Chapter One (Part 2 of 2)

953 61 15
                                    

Kumunot ang noo ni Fidel sa labis na pagtataka. Binuksan niya ang pink na sobre at mula doon ay isang papel na kulay pink din ang nakita niya. Hinugot niya iyon at binuklat mula sa pagkakatupi nito. Isang sulat pala ang laman niyon na agad niyang binasa…

Dear You,

Sorry kung naabala kita at kung sa iyo ko pa ito ipapagawa. Please, sabihin mo sa family ko na deds na ako. Pagod na ako sa life ko. Pagod na akong lumaban. Sa likod ng letter na ito ay may number. Iyon ay sa mommy ko. Tawagan mo siya at iinform na tumalon ako mula sa rooftop ng hospital kung saan ako naka-confine. Thank you!

Twinkle

Nanlaki ang mga mata ni Fidel pagkatapos niyang mabasa ang sulat na iyon ng taong nakasuot ng pang-astronaut. Ibig sabihin ay magpapakamatay ito!

Pagtingin niya sa kaniyang harapan ay wala na ang taong iyon. Natatarantang luminga siya upang hanapin ito at natagpuan niya itong nakatayo sa may gilid ng rooftop habang nakadipa. Medyo mahangin doon at kung wala ang railings sa gilid malamang ay itinulak na ito ng hangin paibaba.

Hindi na siya nagdalawang isip at tinakbo na niya ang kinaroroonan nito. Akmang tatalon na ito pero mabuti na lang at nagawa niya itong mahawakan sa kamay. Hinila niya ito palayo sa gilid. Nawalan siya ng balanse at pahiga siyang natumba sa semento. Nahila niya ang taong iyon dahil sa pagkakahawak niya sa kamay kaya naman natumba din ito kasama niya. Nakahiga ito sa ibabaw niya.

“Ano ba?! Hindi mo ba nabasa ang sulat? Hindi mo dapat ako pinigilan?!” Boses babae ang nasa loob ng costume na astronaut. Oo nga pala. Twinkle ang pangalan ng nasa sulat. Wala naman sigurong lalaki na ang pangalan ay Twinkle.

“Magpapakamatay ka kaya anong gusto mong gawin ko? Panoorin ka lang? Kung magpapakamatay ka, 'wag naman sa harapan ko!” aniya. Yakap na niya sa beywang ang babae dahil sa nagpupumilit itong kumawala sa kaniya. At alam niya na kapag nakawala ito ay didiretso na ito sa pagtalon.

“Hindi mo ako naiintindihan! Ayoko nang mabuhay! Bitiwan mo ako! Pakialamero ka!”

“Nanahimik ako kanina doon tapos pinasunod mo ako sa iyo! Ikaw ang pakialamera! Kung tumalon ka na lang sana at hindi mo na lang ako tinawag, edi, mas okay!”

“Gusto ko lang naman na malaman ng family ko na nagpakamatay ako!”

“Wala ba kayong TV sa bahay? Mababalitaan ka naman nila doon kapag tumalon ka! Hindi ka ba nag-iisip?!” bulyaw niya.

Huminto na ang babae sa pagwawala hanggang sa tila nababaliw na humagalpak ito ng tawa. Sa tawa nito ay parang wala nang bukas. Natakot si Fidel dahil baka baliw ang babaeng kasama niya at nakatakas lang sa mental hospital. Baka bigla na lang siya nitong kagatin o kaya ay saktan. Magpapakamatay ito kanina tapos biglang tumatawa ngayon? Baliw nga siguro talaga!

Nahihintakutang binitawan niya ito at tumayo. Naiwanan ang babae na nakahiga sa semento habang patuloy sa pagtawa.

“B-baliw ka! Baliw!” At talagang may pagturo pa siya dito.

Umupo na ang babae mula sa pagkakahiga ngunit patuloy pa rin ito sa pagtawa. “Sandal. Hindi na ako makahinga!” anito at inalis na nito ang nakalagay na malaking helmet sa ulo nito.

Bahagyang napatulala si Fidel nang makita niya ang hitsura ng babaeng nakatago sa astronaut na costume. Ang cute nito kahit na sobra na ang pawis sa mukha nito. Medyo chubby ang pisngi nito pero parang ang sarap niyong pisilin. Medyo singkit ang mata nito na parang guhit na lang dahil sa laki ng pagkakangiti nito.

Tumayo na ito at huminga nang malalim. Huminto na ito sa pagtawa. “Laugh trip naman kasi iyong sinabi mo! Leche ka! Oo nga naman. Hindi ko kasi naisip na kapag tumalon ako dito ay mababalita ako. Mapapanood naman ako ng mommy at daddy ko! Hay naku!” Umiling-iling pa ito.

Kumurap-kurap si Fidel upang mawala ang pagkakatulala niya sa babaeng nasa kaniyang harapan. “Hindi ka baliw? B-baka nakatakas ka lang sa mental hospital, ha?” May duda pa rin na tanong ni Fidel sa babae.

“Ay, grabe ka naman sa akin! Teka, ang init na nitong suot ko.” Hinubad ng babae ang costume nito sa harapan niya. Doon niya nalaman na nakasuot ito ng hospital gown. Mukhang nagsasabi nga ito ng totoo ng naka-confine ito sa ospital na ito. Muli siya nitong tiningnan. “Hindi ako baliw, okay? Magpapakamatay lang talaga ako at natawa lang ako sa sinabi mo.”

“E, bakit nakasuot ka pa ng ganiyang costume?”

“Ano bang pakialam mo sa gusto kong suotin kapag magpapakamatay ako? Ito ang gusto ko. E, ikaw? Bakit mo ako pinigilan?”

Hindi agad nakasagot si Fidel. Hindi rin kasi siya makapaniwala na isang buhay ang kaniyang iniligtas. Isa pa, nagagandahan siya sa babaeng kasama niya ngayon. Medyo nahihiya siyang makipag-usap dito. “A-ayoko lang na magpakamatay ka sa harapan ko. Saka binigyan mo pa ako ng responsibilidad na magsabi sa parents mo na tumalon ang anak nila sa rooftop. Ayoko ng gano’n…” sagot niya.

Tumango-tango ang babae. “Kung ganoon, sa ibang building na lang ako tatalon. Doon kaya?” sabay turo nito sa kabilang building na katabi ng ospital. “Mas mataas doon. Huwag ka na lang sumunod kung ayaw mong makakita ng magpapakamatay. Bye!” nakangiti siya nitong kinawayan at naglakad na. Nilampasan lang siya ng babae.

Ano? Magpapakamatay pa rin siya?! Hindi makapaniwalang turan niya sa sarili.




TO BE CONTINUED…

Fly Me To The MoonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon