Kabanata 2: MARAHAN
Kung sa tribo nila hindi niya naririnig ang pangmamaliit sa kanya dahil sa kakulangan niya, ngayon, pakiramdam ni Sulli hindi lang ipapamukha sa kanya ang kawalang-paningin niya sa lugar ni Dragon, isasama pa nito ang pangmamaliit sa kanya na ginagawa nito. Parang ang galit na nasa puso nito, gusto nitong ibuhos sa kanya.
Pero walang mas sasakit sa mga salita nito sa salitang 'Hindi Pinili ng Mate' dahil tama ito. Hindi siya pinili ng mate niya at nag-asawa ito ng iba at kinaharap ang buhay na puno nang paghihirap para lang mapagtagumpayan ang pag-ibig nito sa piniling babae. Samantalang siya, hindi niya kayang sumugal. Pero dahil ito ang 'Mate' na nakalaan sa kanya, hindi madali sa kanya na ibalewala ang Prinsipe ng mga Lobo, dahil simula nang malaman niyang ito ang 'Mate' niya ay minahal na niya ito at tumindi pa nang tumindi. Hinintay niyang maging handa ito sa mga panahong lumipas. Kahit dalawampung taon na ang hinihintay niya ay hindi naman niya iyon iniinda, mas mahabang 'di hamak ang buhay niya sa pangkaraniwang tao.
Nang mag-asawa ito ng iba, pinili niyang mag-isa at manatiling birhen. Hindi niya gustong gantihan siya ng tadhana sa hindi pagsunod dito. Kung ang kapareha niya ay hindi siya nais, hindi na lang niya ipipilit na magnais ng iba para maging ligtas siya. Kailangan niyang mabuhay para sa sangkatauhan lalo pa at may pangitain siyang hindi pa niya maipaliwanag na nagpapakita ng mga senaryo ng lalaganap na kamatayan.
"Sayang at hindi mo nakikita kung gaano ka kaganda, Binibini."
Nabalik siya sa realidad ng marinig ang boses ni Saya, ang babaeng pinili ni Dragon para maging tagapag-alaga ng 'Babae' nito. Ganito siya nito ibilang.
"Ikaw ang pinakamaganda sa mga babae ni Panginoong Dragon."
Sinsero ito kaya naman nauwi siya sa ngiti rito.
"Maganda ngunit hindi para maging tanging babae ng isang lalaki."
Natigilan ito at maging siya, nabigla sa nasabi niya.
"Binibini, si Panginoong Dragon—"
"Hindi siya ang tinutukoy ko." Idiniretso niya ang braso at hinawakan ang palad nito at pinisil iyon. "H'wag mo na lang akong pansinin." Hindi naman niya ninais ng atensiyon ni Dragon. Pero kung may lalaki man sanang pipili sa kanya, gusto niyang maging sapat siya, kahit walang pag-ibig ito sa kanya. Pero ang isipin na 'babae lang' siya nito kung tawagin, isa sa mga babaeng taga-aliw nito ang dating niya. Iba't ibang kama ang pinanggagalingan nito. At hindi siya lumaki bilang mababang-uri ng babae. Isa siyang prinsesa ng mga lobo.
Naramdaman niyang pinisil din nito pabalik ang palad niya.
"Binibini, sana ikaw ang makagamot sa kanya. Hindi lang ang karamdaman niya kundi maging ang puso niyang umaasa pa rin ng katugon sa babaeng hindi siya pinili."
Nag-angat siya ng paningin dito. Hindi man niya makita ang reaksiyon nito dahil sa kadilimang nananaig sa kanya ay alam niyang nakatitig din ito sa kanya.
"Hindi siya pinili?" gusto niyang marinig ang iba pa.
"Hindi siya pinili at nakahanap ng iba. Bago pa makilala ang Panginoong Dragon, bago pa siya maging isang Imperial Knight, nakilala niya na iyon at pinangakuan na magiging asawa niya at nasa pareho naman silang damdamin. Naging biktima ng Slave Trade ang babaeng iyon at naging babae ng isang Tyrant Class. Sa huli, hindi na siya pinili ng babae dahil minahal na nito ang lalaking bumili rito—"
Pag-ingit nang pintuan ang nagpatigil dito.
"Saya, dalhin mo na siya sa silid ni Panginoong Dragon."
BINABASA MO ANG
SLAVE TRADE 3: SULLI THE BLIND HEALER
WerewolfSLAVE TRADE 3 SULLI x DRAGON All rights reserved 2016 Image from Google