CHAPTER 01

5.8K 90 0
                                    

BUONG lakas na pinakawalan ni Forest ang hawak na palaso. Matapos n'on ay napasimangot siya nang makitang hindi niya tinamaan ang target.

"Mukhang kinakalawang ka na," biro ni Lynie sa kanya at kumuha muli ng arrow. Mukhang nag-e-enjoy na rin ito sa archery tulad niya.

Kasalukuyan silang nasa Fun Town Amusement Park ng Capogian Grande. Malawak ang park na kabubukas lang limang buwan na ang nakakalipas kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng probinsya. May kung ano-anong rides ang naroon para sa mga bata at matatanda. May bump car, roller coaster, Vikings, carousel, ferris wheel at kung ano-ano pa. Matatagpuan din sa park ang daan patungo sa Heaven's Peak. Mataas na burol iyon at doon ay masisilayan ang kabuuan at kagandahan ng Sentro Del Sol. Mayroon ding open field kung saan maraming naglalaro ng badminton, frisbee, soccer, at kung ano-ano pa. Mayroon ding iba't-ibang activities sa park tulad na lang ng archery kung saan inuubos nila pareho ni Lynie ang oras.

Inaya niya si Lynie na mamasyal sa Fun Town Amusement Park dahil naii-stress talaga siya at gusto niyang mag-unwind. Mabuti na lang at hindi nito duty ngayon kaya nahila niya ito roon.

Humarap siya kay Lynie. Gusot na gusot ang mukha niya dahil naisip na naman niya ang nagpapa-stress sa kanya nitong mga nakalipas na araw.

"Masama ba akong tao, Lynie?" Tanong niya. "Sa pagkakaalam ko, wala pa naman akong nilalabag na batas at mabuting mamamayan naman ako ng Pilipinas. Pero bakit minamalas ako?"

Bahagyang tumawa lang si Lynie sa sinabi niya at matapos ay swabeng binitiwan ang hawak na palaso. Nang tinamaan nito ang target ay lumapad ang ngiti nito.

Hinarap siya nito at tinapik sa balikat. "Malulutas mo rin 'yang problema mo, Forest. Tiwala lang."

Napabuga siya ng hangin. Kung sana nga ay ganoon lang kadali iyon. Pero hindi. Ilang beses na ba siyang nakiusap, nagmaktol at nagmakaawa? Pero wala pa ring nangyari.

"Kapag hindi ka sumunod sa amin, magkalimutan na tayo."

Umalingawngaw ang mga katagang iyon sa kanyang utak na mas lalong ikinalukot ng mukha niya.

Sa totoo lang ay sobrang sama ng loob niya sa mga magulang niya. Ipinagpipilitan kasi ng mga ito sa kanya ang isang bagay na 'di niya gustong gawin. At never kong gagawin!

Akala niya ay nakatakas na siya noon pero hindi pala. Nananatili pa rin pala ang kasunduan at nagsinungaling lang ang mga ito sa kanya noon para 'di siya tuluyang magrebelde.

Eh, kung ngayon ka kaya magrebelde? Tumakas? Sulsol ng kanyang utak.

Gusto niyang gawin. Madali na lang naman na kung tutuusin. Kaya naman na niyang mamuhay mag-isa dahil mayroon naman siyang sariling negosyo na mapagkukunan nang panggastos sa araw-araw. May ipon na rin siya sa bangko kaya siguradong hindi siya maghihirap. Pero may problema. 'Di niya 'ata maaatim na bigyan ng sama ng loob ang mga magulang niya. Lalo na ang mama niya dahil mahina na ang puso nito at hindi ito pwedeng ma-stress. Ayaw naman niyang siya ang magiging dahilan sa paglala ng kondisyon nito.

Salot ka talaga sa buhay ko, Karyo!

Kumuha muli siya ng palaso at itinira 'yon. Sa isip ay si Karyo ang target. Nang tamaan niya iyon ay isang nakakalokong ngiti ang kumawala sa labi niya.

"Alam mo, kung 'di lang kita kilala, iisipin kong nababaliw ka na," naiiling na sabi ni Lynie na 'di niya namalayan na nakamasid na pala sa kanya.

Ngumiti siya nang matamis dito. "Kapag natuloy ang kasunduan, baka makita mo na talaga ako sa asylum. O mas malala, baka sa CG city jail kapag nakapatay ako."

CAPOGIAN GRANDE SERIES 5: Bewitching Neil (PUBLISHED UNDER PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon