"Hello, Miss Concepcion! Balita ko, kailangan n'yo 'ko? Maglilipat na raw tayo ng opisina mo?"
Parang itinulos si Lynette sa kinatatayuan nang malingunan si Aidan na nakatayo sa labas ng kanyang cubicle. Dalawang araw na siyang mabaliw-baliw sa kung ano-anong masasamang pangitain tungkol sa lalaki, and here he was na tila walang nangyari.
Hindi naman mukhang galing sa sakit si Aidan. If anything, mukhang mas healthier pa ang lalaki kaysa noong huli nilang pagkikita. Tumingkad ang pagka-tan ng balat nito, mamula-mula ang mga pisnging lalong nagbigay ng masayahing aura.
"O... bakit para kang nakakita ng multo?" Nakangising lumapit si Aidan. Hinawi ng paa nito ang mga kahong nakalapag sa sahig. "Congrats sa promotion mo. Big boss ka na talaga!"
Hindi pa rin makakibo si Lynette.
She wanted to hug him, kiss him, make love with him... Gusto niyang i-rewind ang panahon, ibalik sa gabing kamuntik na niyang ipagkaloob ang kanyang sarili. Gusto niyang baguhin ang eksena at hayaang matangay ng kabaliwan—kung ang kapalit niyon ay alaala ng kaganapan sa mga bisig ni Aidan.
"Lynette... may sakit ka ba?" nag-aalalang tanong ni Aidan nang manatili siyang walang imik.
"S-sorry. Iniisip ko lang kung saan ko nailagay ang card n'ong isa kong kliyente..." pagdadahilan niya nang mahimasmasan. Ine-level niya ang boses, business-like. "Mabuti naman at pumasok ka na. Magiging busy ako ngayon dahil sa pagse-set-up ng sales team. Nag-hire na rin ako ng sarili kong secretary—"
"I missed you," paanas na putol ni Aidan sa kanyang walang kawawaang paglilitanya. "Na-miss mo ba ako?"
Nanlamig ang buo katawan ni Lynette. nanghina ang kanyang mga tuhod na ibig nang bumigay. Right there and then, she wanted to confess—all those sleepless nights she'd spent thinking of him, worrying for him... missing him...
"Kung hahalikan kita ngayon... hindi mo ba ako sasawayin, Lyn?"
Nag-init ang kanyang mukha. Mabilis siyang yumuko upang maikubli ang pangungulilang maaaring makita ni Aidan sa kanyang mga mata. Inabala ni Lynette ang sarili sa pagsasalansan ng mga folder.
"S-sinabihan na kita, Aidan. Wala akong panahong makipagbiruan."
"At sinabi ko na rin sa 'yong hindi ako nagbibiro."
"Puwes, wala akong panahong seryosuhin ka," she snapped. "Kung gusto mong tumulong sa paglilipat ko, you better start now. If not, just... get lost!"
"Hindi ko puwedeng gawin ang anuman sa dalawang sinabi mo," nakangising sabi ng lalaki. "From what I've heard kay Lora," tukoy ni Aidan sa bago niyang secretary, "may appointment ka at one o'clock. Unless na gusto mong mag-taxi, ibigay mo na sa akin ang susi ng kotse mo't susunduin ko sa bahay mo para madala rito."
Agad sinulyapan ni Lynette ang relong pambisig. God, it almost slipped her mind!
And to think na ine-entertain pa niya ang mga romantic notions about Aidan.
She must be mad.
Ngayon pa lang ay nakakaapekto na si Aidan sa kanyang career, paano pa kaya kung hahayaan niyang magkaroon ng kaganapan ang mga nosyong iyon sa kanyang isip?
BEFORE lunch ay nasa opisina na si Aidan, dala ang kotse ni Lynette. Pagkatapos ng labinlimang minutong paghahanda, lumulan na sila sa sasakyan ngunit dahil sa matinding traffic na nasagupa nila, two minutes after one ay papahinto pa lang ang kotse sa harap ng hotel kung saan naroroon ang restaurant na pagmi-meeting-an ni Lynette at ni Mrs. Toscano.
Nang huminto ang sasakyan, hindi na hinintay ni Lynette ang pagbubukas ng pinto ng doorman. Dali-dali niyang sinamsam ang mga gamit at agad na umibis.
BINABASA MO ANG
No Money, No Honey (COMPLETED)
RomanceDriven, dubious and ambitious -- iyan si Lynette Concepcion. She will work her ass off just to get what she wants in life at walang puwedeng humadlang. E ano kung tumibok ang puso niya sa hampas-lupang si Aidan? Abala lang ito sa pangarap niya...