1 out of 100: Ikaw

929 10 4
                                    

Wala ka nang magawa pero di mo pa rin mapigilan magbrowse sa iba’t-ibang social networking sites na meron kang account. Na-greet mo na ang kaibigan raw sa Facebook na may birthday, nakapagtweet ka na sa Twitter tungkol sa mga nangyari sa’yo ngayong araw na ‘to, na-stalk mo na ang mga taong hindi mo naman magawang tignan ng tuwiran sa mga mata sa tuwing nakakasalubong mo sila sa lobby o sa tinatambayan mong mall malapit sa paaralan. Wala ka na talagang magawa at dahil ayaw mo pang mag-aral, naghanap ka nalang ng mga bagong kwento sa Wattpad na hindi pa napapansin ng karamihan.

Mga walang magawa, sa isip mo, sabay tiis sa pagbabasa ng mga kwento nilang hindi mo mawari kung maganda o pangit dahil konti pa lamang ang chapters na puwedeng pagbasehan. Napa-iling ka. Hindi, hindi wasto ang ‘maganda’ para sa isang kuwentong di pa tapos, sagot mo sa sarili mo. Kaya nagpasya kang makuntento sa salitang ‘pwede na’ para i-uri ang mga akdang binabasa mo.

Naramdaman mong tila ba pinagmamasdan ka ng nagsulat ng binabasa mong akda dahil tila alay sa’yo ang bawat letrang kanyang isinulat- pero paano? Isang nakaraan na lamang para sa’yo ang pagsusulat ng kwentong iyong binabasa- tapos na ito, nailahatla na, kaya hindi puwedeng sinasabayan ng nakaraan ang iyong kasalukuyan.

Hindi puwedeng tugma ang lahat sa kuwento ng buhay mo.

Halimbawa, napansin mong alam niya na nagtatampo ka sa mga magulang mo dahil sa mga paratang nila na hindi mo pinagbubutihan ang pag-aaral mo sa kabila ng mga gabing nagpupuyat ka kakaaral. Laging kulang pa rin, sa isip mo. Alam din niyang nagpakatanga at nasaktan ng husto sa pag-ibig sa isang taong hindi man lamang nagdalawang-isip na hiwalayan ka. Alam din niya ang lahat ng kasinungalingang pilit mong pinaniniwalaan dahil hindi mo gusto ang mga katotohanang iniaabot sa iyo ng mundo ng kusa. Higit sa lahat, alam ng akda na malungkot at miserable ka dahil hindi ito ang buhay na ginusto mo- isang buhay na iginugugol lamang sa mga makamundong ideya ng yaman at tagumpay.

Pinagpasya mong huwag nang tapusin ang binabasa dahil nakakaramdam ka na ng kung anong takot at kaba sa mga nakalagay sa kuwento. Kahit anong pilit mong pagkumbinsi na hindi ikaw ang taong tinutukoy ng akda, nakikita mo pa rin lahat ng pagkakapareho mo at ng karakter.

Nagmadali kang uminom ng malamig na tubig sa kusina at di kalaunan ay nagpasyang siraduhan na ang mga pinto at bintana para matulog.

Kaibigan, kung tinapos mo sanang basahin iyon, hindi mo na sana kailangang magulat na may lalaking wala sa tamang pag-iisip na palang nakapasok sa iyong bahay bago mo pa naman ito naisara- naghihintay lamang ng pagkakataong saksakin ka hanggang lumabas ang iyong bituka. Siguro'y nakahingi ka pa ng tulong sa iyong mga kakilala at nang kinabukasan ay hindi ka pa...

Patay.

100 Daang Kwento ng KamatayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon