"NAKONTAK na po namin ang pangalan na ibinigay ng bata at paparating na raw siya, Misis," anunsyo sa kanya ni PO2 Armando Benitez. Ito ang pulis na nakaharap niya kanina at napagkamalang siya ang ina ni Chelsea.
Nahihirapan siyang ipaliwanag sa mga pulis na hindi siya ang ina ng bata hanggang sa mga sandaling iyon. Napilitan siyang sumama sa presinto dahil hindi rin naman siya binibitiwan ni Chelsea at iginigiit nito na siya talaga ang mommy. Hanggang ngayon, nasa kandungan pa rin niya si Chelsea.
Mas nadagdagan pa ang hirap niya dahil ayaw niyang masaktan ang bata. Hindi niya maunawaan kung bakit may kakaibang epekto ang batang ito sa kanya. Para siyang nahuhulog sa karisma nito. Hindi niya direktang maiparinig dito ang pagtanggi niya.
Nakaupo siya sa isang monoblock sa harap ng desk ni PO2 Benitez at nauubusan na siya ng sasabihin upang makumbinsi ang pulis.
Nagmumukha na tuloy siyang sinungaling. O baka higit pa roon ang iniisip ng pulis tungkol sa kanya.
Hindi naman siya makapagkuwento ng buhay niya maliban na lang sa kamalasang madukutan habang naglalakad patawid sa kalsada. Naitanong kasi ng pulis kung bakit umiiyak siya nang makita kanina.
May dumating na isang binatilyo at may bitbit itong supot ng fastfood at bote ng mineral water. Dumaan sa ilong ni Helga ang mabangong amoy ng pagkain. Naalala na naman niya ang gutom. Napalunok na lamang siya.
Ipinatong ng binatilyo ang supot at mineral water sa mesa ni PO2 Benitez.
"Misis, kumain na muna kayong mag-ina habang hinihintay ang mister ninyo." Itinulak ng pulis sa harapan niya ang supot. "Baka gutom lang 'yan. Pati pangalan ng asawa ninyo ay nakalimutan n'yo na."
Bahagya pa siyang namula sa sinabing iyon ng pulis.
Tumayo ito at iniwanan silang dalawa ni Chelsea.
"I am hungry, Mommy," ungot sa kanya ni Chelsea. Nakatingala sa kanya ang maamong mukha ng bata.
Kung magkakaanak siguro siya ay gugustuhin niyang kamukha ng batang ito. Hindi niya alam kung bakit napakagaan din ng loob niya sa bata. Kung siya ang nanay nito, hindi talaga niya itatanggi.
"Okay, baby. Baba ka muna para maayos ko ang food natin." Nagugutom na rin siya at napahiya man sa pulis, malaking pasalamat na rin na maalalahanin naman ito.
Tumalima ang bata. Nginitian niya ito.
Inilabas niya ang dalawang paper box sa supot. Binuksan niya iyon. Chicken and rice meal iyon mula sa isang kilalang Filipino fastfood. Nakahiwalay ang container ng gravy.
"Gusto mo ba nito?" tanong niya sa bata.
"Yes, Mommy. I love chicken!"
Pinaupo niya ang bata sa kabilang monoblock chair. Inilagay niya sa harapan nito ang box. Masayang-masaya ang bata. Marunong na naman itong kumaing mag-isa.
"How old are you, baby?" tanong niya sa bata habang kumakain sila.
"I'm seven," sagot ng bata habang ngumunguya pa.
"Ang ganda-ganda mo," aniya habang pinagmamasdan ang mukha ni Chelsea.
"Of course, I look like Mommy!" masayang sagot nito.
Napangiti si Helga. May mabigat siyang problema ngunit tila gumagaang ang kanyang pakiramdam. Saka na lamang niya muna iisipin ang problema kapag naayos na ang isang ito. Kapag dumating ang daddy ni Chelsea at kinuha na ang bata, kakausapin niya si PO2 Benitez. Magpapatulong siya upang makabalik sa Sampaloc. Hindi naman siguro siya itataboy ni Venirose.
BINABASA MO ANG
Dearest Future
RomansaMasaklap? 'Yong nagising ka na lang isang araw na may asawa at mga anak ka na. Mas masaklap? 'Yong hindi mo talaga kilala ang asawa mo at unang beses mo pa lamang siya nakita sa buong buhay mo? Pinakamasaklap? 'Yong kailangan ninyong panindigan ang...