High school life daw ang pinakamasaya sa buhay ng isang tao. Tulad ko hanggang ngayon lagi ko napapanaginipan na nag-aaral pa din ako–sa Assumpta Technical High School. Hindi naman dapat ako mag-aaral dito, napasama lang ako sa mga nag-eexam. In the end, ako pa ang pumasa sa kanila. Nakakatawa dahil pumasok ako sa 1st day ng school. Akala ko may klase na…’yun pala bakasyon pa so kinailangan ko umuwi samin.
Ikukwento ko kung anu-ano ang mga activities na mayroon kami noong high school bakit ko ito ipinagmamalaki. Gusto ko dito hindi dahil Catholic school siya. Noon beterano ang mga teacher, kahit kasingtanda na nila ang alibata–Miss pa din ang tawag sa kanila. Wala pa ang new building noon. Ang dating classroom namin, nasunog noong 2011 kung tama pagkakatanda ko. Nawala ang dati naming laboratory. Nasunog ang pagong na nakasabit sa lab namin. Nawala na ang mga ni-disect naming palaka noong 2nd year. P.S. Ang classroom namin noong 4th year ay naging CR na.
Pagpasok ng school bawat umaga, sa chapel lahat didiretso para magdasal at yung iba para makipagkwentuhan. Yung mga late, hindi na dumidiretso sa chapel. Kapag Monday, may Morning talk kung saan tatayo kami ng isang oras–biro lang, mga 30 minutes after ng flag ceremony para irecall kung ano ang Gospel noong Linggo. Para ito sa mga hindi nakapagsimba. Kapag ordinary days naman, may 5 minutes Silent Period. Tutunog yung Chinese bell yata o Japanese bell. Tapos bawal dumaldal for 5 minutes. Ayos naman. Tahimik.
Naalala ko noong 1st year palang ako nag-aabang ako sa Registrar’s Office para ako ang mautusang magclick nung bell. Exciting. Kaso may mas excited pa sa akin magbell kaya minsan lang ako nagkaroon ng opportunity. Noong 4th year, naging P.R.O. ako ng Assumpta Student Board, at lagi ako ang bumibigkas ng Panatang Makabayan at yung dating version na Panunumpa sa Watawat ng Pilipinas. Minsan wala yung CD ng Lupang Hinirang kaya napilitan ako maglead ng kanta. Kinalimutan ko na ang masalimuot kong pag-awit noon. Sabi nung teacher ko sa music, Base D ako–walang pag-asa haha.
Bukod sa academics, may technical courses. Kaya nga Technical High School. Dalawa ang makukuha mong diploma pagka-graduate mo. Isa sa academics, isa sa technical course. Noong panahon namin (hindi ko sasabihin anong year baka icompute nyo ang edad ko), kapag 1st year, may Foods, Horticulture, at Technical Drawing. Best in Foods ako kahit na Tahong lang ang niluto namin noong practical exam. 2nd year, Sewing, Horticulture, at Technical Drawing ulit. Nakatulong ito sa mga gustong maging Architect. Kaya maraming drawing sa mga kaklase ko. Marami din ang barbero.
Pagdating ng 3rd year at 4th year, pipili ka na ng major o specialization. Ang pinili ko-Computer Technology. Sa pangalan palang “in” na kami. Saka nakigaya lang ako dahil yung crush ko Com.Tech. Meron ding Foods (HRS na ngayon), Electronics (na nacombine na sa Com.Tech), Carpentry (Wood Arts na ngayon), Garments (wala na ata), at saka Business and Distributive Arts o BDA (Accounting and Entrepreneurship na ata ngayon). Best in Com.Tech. ako noon kahit na sumabog ang project ko. Lahat yata ng project namin may depekto. Ngayon iba na, marami ng nagbago.
Nakausap ko kailan lang ang mga co-Assumptans ko na nag-aaral pa doon ngayon. Marami ng bagong teacher. Wala na ang mga beterano namin teacher. Makikita mo sila nasa library, clinic, at mga offices. Sabi nila iilan na lang ang magaling magturo. Naalala ko noon, simula 1st year hanggang 3rd year, wala kaming libro. Biruin mo nakapag-aral kami ng walang libro. Ang libro namin, yung utak ng teacher namin. Bilib ako sa mga teacher ko noon kaya lahat ng kabatch ko masasabi kong matalino.
Maliban sa Academic at Technical course, may mga club meeting every month. Pipili ka ng club o organization. Lagi ako sa Gulis Art Club dahil magaling ako magdrawing at kaya kong ipinta ang Last Supper. Minsan din ako nasali sa Health Club hindi ko alam anong year, siguro umextra lang ako noon. Yung mga walang organization, sa Ecology napupunta kung saan lagi sila naglilinis.
Wala palang janitor sa school namin noon. Iisang tao lang ang maintenance. Maraming policies sa school tulad ng bawal magkalat ng basura. Lahat ng pinagkainan naming biskwit, kendi, at ibang chichiria, nasa bulsa. Pag-uwi ng bahay o kapag nakakita ng trashcan, doon namin lahat tatapon. Masasabi kong 75% sa mga kaklase ko nadala ang ugali na ito hanggang ngayon. Lagi rin kami naglilinis after class, at least naging masipag ako noon at nadala ko ito sa pagtanda ko. Dito natuto kaming magtrabaho ng walang kapalit. Natutunan naming maglinis ng walang grade at nalaman naming masaya din pala basta nagtutulung-tulong.
Kahit na walang JS Prom o sabihin mang corny ang school namin, mas maraming activities na ginagawa lalo na kapag December. May Share-a-Care kung saan pupunta kami sa Home for the Aged. Naranasan ko maglaba ng mga kumot at maglinis ng higaan. Nakipag-usap din kami sa ilang matatanda na iniwan na ng kanilang mga pamilya. Masaya. May Share-a-Labor kung saan lahat ng taga-Apalit ay maglilinis sa Parish Church ng Apalit in preparation ng Advent Season. Masarap maglinis–laging sa 1st year ang pinakamahirap na trabaho. Tapos Share-a-Joy, eto na yung Christmas Party na half-day. Yung mga mayayaman didiretso ng SM. Yung mga dukha tulad ko, haha hindi naman dukha, mabababaw lang kaligayahan–pupunta sa bahay ng kaklase at mangingisda, mangunguha ng mangga, suha, santol–parang FarmVille.
Hindi lahat ng tao gusto mag-aral sa school na iyon. Hindi lahat ng nag-aaral doon, matino katulad ko. May makalat na Assumptan at walang disiplina. May mga gusto mag-aral doon pero hindi nabigyan ng opportunity. Ayos lang, kahit na 1 out of 10 ay matino at may disiplina, maganda sana kung makagawa sila ng pagbabago sa ibang tao–makatulong sa ibang tao. Sa mga school mate ko na nakakabasa nito ngayon, ano kaya ang pwede mong gawin?
BINABASA MO ANG
Jomar's Journal (Book I)
RandomSampung maiikling kwento tungkol sa kabataan at pagiging estudyante at mga libangan ng mga mag-aaral ngayon. Nakakatuwa. Nakakaiyak. Pero ilan dito ay katotohanan ng buhay. Isa akong Filipino writer at sa bawat sinusulat ko, may mensahe akong gusto...