👹 I N E S C A P A B L E 👹

73 3 7
                                    


KUMAKALAM ang sikmura niya. Ngunit titiisin na muna niya.

Mataas na ang sikat ng araw, mahapdi sa balat. Mausok ang paligid, malayo sa kinalakhan niyang probinsya. Naghahalu-halo na rin ang iba't ibang amoy ngunit mas lamang ang nakasusulasok na amoy ng mga basura sa isang sulok ng kalsada. Maraming mga sidewalk vendor sa bahaging iyon ng malawak na kalsada. May mga kanya-kanyang kariton ang mga ito. Sari-sari ang paninda, may mga street food, tsitsirya at kung anu-ano pang pupuwedeng kukutin.

Ganitong nagugutom siya, higit niyang alam na hindi siya maaaring kumain ng kahit na ano na lamang. Sensitibo ang kanyang tiyan.

Sakbit ang knapsack sa likuran at bitbit ng kanang kamay ang malaking duffel strolley bag, nakipagsabayan siya sa mabibilis na hakbang ng mga taong tumatawid sa kalsada. Pawisan na rin ang suot niyang asul na polo shirt at mainit sa pakiramdam ang fitted na maong pants. Nag-iinit na rin ang kanyang mga paa sa suot na puting sneakers.

Unang tuntong niya rito sa Maynila. Isang linggo pa lamang siya at talagang nangangapa pa sa klase ng buhay na mayroon sa lungsod na iyon.

Nanggaling pa siya sa Surigao. Nagpatulong siya sa kanyang matalik na kaibigang si Almarie upang makaalis sa kanilang bayan. Ito ang nag-ayos ng biyahe niya. Tiniis niya ang nakakapagod at mahabang biyahe sa dagat dahil iyon ang kaya ng kanyang budget. Si Almarie rin ang nagbigay sa kanya ng address sa Sampaloc ng isa sa mga kakilala nito sa Maynila, si Venirose.

Awa ng Diyos, may natuluyan siya sa loob ng isang linggo. Kahit maliit lamang ang bahay nina Venirose at malapit sa riles ng tren, malaking pasasalamat na rin niya na tinanggap siya ng pamilya nito. Iyon nga lamang, isang gabi ay masinsinan siyang kinausap ni Venirose.

"Pasensya ka na talaga, Helga. Medyo gipit kasi kami. Gusto sana kitang tulungan pero medyo short talaga kasi ako sa ngayon. Kulang pa ang sahod ko at next week ay end-of-contract ko na rin," nahihiyang sabi sa kanya ni Venirose. Pangahin ang babae, katamtaman ang tangos ng ilong. Masayahin ang bukas ng mukha. Medyo tabain si Venirose bagamat maliit ito sa height na five feet. Kayumanggi ang kutis nito. Magkasing-edad din sila, parehong bente-uno anyos.

Sa sahig na nalalatagan ng banig at manipis na kutson siya nakahiga samantalang nasa ibabang kama ng double-deck steel bed si Venirose. May dalawang batang kapatid na lalaki pa si Venirose at nagsisiksikan ang mga ito sa itaas ng double-deck. Mahinang humihilik na ang dalawa. May isa pa itong kapatid na lalaki, binatilyo na. Sa salas natutulog ang binatilyo simula nang dumating siya sa tahanan ng mga ito.

Sa kabila ng mainit na silid na iyon ay ang kuwarto ng mga magulang ni Venirose. Mababait naman ang mga ito. Maayos siyang tinanggap.

Maingay ang kalampag ng lumang wall fan at bahagya nang nasasagi ng hangin si Helga. Subalit hindi siya nagrereklamo. Hindi sila mayaman ngunit mas maayos ang bahay at buhay na iniwanan niya sa Surigao. Kung hindi nga lamang . . .

"Naiintindihan ko, Venirose. Malaking tulong na rin ang pagpapatuloy ninyo sa akin dito," may sinseridad na sabi niya sa babae. Tanggap naman niyang hindi siya maaaring makisiksik nang matagal na panahon sa maliit na espasyo ng pamilya ni Venirose. Dama niya ang pagdarahop ng mga ito. Kahit hindi nagsasalita ang ina ni Venirose, alam niyang hindi ito kumportable na madagdagan pa ang intindihin sa araw-araw.

"Kumusta ba ang pag-aaplay mo?"

Iyon ang una niyang ginawa isang araw matapos makarating sa Maynila. Nagpasa siya ng mga resume sa iba't ibang kumpanya. Fresh graduate siya sa kursong Environmental Science. At dahil wala pang experience, hindi naman siya namimilian sa ngayon kung ano ang trabahong mapapasukan.

Tatlong magkakasunod na araw siyang nag-walk in sa mga kumpanyang ini-refer sa kanya ni Venirose.

"Wala pang tumatawag," malungkot na pahayag niya. Nahihiya siyang sabihin iyon ngunit ano ang magagawa niya?

Dearest FutureTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon