PINAPANOOD ng aking ama ang dalawang bruskong lalaki na binubuhat ang aparador niya papunta sa truck. Pagkatapos makuha ang gamit niya ay inabutan siya nito ng limang libong piso na nagpabago sa namamanglaw o nalulungkot niyang mukha. Sumilay ang simpleng ngiti sa pag-iisip na mapupunan nang panandalian ang aming problema.
"Papa Glenn, bakit n'yo po binenta yung aparador?" malumanay kong tanong nang lapitan ko siya sa kaniyang puwesto. Agad naman siyang humarap at isinantabi muna ang pagkukwenta ng paggagamitan ng nakuhang salapi.
"Andiyan ka pala, ano kasi... Angel, hindi ko na naman kailangan iyon. Marami pa akong lagayan ng damit sa kuwarto," sagot niya na halatang nagitla sa pagdating ko.
Ngumiti ako nang huwad at niyakap siya. Mahigpit na yakap na ipinararamdam ang pagmamahal ko na tanging maiaambag ko lang sa ngayon dahil sa murang edad na disi-sais.
Lingid sa natatalos o nalalaman ng aking ama na may ideya na ako sa nangyayari sa aming pamilya. Simula nang mamatay ang aking ina ay sunod-sunod na ang paghihirap na dumating sa amin. Natanggal na sa trabaho ang aking ama at naloko ng isang pekeng business na pinag-invest-an niya nang malaki kaya ang simpleng piso ay malaking tulong na sa amin ngayon.
"Papa Glenn, mag-o-overnight po muna ako ngayon kina Michaela! Kailangan na po kasing tapusin yung project namin," pagpapaalam ko nang kumawala siya sa aking yakap.
"Sige, Anak! Basta tumawag ka sa akin mamayang gabi!" At ginawaran ako ng halik sa pisngi bago ako palabasin ng bahay.
NAG-AALANGAN akong kumatok sa pinto ng bahay ng aking kaibigan. Hindi ko sigurado kung tama ang aking napuntahan dahil kilala si Michaela sa aming eskwelahan bilang isang mayamang babae. Ngunit nang pagmasdan ko ang labas ng kanilang bahay ay gawa lang sa kahoy ang pinto at kitang-kita ang pagkakapatong-patong ng hollowblocks sa pader. Malayong-malayo sa aking napipigura.
"Tao po! Michaela?" nakabubulabog kong sigaw sa labas kasabay ang pagbukas ng pinto na iniluwa ang isang matandang babae. Basa pa ang kaniyang kamay na siguro ay galing sa pagliligpit.
"Sino po sila?" malumanay nitong tanong kasabay ang walang pag-aalangan na ngiti kahit na kulang na ang kaniyang ngipin.
"Si Angel po, kaklase po ni Michaela."
"Ay, ikaw pala 'yan! Sige, pasok ka! Kanina ka pa iniintay ng anak ko." At itinodo ang pagkakabukas ng pinto upang makapasok ako.
Kung ano ang pagkagulo ng kanilang bahay ay siya namang dami ng gadgets sa loob. Gadgets na hindi ko alam kung paano niya nabili lalo na't hindi siya mayaman tulad ng inaasahan ko.
Naabutan ko ang aking kaklase na babad sa harap ng kaniyang computer. Napapahagikhik pa siya habang may kung anong binabasa. Pumapadyak pa ang kaniyang kanang paa dala ng sobrang kilig.
"Uy! Ano 'yan?!" nagtataka kong tanong na sinamahan pa ng pagkapit sa kaniyang braso.
"Nakakagulat ka naman, Beks!" Hinampas niya pa ako sa aking balikat. "Dating app 'to!"
"Ano!? Sixteen pa lang tayo tapos date-date agad nasa utak mo!"
"Parang nanay naman kita, Beks! Alam mo ba, may boyfriend ako dito. Arabong mayaman, Beks! Pinadadalhan ako ng pera kada buwan!" pang-iinggit niya habang ako naman ay hindi maipinta ang mukha. Matanda na ang sinasabi niyang karelasyon. Balbas-sarado. Maitim. Mataba.
Inilabas niya ang kaniyang pitaka at ipinakita pa sa akin ang laman niyon. Nanlaki ang aking mata sa aking natunghayan. Walang makikitang barya at tanging makapal na bungkos ng papel ang nakaipit.
"Ano go ka, beks!?" pag-aaya niya na nagpatahimik sa akin.
Ilang sandali akong nag-apuhap. Natulala. Nagmuni-muni. Sa ganitong paraan ay matutulungan ko na ang aking ama sa kaniyang problema kahit may ginagamit akong ibang tao.
BINABASA MO ANG
Destiny's Victim
Kort verhaal|ONE-SHOT| "'wag kang mag-alala, tutulungan kita." Gaano mo kakilala ang tinutulungan mo? Gaano ka katiwala sa inaakala mong totoo? Gaano mo kamahal ang taong nakakubli sa camera? MAG-INGAT KA!