Chapter Three

771 42 4
                                    

SANDALING natigilan si Fidel sa sinabing iyon ni Twinkle. Napaisip siya. May point din naman ito. Mamamatay din naman sila. Kung may mangyari man sa kanila at mamatay sila ay doon din naman talaga ang punta nila. Ang ipinagkaiba nga lang ay mamamatay silang nagawa ang mga gusto nila. Ang totoo kasi niyan ay naiisip din niya minsan na paano kaya kung gawin nga niya iyong nasa bucket list niya. Iyon nga lang, nag-aalinlangan siya dahil alam naman niyang hindi siya papayagan ng mga magulang niya.

Pinanlakihan siya ng mata ni Twinkle. “Ano na? Ang tagal mo naman sumagot diyan!” anito sabay tirik ng mata.

“Sandali lang naman. Nag-iisip pa ako, e!”

“Nag-iisip ka pa, e, ito na nga ang chance natin na magawa ang mga gusto nating gawin.” Napansin niya na mabilis na inihahampas nito ang mga daliri sa ibabaw ng lamesa. Mukhang nagmamadali nga ito. “Okay, fine. Ganito na lang. Pag-isipan mo ang sinabi ko. Umuwi muna tayo tapos kapag nakapag-isip ka na, bumalik ka dito sa coffee shop na ito. Same table. Dito tayo magkita mamayang nine ng gabi. Sige na, I have to go. Baka hinahanap na ako ng parents ko. Bye!”

Mabilis na tumayo si Twinkle. Kinuha nito ang kape nito at lumabas na ng coffee shop. Naiwan siyang nakatulala. Seryoso ba siya sa sinabi niya? Tanong niya sa kaniyang sarili.

Nailing na lang si Fidel at inubos ang kape niya bago umalis sa lugar na iyon.

Pagbalik niya sa ospital ay nakita niya ang kaniyang ina na aligaga habang kausap ang dalawang nurse na babae. Maluha-luha ito at bakas sa mukha ang pag-aalala.

“Anong hindi ninyo nakita? E, nandito nga lang ang anak ko sa waiting area! Dito ko lang siya iniwan!” Kulang na lang ay awayin nito ang dalawang nurse sa pagsisigaw nito.

“Sorry po talaga, misis. Hindi po talag namin napansin ang anak ninyo, e…”

“I-check ninyo ang CCTV! May sakit ang anak ko! Hindi pwedeng kung saan-saan siya pumunta! Baka kung ano ang mangyari sa kaniya--”

“Nanay…” tawag niya habang naglalakad siya palapit dito.

Mabilis na nilingon siya ng nanay niya at bumakas ang saya sa mukha nito nang makita siya. Tinakbo nito ang kinaroroonan niya at niyakap siya. “Diyos ko! Salamat naman at nakita na kita. Saan ka ba pumunta, ha? Ano bang nangyari? Bakit umalis ka dito? 'Di ba, ang sabi ko ay huwag kang aalis dahil mabilis lang naman ako? Diyos ko naman, anak! Pinakaba mo ako masyado!” Dama niya ang labis na pag-aalala nito sa kaniya.

“M-may nakita lang po akong kakilala. Nag-usap lang po kami sa labas. Pero huwag na po kayong mag-alala dahil okay lang naman ako, e. Hindi niyo na kailangang awayin iyong dalawang nurse…”

Humiwalay na ang nanay niya sa pagkakayakap sa kaniya. “E, paanong hindi ko sila aawayin, e, sila ang nakita ko dito kanina nang iwanan kita tapos sasabihin nilang hindi nila alam kung saan ka nagpunta!” himutok pa rin nito.

“Baka po hindi talaga nila napansin. Hayaan mo na lang, 'nay.”

“Oo na! Hindi ko lang talaga napigilan ang bugso ng damdamin ko dahil nag-alala talaga ako nang ang akala ko ay nawawala ka. Ang mabuti pa siguro ay pumunta na tayo sa doktor mo.”

“Sige po…” Matipid na sagot ni Fidel at sumama na siya dito. “Nanay, bakit po ba kailangan ko pang magpa-check up? 'Di ba, mamamatay na rin naman ako?”

“Tumigil ka nga sa pagsasalita ng ganiyan, Fidel! Alam ko iyon at hayaan mo lang ako na ipa-check up ka. Habang humihinga ka ay huwag na huwag kang mawawalan ng pag-asa. May awa ang Diyos, maniwala ka sa akin.” Puno ng pag-asa na sagot ng nanay niya sa kaniya.


-----ooo-----


MULA sa biyahe pauwi ng bahay hanggang sa makauwi ay iniisip pa rin ni Fidel ang sinabi ni Twinkle na gawin nila ang mga bagay na nasa bucket list nila. Pagdating sa bahay nila ay nagpahinga na muna siya. Kinuha niya ang kaniyang notebook at binasa ang mga nakalista sa kaniyang bucket list. Napapangiti siya sa ilan dahil parang imposibleng magawa niya ang mga iyon dahil sa kaniyang kalagayan ngayon.

Fly Me To The MoonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon