"Uy kanina mo pa tinitingnan yan? Ano bang meron dyan?"Napabalikwas tuloy ako ng pagkakatingin mula sa phone ko. Hindi ko inaasahang susulpot sya sa tabi ko.
"Wala naman. May binabasa lang ako."
"Ganun? Uy punta ka ah. Ordination ko na bilang deacon sa Monday. Inaasahan kita." Kasabay ng pagsabi nyan noon ay ang magandang ngiti na meron sya mula sa kanyang mga labi.
" Oo naman. Ako pa ba. Maiba ko, pupunta ba si Dawn?"
Nakita ko ang pagbabago ng kanyang mukha sa huli kong nabanggit. Alam ko kung anong epekto ng tinanong ko kay Loyd. Alam na alam ko.
"Sinabihan ko siya. Alam ko din naman na pupunta sya." Ramdam ko ang sakit na nagmumula sa puso nya.
"Hindi ka ba nanghihinayang? Mahal mo sya, mahal ka niya. Pero mas pinili mong hiwalayan sya?" Ilang ulit ko ng tinanong ang bagay na yan. Paulit-ulit.
"Nakalaan ako para sa Diyos. Sa dami kong nagawang kasalanan, tinanggap pa din nya ko. At lubos akong nagpapasalamat." Sabay ngiti at tingin sa harap ng altar.
" Pero paano si Dawn? Mahal ka nya. Tinanggap at hanggang ngayon patuloy na minamahal."
"At dun ako maswerte. Dahil may isang babae na nagmamahal sakin. Hindi ko man sya makasama, hindi man sya ang pinili ko. Alam kong hindi na sya maaalis sa puso ko. Dahil sya na ang huling babaeng mamahalin ko."
Napangiti na lamang ako at tinitigan ang mukha nya. Sa mga sinabi nya noon, dama ko ang pagmamahal nya para kay Dawn. Dama ko ang panghihinayang. Kung sana kasi ibang tadhana ang nakalaan sa kanila, ganito kaya ang kahihinatnan?
"Tama na nga yan. Tayo na. Mag aayos pa kami para sa ordination sa Lunes."
Pinanood ko sya habang lumalabas ng simbahan. Pinanood ko ang kanyang likuran. Sa pagkawala nya sa aking paningin, muli akong napaharap sa altar at napatanong," Lord, bakit may mga taong pinagtagpo subalit pilit na pinaglalayo?"
Lunes na. Dagat ng tao ang aking nadatnan. Hindi ako pamilyar sa simbahan na ito. Sa layo ng pinanggalingan ko, himala na hindi ako naligaw.
Ang daming mga seminarista ang nakita ko. Mga manonood din ng ordination sa ngayon. Ilan din silang magkakasabay na oordinahan. Kaya marahil madaming tao ang ganitong nag aabang.
Luminga linga ako sa aking paligid. Pilit hinahanap si Loyd na syang aking tanging kakilala. Ilang saglit pa ay akin syang namataan. Kasama nya ang kanyang mga magulang. Maging ang kanyang mga kapatid.
Ang saya nyang pagmasdan. Para syang isang anghel sa aking paningin. Nakaputi at masayang nakatawa. Aaminin ko, napakagwapo nya sa kanyang kasuotan.Akin lamang syang tiningnan subalit makalipas ang ilang sandali ay napadako ang tingin nya sa akin. Isang masayang kaway ang aking nakita.
" Salamat dumating ka Aiken. Eto na yung araw na hinihintay namin. Kinakabahan na 'ko." Wika nya habang nakangiti.
"Palalagpasin ko pa ba to? Sabi ko naman diba? Pupunta ko. " masaya kong tugon.
"Nakita mo na ba si Dawn? " hindi ko mapigilang itanong.
"Hindi pa. "
"Sa tingin ko sa huling pagkakataon, kausapin mo sya. Sabihin mo ang nararamdaman mo at kung gaano mo sya kamahal. Wala namang sigurong masama hindi ba? Tutal si Lord na ang pinili mo. Maiintindihan ka nya. " wika ko habang hinawakan ko ang kanyang mga kamay. Isang mahigpit na hawak na para bagang ayaw ng pakawalan.
Mula sa aking paningin ay namataan ko ang babaeng minamahal ng aking kaibigan. Nginitian ko si Dawn at sa pamamagitan ng aking mga mata ay hiniling na lumapit sya sa aming kinalalagyan.
"Loyd,"
Hindi marahil inaasahan ni Loyd na nasa likod nya ang babaeng itinatangi. Unti-unti Kong binitiwan ang kanyang mga kamay habang sya ay nakatingin kay Dawn. At marahan din akong umalis sa lugar kung saan kami pinagtagpo.
Pumunta ko sa lugar na malayo sa kanila. Mula sa aking kinatatayuan ay kita ko ang marahan nilang pag-uusap. Mga kimeng hinaing at nararamdaman. Nakita ko kung paano umiyak si Dawn. Kung paano pinunasan ni Loyd ang mga luha sa mukha nito. Nakita ko kung pano nagyakap ang dalawa. Kung paano sinambit ang pagmamahal sa isa't-isa. Nakita ko kung paano nila pakawalan ang bawat isa mula sa isang mahigpit na yakap. Nakita ko kung paano binabanggit ng kanilang mga mata ang pag-ibig na nadarama subalit mas piniling bitawan.
Matapos ang kanilang pag uusap, ilang sandali lang ay nagsimula na ang ordinasyon. Nakakapangilabot at nakakataba ng puso na may bago na namang mga seminarista ang mapapalapit sa pagiging isang pari . Halos dalawang oras din ang tinagal ng seremonya. Matapos yun ay isa isang nagsalita ang mga naordinahan at isa na dun si Loyd. Lubos syang nagpapasalamat sa mga taong gumabay at sumuporta sa kanya. Ramdam mo yung galak at lungkot. Habang nagsasalita sya, napatingin ako Kay Dawn. Nakita ko syang titig na titig kay Loyd. Katabi nya ang mga magulang at kapatid nito. Isang magandang tanawin sana subalit napakasakit.
Napangiti na lang ako at unti-unting lumabas ng simbahan. Saktong paglabas ko ay tumulo ang masaganang luha mula sa aking mga mata kasabay ng biglaang pagbuhos ng ulan.
Tama na. Tapos na. Hindi ko na kaya.
Bakit ba 'ko umiiyak? Dahil ba nasasaktan ako para sa kanila? Dahil ba may mga pag-ibig na hindi pwede? Bakit?
Isa lang naman ang sagot, dahil ako man, iniibig ko ang lalaking inordinahan ngayon. Mahal na mahal ko si Loyd. Na sa sobrang pagmamahal, nagawa kong tanggapin na magiging ganap na pari sya.
Subalit hindi yun ang masakit. Mas masakit na mahal ko sya subalit hindi ako ang mahal nya. Dahil isa lang naman akong extra sa kwento nilang dalawa ni Dawn. Isang dakilang kaibigan na lihim na umiibig. Ang sakit na parang kinikirot ang puso ko. Subalit wala akong magawa. Dahil kung sila may pag ibig na itinadhana, subalit hindi maipaglaban.
Ang meron ako ay pag ibig na pang isahan lamang. Pag ibig na walang katugunan. Pag ibig na masakit. Pag ibig na walang kapalit.
Sa ngayon isa lamang ang aking hiling na sana kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan, sana makalimot na din ang pusong sugatan.
💜
BINABASA MO ANG
Love Untold
RomancePinagtagpo ngunit hindi itinadhana. Hanggang kailan nga ba ipaglalaban ang nararamdaman? O sa paglipas ba ng panahon ay makakalimutan na ang pag-ibig na walang katugunan? 🖤