Chapter Nine

586 36 3
                                    

“FIDEL, tara na!” Napapitlag si Fidel nang marinig niya ang sigaw na iyon ni Twinkle. Hinablot siya nito sa isa niyang kamay at hinila.

Tumakbo sila palabas sa tapsilogan sa pamamgitan ng pinto sa likuran. Sumalubong sa kanila ang maliit na eskinita na siyang naghihiwalay sa tapsilogan at bahay ni Aling Bebang. Doon sila dumaan hanggang sa tuluyan silang makapunta sa kalsada.

Lutang ang isip ni Fidel habang tumatakbo sila ni Twinkle. Hindi mawala sa utak niya ang hitsura ng nanay at tatay niya nang makita niya ang mga ito kanina. Labis ang lungkot ng dalawa. Parang dahan-dahan na dinudurog ang puso niya dahil doon. Oo, alam naman niya na nag-aalala ang mga ito sa kaniya pero iba pa rin iyong makita niya na nasasaktan ang mga ito ng harapan. Mahal na mahal ni Fidel ang mga magulang niya.

Huminto siya sa pagtakbo. Nabitawan ni Twinkle ang kamay niya. Napahinto rin tuloy ito sabay lingon sa kaniya.

“Ano ba, Fidel?! Bakit tumigil ka? Kailangan nating makalayo sa kanila. Hindi nila tayo pwedeng abutan dahil hindi na natin magagawa ang bucket list--”

“Ayoko na, Twinkle. Itigil na natin 'to.” Kahit alam niyang madi-disappoint si Twinkle sa kaniya ay sinabi niya pa rin ang kaniyang desisyon.

“Ha? Ano bang sinasabi mo diyan? Ngayon ka pa ba aayaw? Malapit na tayong matapos. Dalawa na lang sa akin at isa na lang sa iyo!”

“Hindi ko kayang makitang nasasaktan ang magulang ko nang dahil sa akin. Ang laki na ng isinakripisyo nila sa akin tapos ganito pa ang gagawin ko sa kanila. Binibigyan ko sila ng isipin at sakit sa ulo.”

Itinaas ni Twinkle ang dalawang kamay na tila sumusuko. “Okay, fine! Kung ayaw mo na, ako na lang. Bahala ka na nga diyan!” Umirap ito sabay talikod. Muli itong tumakbo palayo habang pinagmamasdan niya ito.

Hindi pa man nakakalayo si Twinkle ay bigla na lang itong natumba. Inakala niya na baka nadapa lang ito pero nang mapansin niyang hindi ito gumagalaw ay tumakbo na siya papunta dito. Labis siyang kinabahan nang makita niya na may umaagos na dugo sa ilong nito. Sobrang putla na rin ng balat nito at ang init ng katawan.

“Twinkle, gising! Twinkle!” Mahina niyang tinapik-tapik ito sa pisngi pero hindi na ito gumagalaw. Bagaman at humihinga pa ito dahil tumataas-baba ang dibdib nito.

Hindi na alam ni Fidel ang gagawin kaya nagsisigaw na siya para humingi ng tulong. “Tulungan ninyo kami! Nawalan ng malay ang kaibigan ko!” Kahit sumasakit na ang lalamunan niya sa pagsigaw ay hindi pa rin siya tumitigil.

Mabuti na lang at dumating na ang mga magulang nila at agad silang tinulungan. May kasama na palang ambulansiya ang mga ito kaya agad na nadala si Twinkle sa ospital. Agad itong ipinasok sa isang kwarto para obserbahan at gamutin. Papasok sana doon si Fidel pero pinigilan siya ng isang nurse at sinabing hindi siya maaaring pumasok. Walang nagawa si Fidel kundi ang mapaupo na lang habang nakasandal sa dingding.

Iyak siya nang iyak. Nag-aalala siya para kay Twinkle. Paano kung sobra na itong napagod at tuluyan nang bumigay ang katawan nito? Baka hindi niya mapatawad ang kaniyang sarili kapag may hindi magandang nangyari sa kaibigan niya.

“Anak…”

Umangat ang mukha ni Fidel nang marinig niya ang boses ng kaniyang ina. Katabi nito ang kaniyang ama. Tila isang ang anghel para sa kaniyang tenga ang tinig nito kaya naman tumayo siya upang yakapin ito ng mahigpit. “'Nay, sorry po! Sorry po!” iyak niya.

“Okay lang, anak. Ang importante ay ligtas ka. 'Wag ka na ulit maglalayas, ha. Halos mamatay kami sa kaba. Mabuti na lang at napanood no’ng kapitbahay natin iyong video mo sa Facebook na kumakanta ka kaya nalaman namin kung nasa’n ka.”

Fly Me To The MoonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon