4 out of 100: Peligro sa Gabi

314 1 0
                                    

Bakasyon at wala ka nang magawa. Ayaw mong lumabas ng bahay dahil pakiramdam mo magtutunaw ka sa init ng araw at ayaw mo na ring umitim dahil malapit na ang pasukan tutal wala ka rin naman talagang gustong puntahan.

Tinanghali ka na ng gising na ayos lang naman dahil magandang pampalipas ng oras na rin ang pagtulog. Sinubukan mo nang magbasa, manuod ng TV, kausapin ang pusa niyong pakiramdam mo ay sumasagot sa’yo. Sinubukan mo na ring makipagharutan sa mga kapatid mong mas bata sa’yo at sa kung sino mang trip mo. Kaso nagsawa ka na at may ginagawa rin sila. Sinubukan mo nalang umupo.

Sinubukan mong makipagtext sa kung sinu-sino, karamihan sa mga kaibigan mo sa high school at kaklase mo sa kolehiyo. Sabi mo namimiss mo sila pero ang totoo, hindi masyado. Wala ka lang talagang magawa. Tinext mo na rin siya kahit sabi mo hindi mo muna siya itetext. Hindi mo na napigilan.

Pero hindi siya nagreply at pakiramdam mo nagmukha kang tanga.

Napansin mo nalang na gabi na pala kahit wala ka naman talagang ginawa na ikinatuwa mo. Lumabas ka sa bahay niyo at pumunta sa may cottage niyo na kasing tanda na raw ng lolo mong namatay tatlong taon na ang nakalipas. Umupo ka dun at tinignan ang mga bituin sa langit na hindi mo magawang mabilang sa dami. Pagkalipas ng ilang minuto, nagpaalam ka sa magulang mo na bibili ng isaw at betamax sa may tabing-dagat. Gustong-gusto mo ang ihip ng hangin sa tabing-dagat. Pumayag sila pagkatapos ipaalala na umuwi agad at mag-ingat sa mga lasing sa daan.

Pabalik ka na sana nang mapansin mong may dalawang lalaking sumusunod sa’yo. Kinabahan ka dahil nung saglit mong liningon ay nakita mong hindi mo naman mga kakilala. Dinoble mo ang bilis ng iyong lakad, halos tumakbo ka na pero takot ka na mahalata ka nila at habulin na ng tuluyan.

Kalma, sinabi mo sa sarili mo. Kumalma ka lang.

At laking pasalamat mo ng nakita mo sa di kalayuan mo ang kaklase mo nung high school na lalaki. Kinawayan mo siya at tinakbo na ang natitirang distansiya sa pagitan niyong dalawa. Tinanong mo siya kaagad kung pwede ka ba niyang samahang maglakad hanggang sa bahay niyo. Tumango siya at tinanong kung bakit namumutla ka. Sabi mo pakiramdam mo kasi sinusundan ka nung dalawang lalaki na ngayon ay nakasandal nalang sa may pader sa may gilid ng dilaw na streetlight. Tumawa siya saglit sabay puna na talagang susundan siya dahil sa ikli ng shorts niya. Nairita ka sa tono niya pero hindi mo na pinahalata dahil baka iwan ka pa niya.

Tinanong niya kung pwede daw ba kayong dumaan sa bahay ng tito niya dahil may inuutos daw sa kanya ang mama niya. Naisip mong mas mabuti na ‘to kesa mapahamak pa ako pauwi kaya pumayag ka.

Nagulat ka nalang ng makita mo ang dalawang lalaking sumusunod sa’yo kanina lamang sa loob ng bahay na pinagdalhan ng kaibigan mo sa’yo. Napatingin sila sa gawi niyo ng pumasok kayo, tinapon sa lupa ang mga yosing nakasindi sabay inapakan.

Tumakbo ka pero nahatak nila ang buhok mo at napaiyak ka sa sakit.

Hinila ka nila papasok ng bahay. Hindi ka na nakasigaw ng tulong dahil nakatakip sa bibig mo ang kamay ng kaklase mong nagdala sa’yo dito. Hawak ng isang lalaki ang dalawa mong kamay habang ang mga paa mo naman ay buhat-buhat nung isa pang lalaki. Nakangiti silang tatlo sa mukha mong puno ng takot.

At kinabukasan…

Patay.

100 Daang Kwento ng KamatayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon