Taong 2025. Di ko maisip kung anong klase ng buhay meron ang mga Pilipino sa mga nakaraang taon. Pero tanging alam ko, ninais kong mabuhay sa nakaraan.
Hindi na tulad ng dati ang Pilipinas. Wala na’ng Maynila, o Makati. Wala na’ng Cebu o Davao. Wala na rin ang Luzon, Visayas o Mindanao. Filipinas na ito’y kung tawagin. Wala nang masyadong puno, malapit na ring matuyo ang mga ilog at karagatan. Naglalakihang mga tore ang pumalit sa mga naglalakihang mga kakahuyan.
Nakapalibot ang aming munting tahanan na gawa sa concrete at semento sa centro ng ciudad ng Alcamo, na pinaligiran ng matataas na gate. Sa pagkakaalam ko, Quezon City ang dating tawag dito. Mula pagkabata ay hindi ko alam o nakita man lang kung anong meron sa kabilang dako ng gate, o sa ibang isla man lang sa Filipinas.
Mula nang matapos ang malawakang giyera na sinimulan ng North Korea, ay hindi na nakabangon ang ilan pang mga bansa. Nawala ang komunikasyon, maging ang alyansa ng ilang mga bansa ang nawasak sa ilang iglap lang. Ayon sa aking nabasa, dati pinagtatawanan lang ang mga nuclear threats ng North Korea pero di naglaon ay naging peligro ito na siyang nagpasimuno ng Worldwide Nuclear War.
Di na namin alam kung may buhay pa sa Visayas o Mindanao. Ang alam lang namin, kailangan naming mabuhay.
Dito sa bayan namin sa Alcamo, kami’y hinati sa tatlong grupo.
Ang mga Araro ang siyang nangunguna sa agrikultura.
Ang mga Alfuerza ang punong pamahalaan.
At ang mga Reva, ang mga tagapagtanggol ng Alcamo.
Walang nagnanais na maging Reva. Maliban sa pagbabantay sa mga gate ay maaaring ma-deploy pa sila para maglakbay sa labas ng ciudad at maghanap ng ibang lugar na kung saan pwedeng mapagtaniman, o ibang lugar na kung saan may ibang supply ng pagkain, o maging mga survivors sa nagdaang nuclear war. Kaakibat ng misyong ito, ang pagharap sa ilang mga tao na malubhang naapektuhan sa nasabing nuclear war. Karamihan sa mga tao ay nag-mutate, parang mga zombies. Mabagal maglakad, at ang katawan nila, nababalot ng kemikal. Malansa. Nabubulok. Tawag namin sa kanila, mga Rokus.
Ang pinakamalala, may iba, tinubuan na ng pakpak. Mga Aquila. Ang mga Rokus at Aquila ay pawing mga flesh-eaters. Hayop man o tao, lahat kinakain nila.
Halos buwan-buwan ay nababawasan ang mga Reva. Patuloy kasing sumasalakay ang mga Rokus at mga Aquila. Ubos na ang aming mga bala. Kaya’t mano-mano ang pakikipaglaban nila. Walang gustong maging Reva. Kaya ginawang batas ng mga Alfuerza na pagtungtong ng ika-labing walong gulang ng ilang mga kabataan, ay haharap sila sa Maquinaria. Isa ito sa mga natitirang teknolohiya na naisalba sa nagdaang giyera. Babasahin nito ang cognitive skills ng tao at dito iba-base kung sila ay maihahanay sa mga Araro, Alfuerza, o Reva.
Apat na lamang kami sa aming pamilya. Pumanaw na si itay sa kasagsagan ng Nuclear War. Tanging si Inay Requa ang nagsalba sa amin.
Ang pangalawa kong kapatid ang natitirang lalake sa aming pamilya. Si Erwan. Sa murang edad na kinse, ay ninais na niyang maging Reva. Nais niyang makapaghiganti sa pagkamatay ng tatay naming.
Si Aniza. Ang bunso kong kapatid. Sa murang edad na dose, nanatiling siyang kalmado sa kakaibang mundo na kanyang kinagisnan.
Ako naman ang panganay sa amin. At sa darating na araw, ako’y magiging labing-walong gulang na. Ako’y isasalang sa Maquinaria. Ayoko maging Reva. Ayokong mahiwalay sa aking pamilya.
Ako si Sapphire. At ito ang aking kwento.