Ilang araw na ang lumipas ngunit bakit parang ang bigat pa rin sa dibdib. Akala ko kapag masabi ko na lahat ng nasa saloobin ko, gagaan na ang pakiramdam ko. Ngunit bakit parang mali? Dapat ba itinago ko na lang sa sarili ko ang nararamdaman ko?
Masakit isiping kailangan mo pang idaan sa one on one na inuman para mapilit akong sabihin kung ano ang tunay kong nararamdaman. Ang dami mong inungkat nang gabing yun.. Pati yung malagim na gabi sa buhay ko na ibinalik mo pa sa alaala ko. Gusto kong kausapin kang muli ng masinsinan pero sadyang lumalayo ka. Pakiramdam ko nag -iba ka na. May kulang. May pagkakaiba. Masama ba ang makaramdam ako ng pagkabagabag? Mali ba na sabihing wala akong tiwala sa mga makakasama mo? Ilang beses kong inulit sayo na sa kanila ako walang tiwala at hindi sayo. Pero ipinagpilitan mo na ako ang walang tiwala saiyo. Tumahimik na lang ako para matapos na ang pinagpipilitan mo.
Ngayon, nais kong magsisi pero sadyang di ko magawa. Ito na ba ang simula ng lamat sa ating relasyon? Dito na ba magsisimula ang pagkabuwag ng labinglimang taon? Gusto kong umiyak, magwala, sumigaw. Hindi ko naman magawa. Ayokong makita ng mga bata na labis akong nasasaktan. Kailangan nilang makita na malakas ako. Di nila kailangang malaman na sa loob ko ay nadudurog na ako nang paunti unti.
Kahapon, masama ang pakiramdam ko. Nakisuyo ako sa katrabaho mo na sabihan ka na umuwi ng maaga dahil sa nararamdaman ko. Pero anong oras ka dumating? Natawa na lang ako sa sarili ko. Ang sakit sa loob na ang dami kong natutulungan sa mga karamdaman ng iba pero darating pala ang oras na kapag ako na ang may karamdaman, walang tutulong sa akin. Sabi ko sa sarili ko, " Bawal ka magkasakit. Maawa ka sa sarili mo kapag nagkasakit ka. Walang mag-aalaga sayo. " Simpleng tanong lang sana na "Anong nararamdaman mo?" wala akong narinig. Yung mga simpleng gestures lang sana.. Yung gaya ng dati..
Ang bigat na ng dinadala ko.. Tama na.. Huwag mo nang dagdagan pa, pwede? Nakikiusap ako. Huwag mo nang hayaan na madurog pa ako ng pino.. Ang sakit na masyado. Ang sakit sakit na......
Crying in pain,
Xena Violette
**********💜💜💜💜💜*********
Made and published: November 20, 2018
BINABASA MO ANG
Mga Hugot Ni Aling Author
PoetryLahat ng inyong mababasa ay personal na opinyon lamang ng may akda sa iba't ibang pagkakataon sa kanyang buhay. Maaring may mga di kanais nais na salitang inyong mababasa kagaya ng pagmumura ngunit ito ay para lamang bigyan ng tamang damdamin ang na...