👹 I N E X P L I C A B L E 👹

103 2 17
                                    

ANG ALAM niya, bahagi ng Pasig ang magarang subdivision na pinasok ng sasakyan ni Mr. Rodriguez. Ibinase niya iyon sa mga address na nakikita niyang nakaimprenta sa mga nadaanan nilang tindahan, shops, mga tarpaulin ng kung anu-anong pagbati o events, at mga road sign. Matrapik kaya matagal ang naging biyahe nila. Nakatulog na sa likuran ng sasakyan si Chelsea. Nakaunan pa ito sa bag niya.

Hindi na sila nagkibuan ng lalaki habang nasa sasakyan. Manaka-naka ay nahuhuli niyang napapalingon sa kanya ang mestisong tsinito. Sabagay, hindi rin kasi niya maiwasang pasimpleng titigan ang lalaki.

Kanina pa rin siya nako-conscious sa hitsura. Ang sabi ng mga taong nakakasalamuha niya, maganda raw siya. Kuntento rin naman siya sa katangian niya. Matangos ang ilong niya, mapupungay ang mga mata, maninipis ang mamula-mulang labi. Maputi rin siya at katamtaman ang height na five-four. Hindi man siya biniyayaan ng malaking hinaharap, magaling siyang magdala ng damit.

Hinugot niya ang kulay rosas na panyo sa bulsa ng pantalon at pinunasan ang mukha.

Teka lang, bakit ka ba apektado? bigla niyang naisumbat sa sarili.

Muli niyang nilingon si Mr. Rodriguez. Nakatutok sa kalsada ang paningin nito.

Diyos ko! May amnesia nga ba ako at nakalimutan ko na asawa ko ang lalaking ito? Naalala niya ang sinabi nito kanina sa pulis.

Imposible. Hindi niya siguro kakalimutan iyon kung sakali. Nai-imagine niya tuloy kung paano ang maging asawa ng lalaking ito. Hindi na masama.

Ang suwerte naman ni Mrs. Rodriguez, naiisip niya.

Parang may kumurot sa kanyang dibdib. May asawa na nga pala ang lalaking ito. Mamaya niyan, kamukha lang pala siya ni Mrs. Rodriguez. Napangiwi siya.

"Masakit ba ang tiyan mo?"

Bahagya pa siyang napaigtad. Nakatutok na pala sa kanya ang mamula-mulang mukha ng lalaki. Nakaangat ang makakapal na kilay nito.

"Malapit na tayo." Muling ibinalik ng lalaki ang paningin sa kalsada.

Umayos sa pagkakaupo si Helga. Ramdam niya ang pag-iinit ng magkabilang-pisngi. Nahuli siya ng lalaki na mariing nakatitig dito. Pinigilan na muna niya ang sarili na mag-isip ng kung anu-ano. Tutal, mag-uusap naman daw sila ng lalaki.

Tumigil sa harap ng isang steel swing gate ang SUV. May pinindot na maliit at kulay abong aparato si Mr. Rodriguez at dahan-dahan ay bumukas ang tarangkahan. Ipinasok ng lalaki ang sasakyan sa loob ng malawak na bakuran.

Tumambad kay Helga ang dalawang palapag na bahay. Maliwanag pa naman bagamat pahapon na kung kaya't nakapagmasid siya sa paligid. Moderno ang disenyo ng bahay. Abuhing tisa ang ibabang bahagi ng pader. Buff colored bricks ang pang-itaas. Ang ibang bahagi ay gawa sa glass wall.

Dumiretso sa garahe na may automatic door ang sasakyan. Kanugnog iyon ng bahay.

Bumaba sila ni Mr. Rodriguez. Kinuha ng lalaki si Chelsea na tulug na tulog pa rin.

Sa kanang bahagi ng garahe ay may maliit na pinto. Bumukas iyon at tumambad sa kanila ang isang may edad nang ginang. Nakasuot pa ito ng sky blue scrub type na uniporme. Hula ni Helga ay kasambahay ang ginang.

Naglilipat-tingin ito sa kanila ni Mr. Rodriguez na karga si Chelsea.

"Yaya Luring, pakitulungan n'yo po si Helga sa mga gamit niya," utos ni Mr. Rodriguez sa ginang.

Bumadha ang pagkagulat sa mukha ng ginang.

Buhat-buhat sa kanang kamay si Chelsea, si Mr. Rodriguez pa rin ang nag-abot ng mga gamit niya sa matandang babae.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 06, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Dearest FutureTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon