Chapter 4
ZONE 66...
Mula sa sasakyang personal na panghimpapawid namamasdan ni Dragon ang ibabang bahagi ng tinaguriang Zone 66. Ang mga bansa noon na ngayon ay naging Zone na bilang kabahagi ng iisang layunin at napapasailalim kay Neo, ang dating nagtangkang sirain ang daigdig pero daig pang bayani ng sangkatauhan sa panahon ngayon.
"Hindi ako naniniwala na may puso na si Neo. Kung ano man ang larong pinasok niya, kapag hindi na kasiya-siya ay sisirain niya rin ang pinaghirapan niya at magigising sa katotohanan na sinayang niya lang ang panahon niya para sa daigdig na ito." Siguro nga mapait ang naging pananalita niya. Pero nasisiguro niya na pareho lang sila ni Neo nang damdamin. Ang daigdig at pag-aalay ng buhay sa sangkatauhan na tinatawag na 'Bayani' ay isa lang pag-aaksaya ng buhay. Ang pagiging makasarili at pagmamahal sa sarili ang kailangan ng bawat isa para mabuhay. Kung ang buhay ay isang biyaya, bakit kailangan aksayahin sa pagsagip ng buhay ng iba? Bilang may malaking halaga ang buhay, tama lang na lahat ay matuto na protektahan ang sarili nilang buhay.
"Hindi ba kapanipaniwala na binago siya nang pag-ibig, kamahalan?" natatawang ani Damian na siyang nagmamaniobra ng sasakyan.
"Kahinaan ang pag-ibig." Mariing aniya. Pero nagkrus sa isipan niya si Celine. Minsan niyang niyakap ang kahinaan ng pag-ibig, tama lang na hindi ito napasakanya. Ito ang magiging kahinaan ng malakas na katulad niya.
Nahinto ang usapan nila dahil nag-iingat na si Damian na masaring ang nakaraan niya. Nanatili silang tahimik hanggang pababa ng sasakyan nila sa malaking bahagi ng lupa malapit sa kastilyo ni Neo.
**
Hikab nang hikab si Akiles habang minamasdan si Sulli na kakapa-kapa sa pasilyo. Sinusundan niya ito at masasabi niyang hindi ito pala-asa sa kabila ng pagiging bulag nito. Iniisip niya na malas ang pagiging bulag nito at kabilang pa sa may mataas na katayuan sa tribo, kompara sa ibang bulag na nasanay sa labas, ang katulad nito ay hindi, kaya mas iniisip niyang palaasa ang katulad nito at hindi mabubuhay nang mag-isa. Pero heto ang babaeng lobo na ito na ingat na ingat at may mga salitang sinasabi na tila kinakabisado nito ang bawat bahagi ng lugar.
Mabilis siyang naglakad nang malapit na ito sa hagdanan. Mahuhulog ito kung pababayaan niya. Kaagad siyang naglaho at tumungo sa harapan nito, limang hakbang na mas mababa sa kinatatayuan nito.
"Hindi ako mahuhulog, salamat sa pag-aalala."
Pag-aalala? Hindi siya nakararamdam no'n. Pero ang malaman nito na nasa harapan siya at marahil alam din nitong hagdanan ang tutungtungan ng paa nito ay nakapagpamangha sa kanya.
"Sa umpisa lang naman ako ganito, makakabisado ko rin ang bawat bahagi..." Marahang umapak ang paa nito na nasasapinan ng lapat na babasaging sapatos habang ang isang palad nito ay humawak sa gintong bahagi ng hagdanan para kumuha ng suporta.
"Malakas ang pakiramdam mo." Hindi napigilan ni Akiles na isatinig 'yon habang ibinababa niya ang paa patalikod. Kahit pa mukhang kakayanin nito ay naro'n pa rin naman siya para sa maling hakbang nito.
"Bilang isang bulag, higit kong nakasanayan ang palakasin ang pakiramdam ko kung hindi ko maaasahan ang mga mata ko. May pandinig ako at pandama, maging pang-amoy ay p'wede kong gamitin para punan ang kakulangan ko."
"Sayang. Kung hindi ganyan ang kalagayan mo, hindi ka magiging alipin sa lugar na ito." Wala namang damdamin na nakalakip sa mga salita ni Akiles. Wala siyang pakialam sa iba maging dito. "May pagkakataon kang makatakas kung may paningin ka—"
Ngumiti si Sulli na ikinapagtaka ni Akiles na patuloy na ibinababa patalikod ang paa dahil patuloy na naglalakad si Sulli pababa.
"Wala man akong paningin, may kakayahan ako na wala ang ibang may paningin. Ang kakayahan na iyon ay hindi ko ipagpapalit dahil mas malaki ang maitutulong ko sa iba gamit ang kakayahan ko. Kung may paningin ako, mas mapapahalagahan ko kaya ang ibang mayro'n ako nang higit kung hindi ako naging kulang? May mga isinilang na katulad ko na maraming kayang gawin na hindi nagagawa nang iba. Mga kapansanan na sa paningin ng mga kumpleto ay kahabag-habag pero hindi alam ng mga iyon na minsan sa kakulangan, mas matatagpuan mo ang mas malalim na kahulugan ng buhay. Lahat ay kulang sa iba't ibang paraan. May madaling makita na katulad nang sa 'kin, at may katulad mo na hindi makikita sa isang tingin lamang at natatago sa kalooban mo."
BINABASA MO ANG
SLAVE TRADE 3: SULLI THE BLIND HEALER
WerewolfSLAVE TRADE 3 SULLI x DRAGON All rights reserved 2016 Image from Google