ANG buong akala ni Fidel ay papaandarin na ni Twinkle ang kotse pagkasakay nilang dalawa. Hindi pa pala. “Paano nga pala natin malalaman kung sino ang unang gagawa ng nasa list niya? Naisip ko kasi na salitan tayo. After na magawa ang isang nasa list ng isa ay iyong isang list naman ng isa. Salitan lang hanggang sa magawa na natin iyong tatlo. And then, uuwi na tayong masaya!” sabi pa nito sa kaniya.
Madaldal. Isa iyon sa napansin ni Fidel kay Twinkle. Marami itong sinasabi. Sobrang daldal kahit minsan ay wala nang sense ang lumalabas sa bibig.
“Ah, iniisip mo ba kung sino muna ang mauuna?” aniya.
“Tumpak! Dahil diyan… tanggapin mo ang isang sakong bigas!” Malakas na tumawa si Twinkle pero tumahimik din at nag-isip. Nagulat siya nang bigla itong pumitik sa hangin. “Ay, alam ko na! Mag-bato-bato-pik tayo.”
“Ha? Ano?”
“Ito naman. Laging ha at ano. Hindi ka naman siguro bingi. Ano? Game na!”
At nag-jack en poy na nga sila. Siya ang nanalo dahil bato sa kaniya at gunting naman kay Twinkle.
“Ang lucky mo naman, Fidel! At dahil ikaw ang nanalo, iyong una sa list mo muna ang gagawin natin. Ano nga ba ang nasa list mo na una? Patingin naman,” dire-diretsong sabi nito.
Inilabas ni Fidel ang kaniyang notebook. Binuklat niya iyon sa pahina kung saan nakalagay ang listahan ng bucket list niya. Iniabot niya iyon kay Twinkle para mabasa nito ang nakasulat doon.
Kinuhan naman iyon ni Twinkle at binasa. “Gusto kong tumulong sa mga street children pero hindi dapat nila ako makilala. Katulad ng kahit simpleng feeding program lamang…” Tumango-tango ito pagkatapos. “Wow. How noble. Ang bait mo naman pala!” Hindi iyon tunog pang-aasar kundi isang papuri.
“Matagal ko nang gustong gawin iyan kaya lang wala talagang pagkakataon at wala din naman kaming pera. Kapag kasi nakikita ko ang mga bata na nasa lansangan ay nalulungkot ako para sa kanila. Paano kung katulad ko ay may sakit din ang isa sa kanila? Nare-realize ko na kahit papaano ay maswerte pa rin ako kahit may sakit akong ganito. Kasi ako may nanay at tatay akong nag-aalaga sa akin pero sila… wala. Walang nag-aalaga sa kanila lalo na kapag may sakit sila, wala silang bahay na masisilungan. 'Di ba, ang hirap ng ganoon?”
“Napaka-sentimental mo namang tao pala, Fidel! Pero kung gagawin natin ito, dapat ay meron tayong pera para pambili ng food. Hindi naman pwedeng isang bata lang ang papakainin natin. Ang nakalagay dito sa notebook mo ay simpleng feeding program. Kaya dapat marami-raming bata.”
Kinuha ni Fidel ang bag niya na nasa back seat. Kinuha niya doon ang piggy bank. “'Eto, o. May naipon naman ako dito kahit papaano. Hinuhulugan ko ito ng mga barya at papel. Kasya na siguro ito,” masayang turan niya.
Napangiwi si Twinkle. “Sa tingin ko ay kulang iyan. Saka itago mo muna iyan. Baka magamit natin ang laman niyang sa iba pa nating gagawin.”
“Sabi mo, kailangan natin ng pera. Kung hindi ko ito babasagin, saan ako kukuha ng perang pang-feeding program?”
“Don’t worry dahil meron tayo nito!” Isang card ang inilabas ni Twinkle.
“Credit card?”
“Ano pa nga ba? Credit card nga!”
“Tanga ka ba, Twinkle? Kapag ginamit mo iyan ay pwede tayong ma-track ng parents mo kung nasaan tayo. Mag-isip ka nga!”
“Alam ko 'yon. Hindi ako tanga, 'no. Wala tayong choice kundi gamitin ito. Pero siyempre, after nating gamitin ay aalis agad tayo sa lugar kung saan natin ito ginamit. Mas mabilis dapat tayo sa kanila. Oh, 'di ba? Hindi ako tanga. Ikaw ang hindi nag-iisip, Fidel!” At malakas na tumawa pa ito.
BINABASA MO ANG
Fly Me To The Moon
RomanceNakilala ko si TWINKLE nang magtangka siyang magpakamatay. Pinigilan ko siya at dahil sa parehas kaming malapit nang mamatay dahil sa sakit namin ay nagkasundo kaming gawin ang nasa "bucket list" namin. Pero ang isa sa mga imposibleng bagay na nasa...