CHAPTER FOUR

652 27 0
                                    


Sa megamall nila naisipang mamili. Habang naglalakad sila, napansin ni Lynette na panay ang tingin ng kababaihan sa kanyang kasama.

Siya naman, feeling proud. Daig pa ni Lynette ang isang authentic na girlfriend. May mga pagkakataon pa ngang nawawala siya sa sarili at wala-sa-loob na napapahawak sa bisig ni Aidan — na agad niya rin namang inaalis kapag nababalik siya sa tamang huwisyo.

"Dito tayo, magaganda ang mga damit dito at may sale pa."

Iginiya niya sa loob ng isang malaking boutique si Aidan. Si Lynette na rin ang pumili ng mga simpleng getup para sa lalaki. Slacks at saka polo shirt ang ipinasukat niya kay Aidan.

Nang lumabas ito mula sa dressing room, kamuntik na siyang malaglag sa kinauupuan. Bagay na bagay ang cream shirt at dark brown na pantalon. Lalo tuloy na-emphasize ang magandang pagka-tan ng balat ng lalaki.

"Bagay ba sa akin?" tanong ni Aidan na tila naaasiwa. Kung sa sariling hitsura o sa kanyang reaksiyon, naidalangin niyang sa una na lang sana.

Tango lamang ang naisagot ni Lynette, sabay sara sa bibig na nakaawang pala.

Pumasok muli sa dressing room si Aidan upang isukat pa ang isang pares. Nang lumabas ito, hindi makapaniwala si Lynette sa ganda nitong magdala ng damit. Kung tutuusin hindi naman masyadong mamahalin ang mga damit na kanyang napili pero dahil si Aidan ang nagsuot, nagmukha tuloy mamahalin.

Bumalik ang lalaki sa dressing room matapos niyang aprubahan ang isinukat.

"Ang guwapo-guwapo ng boyfriend mo." Hindi na nakapagpigil ang tila nanggigigil na saleslady na umaasikaso sa kanila.

Sa halip na itama ang maling akala nito, tumango na lamang si Lynette at ngumiti. Deep in her heart, she felt the yearning na sana nga'y maging "sila."

But of course, it would be so impossible. Walang-wala si Aidan sa kalingkingan ng lalaking kanyang pinapangarap. Hindi ito financially well-off.

Ni wala nga itong stability.

Ibinuntong-hininga na lamang ni Lynette ang nadaramang panghihinayang.

Naghihintay siya sa counter upang i-verify ang kanyang card nang mamataang may kausap si Aidan na dalawang magagandang babae sa labas ng shop na iyon. Kitang-kita pa ni Lynette ang pagpi-flirt ng isang babae na naging dahilan upang kagyat na umahon ang iritasyon sa kanyang dibdib.

"Miss, pakibilisan lang," sabi ni Lynette sa babae sa counter. "Nagmamadali lang kasi ako."

"Sandali na lang ho."

Nang iabot ng kahera sa kanya ang card at ang mga purchases, parang may pakpak ang mga paang nilipad ni Lynette halos ang distansiyang nakapagitan sa kanila ni Aidan.

Unfortunately, nakaalis na ang dalawang babae nang ganap siyang makalapit.

"Sino ang mga iyon?" Hinabol pa niya nang tanaw ang mga babae. Sa kanyang isipan, kinakalbo na niya ang dalawang saglit na umagaw sa atensiyon ng kanyang mensahero.

"W-wala. Anak ng dati kong amo iyong isa. Kaibigan niya 'yong kasama niya."

"Ganoon ba?" Sino'ng niloko mo? sintir ni Lynette. Kamuntik na niyang ihagis ang dalawang bag kay Aidan ngunit napigilan naman agad ang kanyang sarili. Maayos niya iyong iniabot kay Aidan. "Halika na."

Gayunpaman ay hindi niya mapigilang lumabas ang iritasyon sa kanyang mabibilis na hakbang. Nagpauna siya sa pilit na umaagapay na si Aidan.

Sa isang maliit ngunit pribadong restaurant sila pumasok.

No Money, No Honey (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon