo mo nalang yung cream-O, hihingin pa kahit quarter moon nalang sya. Nakikisabay kapag lunch at nakikihati sa kanin at ulam. Kulang nalang pati lunch box sa kanya na. Sila din yung may mga baong chikito na kahit oras ng klase ay kain pa din ng kain. Parang walang sikmura.

Epals. Ito ay grupo ng mga kaklase na walang ginawa kundi magpalapad ng papel sa teacher. Sila ang nagpapadali ng buhay ng mga teacher. Pwede mo silang utusan, actually nagvovolunteer na sila kaagad na bumili ng merienda, humingi ng chalk sa kabilang classroom, humiram ng eraser sa kabilang classroom, at humiram ng blackboard kung wala kayong blackboard.

Comedian. Isa lang ang comedian sa isang classroom kadalasan. Sila ang nagbe-break ng silence kapag bored na bored na ang klase. Lagi din silang target ng mga teacher dahil naagawan sila ng atensyon. Idol ko ang mga comedian. Napakalas ng self-confidence nila.

Star Child tulad ni Jomar. Sila yung mga pogi. Mababait. Masunurin. Hindi masyadong nag-aaral pero nakakakuha ng medyo mataas na grades. Hindi ginagabi sa pag-uwi. Hindi gaanong nagpaparticipate sa school events pero maraming social life. Idol ko ang mga taong ganito dahil nagagawa nilang magpublish ng mga dyaryo at magsulat ng articles tulad nito. Parang nakatungga ng isang litrong Star Margarine.

Kung sino ka man sa mga yan at kung gusto mo din gumawa ng sarili mong classfication ng studyante, mahalaga pa din mag-aral ng mabuti. Uulitin ko, masarap mag-aral.

Sabi ni Marie Vargas, kaibigan ko noong college: “Kapag elementary, hihintayin mo 6 years para mag-graduate. Kapag high school, hihintayin mo ang 4 years para mag-graduate. Kapag college, 4 years ulit para mag-graduate. After college, hihintayin mo nalang na mamatay ka.”

May point si Marie, mga 15 points. Kung ngayon pakiramdam mo tumigil na ang buhay mo at wala ka ng ginagawa, isipin mo ano ang dapat mong gawin para may patunguhan ang buhay mo. Ang pag-aaral ay step stones sa kung anong daan ang pipiliin mo: Success or Failure. Nakasalalay sa iyo kung magiging matagumpay ka.

Jomar's Journal (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon