"PANG-ILAN na?" Natatawang tanong sa kanya ni Lynie habang patuloy na tumitipa sa computer nito. Hindi man lang ito nag-abala na tingnan siya.
Kasalukuyan siyang nasa opisina nito sa CG Hospital. Katatapos lang nito mag-rounds nang puntahan niya ito kaya naman may oras itong makipag-usap sa kanya.
Masyado itong abala at dedicated sa trabaho nito na kulang na lang ay sa ospital na ito tumira. Hindi na niya ito nakikita nitong mga nakaraang araw kaya naman nagdesisyon na siya na bisitahin ito.
"Pang-lima na, Doc Lynie," aniya at bumuntong hininga nang marahas.
"Oh, tapos? Wala pa rin?" Sa pagkakataong iyon ay tumigil na si Lynie sa ginagawa at hinarap siya. Kita niya ang mapanuksong ngiti sa labi nito habang nakatingin siya.
Inismiran niya ito at matapos ay padarag na sumandal sa kinauupan.
"Bakit ba kasi pinatulan ko ang kalokohan ng unggoy na 'yon? Baliw na 'ata talaga ako, Lynie. Kailangan ko ng magpatingin sa psychiatrist," aniya at tinampal ang noo.
Kung bakit naman kasi isa't kalahati rin siyang tanga. Bakit ba pinatulan niya pa kasi ang hamon ni Neil? Ngayon tuloy ay para siyang tangang naghahanap ng karayom sa malawak na kamalig.
"I'll let you date any guy you want. I will not meddle. Pero kapag sa loob ng isang buwan at hindi mo pa rin nakita ang lalaking mamahalin mo, magpapakasal tayo," seryosong sabi ni Neil sa kanya.
Pinagtaasan niya ito ng kilay. "At sino naman nagsabi sa'yo na pumapayag ako sa gusto mo? 'Tsaka, hello? One month? Anong akala mo, tagu-taguan ang paghahanap kay true love na madali lang gawin? Baliw ka ba?"
"That's the gist of it! You've been single for how many years now. And if you are really meant for someone else, from this time now, you should be in a relationship. But look at you? You're twenty-six and still single," anito at nawala ang kaseryosohan sa mukha nito. Gumuhit ang mapaglarong ngiti sa labi nito. "'Seems like you're really meant to marry me."
"Asa, Karyo, asa!" Aniya at sinamaan ito ng tingin. "Call! Papatunayan ko sa'yo na hindi ikaw ang lalaking nakalaan para sa'kin! Masyado akong mahal ni Lord para bigyan ng lalaking ipupukpok ko lang sa ulo ko!"
Narinig niya ang malakas na paghalakhak ni Lynie kaya naman sinamaan niya ito ng tingin.
"Sorry," anito at pilit pinigilan muli ang sarili na tumawa. "Hindi ko rin kasi talaga maintindihan kung bakit mo pinatulan ang kalokohan na iyon ni Aragon."
"'Yun na nga, Lynie! Ang tanga-tanga ko talaga!" Sa pagkakataong iyon ay ibinagsak niya ang kanyang noo sa mesa nito at mahinang inuntog-untog iyon. "Nautakan ako ni Karyo roon!"
Sa loob ng isa't kalahating linggo, naka-limang date na siya. At ni isa roon ay wala man lang siyang spark na naramdaman. At ang nakakatawa pa roon, pagkatapos nilang mag-date ng lalaki ay hindi na ito magpaparamdam sa kanya. Ni wala man lang follow up date o ano. Kahit 'ata friendship ay ayaw ng mga lalaking iyon sa kanya.
Naramdaman niyang tinapik-tapik ni Lynie ang kanyang ulo. "Baka kasi siya na talaga, Forest. Baka kasi nakiki-conspire na si universe para sabihing sa'yo na si Aragon talaga ang nakalaan para sa'yo."
Mabilis siyang nag-angat ng ulo at sinimangutan si Lynie. "Alam mo, hindi ko alam kung kaibigan kita o ano? 'Di ba dapat tsini-cheer mo ako? Bakit parang gustong-gusto mo kaming magkatuluyan ni Karyo?"
![](https://img.wattpad.com/cover/175643919-288-k832586.jpg)
BINABASA MO ANG
CAPOGIAN GRANDE SERIES 5: Bewitching Neil (PUBLISHED UNDER PHR)
RomanceKung ang mortal na kaaway ni Superman ay si Lex, ni Batman ay si Joker at ni Thor ay si Loki, si Nicario Leon Aragon naman ang masasabing pinakamortal na kaaway ni Alexandra Forest Yuhico. Simula pa 'ata na natuto silang magsalita at maglakad ay hin...