Love Untold part II

8 0 0
                                    

"Salamat sa pagpunta Aiken."

"Aiken, bakit hindi na kita matawagan? Hindi na kita nakita pagkatapos ng ordination."

"Huy, anyare? Bakit bigla kang nawala."

"Aiken, salamat."

Paulit-ulit kong binasa ang mga messages na galing sa kanya. Hindi ko alam kung matutuwa ako na napansin nya na nawala ako o mas masasaktan.

"Aiken, paalis ka na diba? Mag-usap tayo. "

Sunod na mensahe na natanggap ko sa kanya.

Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Tama sya, paalis na ko. Pauwi na ko sa tunay na lugar ko. Kung saan walang Loyd na nasa paligid ko. Walang sya na minamahal ko.

Siguro nga, tama lang na kausapin sya. Tama lang na magpaalam ako sa kanya. Dahil kahit papaano may karapatan syang malaman ang nararamdaman ko. Sa huling pagkakataon gusto kong magpakatotoo.

"Sige, sa may simbahan na lang tayo magkita."

Sana, sana tama ang naging desisyon ko.

Pagdating ko ay nandun na sya sa simbahan. Tahimik na nakaupo sa may bandang unahan. Kinakabahan ako sa totoo lang. Ramdam ko ang panlalamig ng aking mga kamay. Unti-unti akong lumapit sa kanya. Marahang umupo sa tabi nya.

"Kumusta?" Tanging nasambit ko ng makaharap sya.

"Okay naman. Hindi na kita namalayang umalis sa ordination. Hindi ka naman din nagpaalam. " sabi nya sabay tingin sa aking mga mata.

"Nagmamadali ako eh. Alam mo naman na pauwi na ko diba. Isang linggo lang ang bakasyon na meron ako. "

"Kailan ba talaga ang alis mo?"

"Mamaya na. After ng pag uusap natin, diretso na ko sa airport. "

"Ganun ba? Sayang naman. " tanging nasambit nya.

Hindi na ko nagsalita pagkatapos nun. Hindi ko alam kung dapat ko pa bang ituloy ang plano ko. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kanya ang nararamdaman ko. Hindi ko alam kung saan magsisimula.

"Loyd, anong ibig sabihin ng gihigugma tika? "

Napatingin sya sa akin kasabay ng pangungunot ng kanyang noo.

"Mahal kita ang pakahulugan nyan. Bakit? "

"Dahil yun ang gusto kong sabihin sayo ngayon. " wika ko kasabay ng masaganang luha na pumatak mula sa mga mata ko.

"Alam ko walang katugunan. Alam ko din na hindi ko na dapat sinabi pa. Subalit sa huling pagkakataon, gusto kong magpakatotoo sa sarili ko, sayo at sa harap ng Diyos. Gusto Kong magtapat ng pag-ibig ko. "

Nanatili ka lamang nakatingin sa akin. Hindi ko mawari ang nasa isip mo. Hindi ko tiyak kung ano ang pwedeng mangyari.

Makaraan ang ilang sandali ay napatingin ka sa harap ng altar at ngumiti.

"Aiken, hindi ako manhid. Alam ko na may pagtangi ka sa akin. Alam ko na nasasaktan kita. Alam ko na mahal mo 'ko. At lubos akong nagpapasalamat doon. Dahil noon pa man ramdam ko na espesyal ako sa'yo.Pero patawad dahil hindi ko matutugunan ang pag ibig mo. "

Sa sinabi mong yon, mas lalong tumulo ang mga luha ko.

" Oo, alam ko Loyd. Alam na alam ko. Dahil bukod sa naordinahan kana, may minamahal kang iba. At alam ko na sya ang babaeng nasa puso mo. Saksi ako sa pagmamahalan nyo. "

"Patawad."

"Hindi, huwag kang magsorry. Wala kang kasalanan kung minahal kita. Sadyang makulit lang si Kupido. Ako ang pinana papunta sayo. "

"Aiken," Sambit mo habang hinawakan mo ang mga kamay ko.

"Loyd, maari bang punasan mo ang mga luha ko. Maaari bang hawiin mo ang sakit na nararamdaman ko? " wika ko habang nakatingin sa mga mata mo.

"Kung yan ang gusto mo. "

Unti-unti mong pinunasan ang mga luha na meron ako. Sana sa pamamagitan nito, maalis na ang sakit. Ikaw Loyd ang syang dahilan ng pagluha ko. Sana ikaw din ang maging dahilan para muling bumalik ang saya sa mga mata ko.

"Ipagdadasal kita Aiken. Na sana makita mo na ang lalaking para sayo, mamahalin ka ng buong puso higit pa sa makakaya mo. "

"Sana nga. Paalam Loyd. Paalam sa lalaking minamahal ko. "

Pagkatapos nun ay tumalikod na ko.  Dala dala ang mga gamit ko ay unti-unti akong lumisan sa simbahan kung saan naroon ang mahal ko.

Sa bawat hakbang ay simbolo ng pagsulong. Pag iwan sa damdaming walang katugunan. Pagkalimot sa pusong pilit ng nagmamahal.
Hindi na ko muling lumingon sa kanyang kinaroonan. Dahil alam kong eto na ang huli.
Sa paglabas ko ng simbahan, napatingin na lamang ako sa kalangitan at muling hiniling sa kalangitan ang mga katagang,

"Sana Lord, makalimot na ang pusong sugatan. "

💜

Love UntoldTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon